Tanging mga lihim ang nananaig sa sigwa,
na muli't muli kong isinisigaw pabalik ang ngalan
ng di-pinapangalanan sa dagat. Hinahabol ako
ng mga alon. O dapat ko bang sabihing, hanggang
ngayon, hinihigop pa rin ng alon ang aking paningin.
Sabi ng pantas, may darating
na maaliwalas na langit sa bingit ng dilim: mata-
tawid ng tuwid ang tingin ang gabing puno ng galit
ng diyos. Susubukin ko ang sungit ng sugbu
kung sa isang buntong-hininga, kung sino
ang unang papayapa. Kung bakit itinatapon
ko ang sarili sa kalikasan. Kung bakit narito
ako ngayon sa bingit ng bagyo, kumakapit
sa matatag na turo: Hindi naliligaw
ang naligaw na. Kung bakit ko naisip
ang pantas. Pinanghahawakan ko pa rin
ang mga di ko nais malaman. Pananalig
na nakabaon sa buhangin, aahon sa anyo
ng isang alimango. At hahango
tangan ang nagniningning na hiwaga
ng bukas-liwayway. Walang mamamatay.
4 comments:
kahit tanggalin na yung
'walang mamamatay.'
edi may namatay na. huh?
o pwede ring wala. db?
mas ok siguro kung may mamamatay. dagdag drama. gusto ko ng drama. bias ko lang.
Post a Comment