ni Ali Sangalang
Nakatambay ako noon sa Starbucks Katipunan—-hindi para magkape, kundi para pasimpleng magpatuyo ng kili kili matapos kumain ng ilang tuhog ng maaanghang na squid ball at kikiam mula sa karitong de-tulak na nakatimbre sa harapan ng kapihan.
Sa loob ng selyadong kwarto, kunyaring nagbabasa ako ng magasin habang naka de-kwatro. Maya’t maya naman ang pagbuga ng aircon sa damit at balat ko, na pinanuotan na ng hininga ng pinaghalong usok mula sa gaas at kalsada.
Tanaw ko noon ang papaikli’t paghaba ng pila sa counter habang maya’t maya rin ang paggaralgal ng blender sa aking tainga nang maramdaman ko ang paglipat ng tunog na ito patungo sa aking tiyan.
Mukhang hindi nagkasundo ang pira-pirasong pagkain na aking nilantakan na isa-isang nang nangangalabog at nagpupumilit kumawala sa lugar na kanilang pinagsisiksikan.
Hindi ko na hinayaang abutin pa ako nang panghihinayang kung kaya’t taas-noo na akong tumayo at naglakad patungo sa Men's CR.
“OCCUPIED,” ang sabi ng pinto kung kaya’t naghintay na muna ako at nag-ayos ng kuwelyo sa tapat ng salamin sa labas.
Hindi naman nagtagal ay muli itong nangusap at dahan-dahang ibinulong ang “VACANT.”
Kung ano'ng lumanay nang sandaling iyon, ay ganoon naman ang gulat ng mga mata ko sa lumabas sa pintuan. Lulang-lula ang mga ito sa sumambulat sa harapan.
Si Asi Taulava—Oo, si ASI TAULAVA— ang taong-grabang six-foot-nine, 245-pound PBA at National Team player na binansagang "The Rock" ng mga komentarista dahil sa grabeng tibay ng bumbunan sa pakikipagbanggaan sa hardcourt, pakikipagbunuang-braso sa iba pang naglalakihang basketbolero. Si PAULIASI TAULAVA—ang idolo o inidolo ng mga batang tulad ko at ng iba pang mga manlalaro't manononood ng isport na ito.
Kung malaki na siya sa TV—triplehin mo pa ang kanyang laki. Big time talaga, p're.
Hindi agad-agad nawala ang laki ng pagkagulat na’to hanggang sa slow-mong pagpihit ng doorknob, pagpasok sa loob, pagsara ng lock, pagsandal sa pinto, at pagbuntong-hininga.
Pagbuntong-hininga.
Pagbuntong-HININGA.
Ano't sa pangatlo kong paglanghap ng hangin ay may bumalot na kung anong amoy sa nangalaking mga butas ng aking ilong. Bigla-biglang tinunaw ng maalingasaw na singaw ang katawan kong nanigas ng ilang saglit.
Tumungo ako sa inidoro, binuksan ito, at sumilip.
Wala na akong iba pang naisambit
kundi isang napakalaking—“SHIT.”
11 comments:
hi ali. mabuhay ang fiction. :)
bukod sa mga alam mo na, ito pa ang iba kong mga komento (ang lakas mo sa kin e):
steady para sa akin ang tono. kumbaga neutral - di mo malaman kung seryoso o hindi. nasa mga detalye at paggalaw ng istorya naman kasi naipakikita yung katatawanan.
bukod sa simpleng pagpapatawa, maraming layers din itong maikling maikling kuwento. sa pamagat, tatlo ang maaari nitong ibig sabihin: kasikatan ni asi, pisikal na anyo ni asi, at laki ng shit ni asi. pero kung mago-ooveread ako, may ika-apat pa: isang sarkastikong pagpuna sa pangunahing karakter bilang isang nagfi-feeling big time haha.
may layers din sa huling talata nito: shit bilang isang ekspresyon (masasabi bang figurative yun?) at yung literal na shit.
napansin ko lang na maraming mahahabang pangungusap. mas magiging maganda sana kung kombinasyon ng mahahaba at maiikling pangungusap. para sa variation at para lang magkaroon ng pahinga yung reader (pero kung pahinga lang din ang pag-uusapan, naging successful naman ang akdang ito dahil sa paggamit ng espasyo. ayos 'to, may conscious effort na gumamit ng utterance/silence sa fiction.
magaling din yung nangyari kay asi - na ibinababa siya sa pedestal sa pamamagitan ng pagpapakita na hindi hiwalay ang kaniyang mga karanasan sa mga karanasan ng mga normal na tao (di lang basta pagtae, kundi pagTAE).
napapanahon din dahil sa paggamit ng Starbucks bilang tagpuan.
at yung tauhan, maayos namang naipakilala. naipakita naman kung anong uri ng tao siya, at kung paano siya kumilos bilang isang social being.
ayan ha, ang haba na nito. yun lang naman. :)
hi fiction. mabuhay kay ali :) nakakarelate ako sa kuwentong ito, hindi ko sasabihin kung bakit ah basta. hehe
The shet 'to Ali. Masarap magpatuyo kapag pawisan. Hahaha.
Ang ganda ng tunog nito o: Bigla-biglang tinunaw ng maalingasaw na singaw ang katawan kong nanigas ng ilang saglit.
Ang sarap basahin.
hi rachel. una sa lahat, maraming salamat!
oo, nilalaro ko sana yung tono para hindi maging predictable. seryoso madalas ang pagpapahayag, pero kalokohan ang pangyayari. sana umepekto rin ang ganitong teknik sa ibang mambabasa, hehe.
tama, mahaba pa nga yung ilang mga pangungusap, kahit ako hinihingal minsan kapag binabasa ko 'to, haha.
salamat ulit sa mga puna!
huli, hindi ko nabanggit, hindi pala 'to fiction rachel, non-fiction. mabuhay ang non-fiction! hahahaha
ali
ej: o, kanino/saan ka nakakarelate? kay asi o sa shit? hahaha
pepito: astig yung expression na "the shet" ah, magamit nga yan. hahaha. oo, gawain ko 'yan, kahit sa loyola bookstore, kunyari may hinahanap akong libro, haha.
salamat sa mga puna men. hihintayin ko mga gawa mo dito!
ali! di nga, nonfiction 'to? homai siomai hahaha. kahinaan ba yun o kalakasan kung di mo masabi kung totoong nangyari o hindi? maaari kasing maging kalakasan kasi ibig asbihin nnun nalubos mo talaga ang iyong creative license, nagamit mo nang maigi ang mga elemento ng fiction para magkuwento ng isang totoong pangyayari. yun nga lang, may pakiramdam na 'dinadaya' mo yung reader. o kalakasan din ba yun? (hmmmmmm)
license? (waaaah genre bending na 'to!)
@_@
sorry sa mga typo, kulang-kulang pati yung comment ko :P
sa huli, ang tanong ko ay kung may mga konkretong limitasyong nakatakda para sa paggamit ng creative license. :)
hmmm.. mukhang issue ito ng gender bending. este genre building. este, genre bending pala.
Mag-a-upload ako ng ilang tala tungkol sa genre bending mula sa talk sa talk ni chingbee. To build, to bend, this is the fundamental frame.
Rachel: May 2 pananaw na naghahati sa mga formalist, lalo na sa russian formalists, mas bihira ito sa new critics, yun ay: 1) kelangan malaman ang form para masipat ang akda; 2) buhay ang akda, isa itong organismong maaaring suriin kahit di natutukoy ang form. Sa 2 pananaw na ito, mas kiling ako sa huli: bakit? simple lang, kung ang manunuri ay siyentista, maaaring itanong: Kilalang katawan lang ba ang sinusuri? Paano ang espasyo ng pagtuklas? Mas obhektibo, para sa akin ang di-tiyak, bakit, dahil hindi ganap na naisasailalim sa categorizing ang piyesa. Ang kahinaan ng piyesa, tinutuklas imbis na ihanay bilang "mahina" o "ayaw ko dahil...". Mas may objectivity, at same time, may paglalaro. Dito na papasok ang ikalawa kong punto, na mula rin sa mga russian formalist, na sa tingin ko, isa sa mga vital points ng talk ni chingbee: Gaano ka objective ang objective. Tama si chingbee, maramot na sabihing "A, form ito ng tula o technique ito sa kuwento" dahil kung tutuusin, amalgam lang ang lahat. To build, to bend --matalino ang marahil poets, hindi tayo nanghahatol sa pagbasa, naghahanap tayo ng paraan ng pagbasa (o di ba subjective na?).
-jc
Magaganda ang punto ni JC pero sa tingin ko (at minsan pakiramdam ko lumalabo na ang paningin ko) hindi iyon ang pinupunto ni Rachel.
Parang hindi kasi 'conventions' ng creative nonfiction ang tinatanong dito ni Rachel kundi ang mismong factuality ng creative nonfiction - na muli ibabalik tayo sa tunggalian ng dalawang pinagsamang salitang ito.
Ang ibig kong sabihin, sige, convention din naman ng creative nonfiction na factual siya pero pakiramdam ko, nasa puso ito ng genre bukod sa pagiging simpleng convention. (At hindi ba ganoon, lahat naman ata ng convention, nagsimula bilang nasa puso ng genre, or at least ganoon nila inakala, bago tayo nagtanong na teka, iyan ba talaga ang puso ng genre hanggang madeconstruct siya ng madeconstruct at sa mundo natin ngayon ano nga ba talaga ang puso?)
So ano'ng punto ko? Para sa 'kin kasi (na sa totoo lang hindi rin naman galing sa 'kin kundi sa isang nabasa ko sa brevity, ang ibig kong sabihin, 'naniniwala ako na) hindi mahihiwalay ang factuality sa nonfiction. Ang creativity ay pumapasok sa pagkukuwadro ng mga nangyari upang lumabas (mapatingkad) ang kahulugan nito (or, at least, ang kahulugan nito para sa atin). Kung ano mang 'creative techniques' (na tama si JC, si Chingbee, at lahat pang naniniwala) na oo nga, walang nagmamay-ari,tumutulong ito sa pagpapalabas ng kahulugan.
Masyado nang mahaba. Ang gusto ko lang namang sabihin, walang iniimbento, hindi ka nagsisinungaling, may gusto ka lang iparating na punto. Kung anuman 'yun - well, bahala ka nang maging creative.
Brandz, amen.
-jc
Post a Comment