Friday, January 16, 2009

Linya

ni Brandon Dollente

Paano ka mauubusan ng salita? Sabi mo sa akin habang pinapanood ko ang usok mula sa iyong bibig, binabaluktot ng hangin, pinipiga ng sarili nitong gaan, iyan na siguro ang kabiguan ng isang makata. Ngunit ang totoo, hindi ko mapigilang mahalin ang katahimikan ngayon. Pakinggan mo, palihim na tumitibok ang langit. Pakinggan mo, nagmamakata sa kaniyang isip ang katabi mo sa bus. Pakinggan mo, puwang na lamang ang nakalatag sa aking dibdib. Isa muling hitit at tila nauupos tayong talinghaga at wala sa ating may sala, wala akong mahanap na salita. Nakaskas lamang ang ating lalamunan sa paghinga ng malalim. Alam mo, kung ano mang linya tungkol sa mga hungkag na puso ang naisulat ko noon - paano ba ako magpapaliwanag? Kung ano mang linya, wala na akong maituloy. Nais ko na munang malungkot, sabi ng isang kaibigan, at hindi ko siya naintindihan, at hindi ko naintindihan kung bakit ako sumang-ayon, tumayo at kumuha ng isang basong tubig at biglang may mga paninikip na hindi kayang lunurin. Napatitingin ka na rin sa malayo, di muna kita gagambalain.

No comments: