Thursday, December 17, 2009

Disyembre

ni Ej Bagacina


Minumulto ng hangin ang mga dahon at sanga
sa labas ng bahay at ako sa loob ng kwarto
habang nag-aaral. Kung bakit ako napatingin
sa kisame kung saan mo makikita ang mga bituin
na istiker na halos sampung taon nang nakadikit,
hindi ko alam. Marahil tinatawag mo ako, kung bakit
naisipan kong dumungaw sa bintana. Tumingala ka-
yo, sabi sa balita, ika-10:30 ng gabi, makakakita
ng mga bulalakaw. Pagkalipas ng isang oras, sa wakas
sumuko ako at kumuha ng isang basong tubig
para sa nanunuyong lalamunan at mga gumamela
sa plorera. Nakatingala ka rin ba kanina?
-ang mga salitang nasa isip ko habang naglalakad
pabalik sa kuwarto. Naririnig ko ang sariling
sinasabi ito, at sinasabi ng sarili kong naririnig ko
ito. Nang itanong ko ito sa aking ama, walang imik
lamang siyang nanonood ng balita -magiging maulap
at maulan bukas kaya magdala ng payong ang payo ng
PAG-ASA. Hindi na ako umaasang totoo palagi
ang mga sinasabi sa balita. Nang nilapitan ako
ng alaga kong aso, lumuhod ako at ibinulong
sa kanya: Nakatingala ka rin ba kanina? Iwinagwag
niya lamang ang kanyang maliit na buntot. Pinatay ko
na ang ilaw. Matutulog na siguro ako.
Ipipikit na ang mga mata. Ngunit muli akong
bumangon sa higaan. Itatanong ko muna ito
sa 'yong larawan bago ako matulog.


kay Abi

7 comments:

monching said...

"winagwag
niya lamang ang kanyang maliit na buntot." - Pumapayupoy siya? pero hindi masasabi ang pagiging maliit ng buntot nito.

maligayang pasko!

Anonymous said...

haha sabi ko nga madadali ako dun. di ko maisip kung paano aayusin. sino ba kasi gumawa ng show don't tell rule na yan. haha joke. -ej

Pepito said...

Di naman siguro rule. Mas pleasurable lang kasi kapag ganoon.

Maliit o maikli?

monching said...

may salita ba para sa "puppy?" tuta ba ang salita? kasi nandoon ang pagiging maikli ng buntot.

show don't tell: kailan ba nagiging showing ang telling? kasi kahit sinasabi mo na, may hindi pa rin ipinapakita e. parang yung sinabi ninyo noon:

1. malapit, ngunit napakalayo
2. kahit napakalayo, malapit pa rin.

=)

Pepito said...

Sa tingin ko sa issue ng intent lumilitaw ang show, don't tell. Kasi kahit naman "telling" na pala iyon ay maaari pa ring maging "showing" para sa mambabasa. Ngunit halata naman kapag telling na ang showing, kapag ang mismong insight ay sinasabi lamang, at hindi inilalahad o ipinaparamdam sa mambabasa (danasin mo, beybeh!).

Happy new year. :D

brandz said...

maigi na hindi natin tingnan ang show don't tell bilang isang rule. sang-ayon ako sa sinabi ni pepito pero iba ang punto ko. oo, intent, ang ibig-sabihin puwede namang tell talaga (halimbawa, "mahal kita") at makakapasok pa rin ang mambabasa sa tula mo.

Anonymous said...

bakit di natin muling tingnan ang istilo ni william carlos williams, alinsunod sa punto ni brandz?

mainam din na muling basahin ang "Fine Lines" ni chingbee cruz hinggil sa kaisipan ng mga imahen at lohika ng linya. Hasta.

-jc