Monday, February 16, 2009

Mga Hindi Nasabi Pagsapit ng Alas Sais

Kristian Mamforte


Mula sa labas ng iyong bintana, tinatanaw kitang tila pagtanghod sa likhang-sining na ikinahon ng iyong bintana. Ngunit napakurap ako sa bahagyang pagkislot ng iyong katawan bago ko pa man kamanghaan ang larawan ng babaeng pinaliliguan ng liwanag sa pagkakaupo. Marahang umiikot ngayon ang sedang pumipigil sa pagnanasang makita mo ang papawirin, ang makulay na saranggola ng anak mong si Raphael na umahon sa malalim na katahimikang nakapaligid sa iyo ngayon. Nararamdaman mo ba sila? Sila, na pigil-hiningang nakapaligid sa iyo habang dahan-dahang iniikot ngayon ang sedang nakapiring sa iyo, upang makita kang makakita sa unang pagkakataon. Marahil, naaral mo ang tunog ng mga pigil na hininga tulad ng payapang pagduyan ngayon ng napigtal na dahon ng matandang puno sa labas ng iyong bintana bago lumatag sa lupa. Dahilan upang mapakislot ka. Huwag kang malikot ang tugon ng doktor at waring tahak ng iyong tingin ang napugtong pisi ng saranggola. Habang patuloy ang marahang pag-ikot ng sedang numinipis na pagitan namin sa iyo, kumakaluskos ang liwanag sa kanina pa tinataluntong lagusan sa sulok ng haraya: maaari, anumang sandali dahan-dahan kang tatayo sa kinauupuan. Tulad ng sanggol, gagapang ka’t pilit na tatawirin ang mga pagitan sa lahat ng maaaring makita: tubig, bulaklak, salamin. Sa bawat hakbang, mawawari mong napakalayo mo sa mga bagay. Magkakagalos ang iyong mga tuhod sa pagbibigay-ngalan sa dati’y naririnig mo lamang. Pagtunog ng alas sais, pauuwiin ka ng iyong asawa. Tiyak na magmamatigas ka at magugulat sa matatagpuang saranggolang nakabitin sa tuktok ng punong mangga kung saan mo nasilayan, sa unang pagkakataon, ang paghimlay ng namamaalam na liwanag. Bumalong muli sa iyo ang takot: nagtakip ng unan si Raphael sa tainga sa malakas mong palahaw sa una mong gabi. Hindi mo makita ang mukha ng kuliglig: ngayon maiintindihan kung bakit sinanay na pauwiin ang mga bata ng mga magulang kahit nag-uumapaw ang pananabik na hanapin ang nawawalang asuldilawpulalilang saranggola pagsapit ng alas sais.

1 comment:

Anonymous said...

gusto ko 'to. nakakatakot.