Monday, January 10, 2011
Malikhaing Gawain
Tuesday, December 28, 2010
Ilang Sandali Matapos ang Simula
ni Monching Damasing
Panandalian tayong magiging anino habang gumuguho
ang mga anghel. Katawan nati’y maglalaho
nang panandalian habang nagtatapat ang ating mata
sa kanilang sementong mata. Ngingnig tayo
sa bawat pagliwanag ng langit. Habang gumuguho ang mata
ng bagyo, paisa-isang nababasag sa sahig ang mga dalisay
na mukha’t pakpak. Walang maiwiwikang dasal ang mga labi
nating nangangatal, habang sinisimulang buksan ng lupa
ang mga nakatagong sepulkro’t altar. Iniluluwal ng lupa
ang nakaraan. Wari isang uri ng pagsilang
ang paglanghap ng singaw, mata nating pumipikit,
mga palad nating tinatapat sa isa’t-isa. Yumuyukod tayo
sa ating mga anino, sa hubog nating walang-muwang sa malaon
nang nagaganap na pagguho ng mga sagisag. Tinititigan natin
ang ating mga yapak na waring hindi sariling atin. Waring
hindi atin ang sarili nating mga luha. Nagsisimula tayong umutal.
Sa isang langhap, sa sandaling nagsisimulang maluoy,
binagtas natin ang mga kalye kung saan nakatitig ang mga mata
ng ilaw-poste sa atin. Dinig natin ang laksa-laksang talampakan.
Walang mga ibon ang mga dinaraanang puno natin. Sa isang kanto,
nakaambang ang mga uwak habang iniaawit ng isang baliw
ang kaniyang nakaambang paglutang sa alangaang.
Pilit niyang inaabot, iniaabot ang sariling langit sa atin nang
gumuho ang nilililimang gusali. Kay tayog ng aking katawan,
pahayag niya, bago naglaho ang kaniyang anino.
Thursday, December 16, 2010
profile pic
binago ko ang aking mukha
para sa kapakanan nila.
isinantabi muna: luha
mula sa magang mga mata
dulot ng pagmamakaawa
sa mga taong tulad nila.
silang mga nagtitiwala
sa mga taong humuhusga:
ayon sa kanilang bunganga,
may mga karapatan sila.
dahil wala silang kilala:
ngiti na para sa camera.
Monday, December 13, 2010
Malikhaing Gawain
Kahingian: tulang hindi hihigit sa anim na linya o isang kuwentong hindi hihigit sa tatlong pangungusap. Gumamit ng anumang linya mula sa mga palabas sa telebisyon o pelikula.
I Never Said That I Love You
Jubal: Ano po bang kailangan naming gawin, Aling Telang?Hindi tinatawid ang ilog -- nilulusong.
Telang Bayawak: Ano pa, eh di ang maging ganap na tao.
Wednesday, December 1, 2010
Moriones
na balot sa kasuotang metal at tela.
Sa linggong iyon hinanap ang taksil
na saksi sa himalang pinaghihinalaang
ang dugo sa lansa ang mumulat sa bulag.
Napuno ang bawat lansangan ng mga tao,
sundalong balbas-sarado tungong kalbaryo,
sa penitensyang maglakad hanggang hapon.
Sa parehong talim nahulog ang anino
sa tapyas ng kanyang maskarang kahoy
patungo sa butas ng nasirang mata,
at sa leeg na ginuhitan ng dugo.
Sa huling sandali, tumapat
siya sa langit, naniwala.
Tuesday, November 30, 2010
Malikhaing Panayam
Inanyayahan akong magsalita
tungkol sa lugar ng sarili sa tula.
Ipakita kung saan matatagpuan ang ako,
na para bang nagtatago ito,
nakakubli sa sanga ng mga letra,
nakalublob sa malapot na dagat
ng parikala, o nakabaon sa ilalim
ng kabilang pahina, sa susunod
na tula. Hindi ko alam kung saan
sisimulang hanapin ang sarili.
Kaya naisip kong lumikha ng sarili
kong tula at doon maghagilap.
Ngunit masyadong masalimuot
ang mundo ng liriko at palipat-lipat
ng lokasyon ang persona. Narito ako,
sabi sa akin ng sarili, bago bumaba
ng gusgusing bus, habang ginagasgas
pa nito ang tanawin sa labas.
Narito ako, sabi ng taong-grasa,
itinuturo ang pinakabago niyang pilat.
Nagpatuloy ako sa paghahanap
at nadatnan ko ang kabilang berso
kung saan isang dambuhalang salamin
ang tumambad sa akin. Narito ako,
sabi ko sa sarili. Dali-daling nabasag
ang aking tinig at nabiyak ang mundo
ng tula. Lumabas ako at ikaw
ang unang nakita, nakaupo sa gilid
ng kalsada, nagtataka kung paano,
kung saan, kung kailan.
Tinabihan kita at tiningnan
ang papel na nais kumawala
mula sa iyong mga kamay. Wala.
Wala ako riyan.
para kay Geneve
Monday, November 29, 2010
Kolorete
Nakita kita sa silid na iyon.
Nilalagyan ka nila ng kolorete sa mukha
at inaayusan pa ang buhok mong kulot
Dinadamitan ka nila ng kulay lila
Pinanood kita mula sa di kalayuan
Pinagmasdan nang maigi, pinag-isipan ko
kung tama ba itong nararamdaman ko para sa’yo
Tumayo ka na at lumabas ka ng kwarto.
Naalala ko pa noong una kitang makita
Ibang-iba ang iyong hitsura
Walang bahid ng kolorete sa mapungay mong mga mata
O di kaya’y wig na tumatakip sa iyong maigsing buhok
Oras mo na.
Umakyat ka sa entablado noong gabing iyon
Umasta ka na parang mayuming dalaga
Lahat ay nasiyahan sa iyong pagpapatawa
Natapos ang iyong pagtatanghal.
Bumaba ka mula sa iyong kinatatayuan
Nilapitan mo ako sabay hinagkan,
“Sister! Natapos rin ang palabas!”
Nabulabog ang aking natutulirong damdamin.
Huwag ka nang magkaila
Alam ko na ang tinatago mong lihim
Tuluyan na akong nawalan ng pag-asa.
Sana noon pa lang ay nalaman ko na
nang hindi sana kita natutunang mahalin
para hindi na umasang ako ang iyong hahanap-hanapin
at hindi ang lalaking katambal mo sa dula kanina.
