ni Ej Bagacina
Gaano kalayo
Ang langit
Sa lupa? Naaalala
Mo ba? Noong mga bata tayo
Pilit kong tinanong sa iyo.
Ewan. Paliparin mo na lang
Itong saranggola. Alam mo,
Ginusto kong baybayin
Sa aking isip
Ang haba ng pisi
Na hawak ko ngunit napakalawak
Pala ng langit naisip ko:
Kapag namatay ako, doon
Ako pupunta.
Napatingala ka
At nakita mong nakasabit
Ang iyong saranggola
Doon sa kawad ng kuryente at ilaw
Poste. Binato mo ako noon
Ng sisi. Magmula noon
Ay hindi na tayo muling nag-usap
Tungkol sa langit, lupa, at mga ulap.
Huwag nating pag-usapan ang kamatayan.
Paborito kong linya ng isang tula.
Sabihin ko kaya ito sa 'yo mamaya?
Sanay na akong magsalita
Sa isip habang nakasakay
Sa bus. Patawad
Kung wala akong dalang bulaklak,
Wala naman talaga akong balak
Umuwi sa San Roque kung hindi ko pa
Nalaman ang balita.
Gaano kalayo
Ang langit
Sa lupa? Marahil tinatanong din
Ito ngayon ng iyong ina
Sa harap ng iyong labi.
Habang umiiyak siya
Ay may biglang dumapo sa aking labi
Na isang paruparo.
Mamaya, susundan ko ito.
Kahit na alam ko,
Hindi naman nito mararating
Ang langit.
Monday, June 15, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
9 comments:
Binabasa ko ngayon 'yung mga lumang blog entry ni Kael tas me napansin akong malamang e napansin mo na rin. Meron ding kakaibang talad 'yung blog entry + tula. Iyong nagpapakilala ka muna, inilalatag mo kung ano 'yung mga pinanggagalingan mo, tas saka ka magbibitaw ng tula. Alam kong nakasanayan na nating paniwalaan na 'ang tula ay may (o dapat) magkaroon ng sariling integridad'. Ngunit ilang beses na ba itong nabasag, o ilang mga makata na ba ang bumabasag dito?
Ano ang kinalaman nito sa tula mo? Paano ko ba sasabihin ito, binabasa ko kasi ito at naiisip ko kung ano ang mas mahalaga, 'yung mga linya kung saan nakikilala kita, o 'yung mga linyang ipinahihiwatig mo 'yung mga ibig mong sabihin ('yung mga ibig mong sabihin na naririnig ko, nararamdaman)?
O siguro mas pagtuunan mo ng pansin kung bakit nga ba hiwalay na karanasan sa akin ito ('yung pagpapakilala at pagpapadama).
Hindi ko alam kung ako lang ito a. Masyado na tayong malayo para pag-usapan ito nang maririnig ko kaagad kung ano'ng iniisip mo.
hmmm ano nga kaya?..
gusto kong sagutin yung tanong mo ng isa namang tanong mula sa akin. iniisip ko kung sino yung "ikaw" na sinasabi mo. "ikaw" as in author ng tula ba? o "ikaw" as in si ej ba?
kung sasagutin ka ng formalism, sasabihin niya di ba 'the author is dead.', mas mahalaga pa rin yung mga linyang nagpapahiwatig/ nagpapadama ng intentions. pero sapat na ba 'yon?
naiisip ko rin kasi na malamang si ej ang kausap mo dito. ulol, sasabihin mo bigla, walang the author is dead dito. usapang kaibigan, ganun.
kung si ej ang tatanungin, siguro sasabihin niyang naniniwala siyang may karapatan pa rin ang may-akda na makilala. kung pwede nga, hindi bilang isang persona lamang e.
ang haba na nito haha. alam mo, gusto ko sanang hindi mapansin yun ng mambabasa. yung hiwalay na karanasan (pagpapakilala at pagpapadama). masayang trabahuhin ito kung ganun.
salamat brandz!
naalala ko yung sinabi ni mike
habang nasa lrt: malayo man, malapit din. hahaha -ej
Kung sasagutin ako ng formalism. Well, siguro nga stumped ako sa ganoong argument. Pero in the end, naniniwala ako, depende pa rin yan sa talab na gusto nating makuha ng mababasa.
At ang ibig kong sabihin e yung persona, hindi si ej. Hindi ko pa kasi siya gaanong kilala. Kung bakit ganoon yung nararamdaman niya. Kung bakit isyu sa kaniya 'yung ganoong mga bagay. Ewan, siguro kinulang ako sa pagbababad sa tula. Still.
Basta. Ang importante lumalabas 'yung mga ganitong bagay. Ayos yan. Hindi ko naman kine-claim na tama ako. 'Yun lang 'yung naramdaman ko.
Mahirap paghiwalayin ng may-akda sa persona ng tula, lalo na't kung kakilala mo ang may-akda.
Kahit na sinasabi ng pormalismo na 'the author is dead', sa kasuluksulukan ng isip mo ay tatanungin mo sa iyong sarili 'totoo kayang naranasan ni EJ ito?'
Marami na akong nakita na ginagamit na palusot ng maraming manunulat ang 'the author is dead' argument kung nagiging subersibo na ang kaluluwa ng kanilang sinusulat, para hindi mabunton sa kanila ang sisi.
Patawad, Mahirap paghiwalayin ANG may-akda sa persona ng tula.
^ aray tinamaan ako dun.
dhtfhfj
^digs ba ninyo?
comment spam kung comment spam a. imbis na lumabas tayo out in the open, mukhang nilalangaw tayo dito.
Post a Comment