Tuesday, April 27, 2010

Umbra

ni Monching Damasing


Biglang dumilim ang siyudad. Sa isang iglap,
naglipana ang lalang mula sa silat ng mga gusali’t
umambon sa kabisera. Kumawala sa rilim

ang paningin. Umindak sa tanglaw ng kalawakan
ang mga daang umaalimuom. At wari bumalik
ang sangkatauhan sa sinapupunan

ng panahon. Walang magagawa ang manggagawa
ng mga ilaw poste, maliban sa tumingin
sa mga bituing bumubulong ng pag-uwi.

Subalit hindi lalagos sa alangaan ang kanilang
hininga. Dagling dumilim ang siyudad. Sa sandali,
bumalik ang paningin sa pananalig: sandaling dumaig

sa daigdig ang umuugong na kuliglig.

4 comments:

brandz said...

Ayos.

Pakiingatan lang 'yung mga description at/o metapora na mahirap hawakan sa isip (tulad mismo ng "hawakan sa isip").

Matagal nang binabali ang "must work on the literal level" na rule, pero mainam pa ring balik-balikan ito lalo na kung nais mong mapadaloy nang mas maigi ang tula na 'to.

Salamat monching.

Monching said...

Brandz,

salamat! oo nga e, pinipilit kong gawing konkreto ang mga salita tulad ng "pananalig," "paningin," etc. Ninanais kong bigyang diin sa salita at ang pagsalita, ang himig.

Uy, may recommended reading ka ba tungkol sa tunog at tinig?

brandz said...

Hindi ka pa rin maaaring magkamali, sa tingin ko, sa pagbabasa ng mga tula ni mam beni. :D

Anonymous said...

monching, try mo yong mga lagot na liwanag ni coroza
-mike