Sunday, March 21, 2010

Lunes

ni Eugene Soyosa

Ginising ako ng pagngawa ng bata sa katapat naming bahay. Tanaw mula sa aking bintana kung paano hinihila ng maliliit na kamay ng umiiyak na bata ang bisig ng kanina niya pang sinisigawan ng Mama, Mama,

mga salitang isinisigaw ko rin dati sa mukha ng aking nanay habang kalung-kalong niya ako at binibilang ko sa kanya isa-isa gamit ang maliliit kong daliri kung ilang araw siya mawawala sa buong linggo.

Bakit nito ipinaaalala sa akin ang isang bagay na akala ko'y nalimot ko na, noong hinugot ko mula sa album ang larawan ng isang bata at ibinaon ito sa bakuran katabi ng nakayukong puno ng santol? Anak,

tawag ng aking nanay mula sa kusina. Sa kauna-unahang pagkakataon, bago pa niya ako gisingin ay nauna akong bumangon.

2 comments:

EJ said...

kanta tayo: lumilipas ang panahon kabiyak ng ating gunita ang mga puno't halaman bakit kailangang lumisan.

hehe.
kamusta na euge? ano balita diyan :-bd

Anonymous said...

ayos lang EJ. kakaresign ko lang sa pinagtatrabahuhan ko. Sinisipsip ng corporate world ang creativity ko e. Papasok ako sa UP ngayong June, Bachelor of Music, Major in Voice. Sana ayos kayo lahat dito. Maligayang pagsusulat.

--Eugene