ni Jobo Flordelis
“At high altitude, pressure is lower than that at sea level,” iyan na siguro ang kaisa-isang scientific truth na sana naging totoo sa buhay ko. Sa mga kagaya kong laking-probinsiya, siguro nga nabubuhay kami para patunayan ang sarili, na para bang ga-iglap lang ang lifespan ng aming tagumpay. Ilang minuto lang ang itatagal nito’t kailangan na muling maghanap ng panibagong ikatataas ng noo.
Lumaki ako sa Batanes. Sabi ng Nanay ko, espesyal daw ako sa aming magkakapatid dahil ako lang ang ipinanganak nang walang bagyo. Ako lang daw ang ipinanganak nang may araw. Sila Ernie at Glydel kasi, parehong ipinanganak habang humahampas ang signal number 3 sa aming isla.
‘Yun din ang sabi ni Itay, ng kapatid ni Itay, ng mga kapitbahay, ng kapitan ng Barangay La Paz, ng Mayor namin, ng lahat—kahit ang mga bagong huling tilapia ni Itay, bago sila malagutan ng hininga’t tumigil sa kakakawag, tila nangungusap na ako’y espesyal.
Oo, siguro nga. Hindi ko naman ipagkakailang may angkin nga akong katalinuhan.
Siguro nga ito ang espesyal sa akin. At nagpapasalamat naman ako. Sa valedictory speech ko pa nga’y hindi ko kinalimutang bigyang-pugay sila Nanay, Itay, Ernie at Glydel. Sila nga naman ang pinagmulan ng lahat ng ito—ang aking pamilya.
Pinahagingan ko rin ng pasasalamat ang mga kapitbahay. Sayang naman kasi ang katsang pininturahan nila ng: “Congratulation Gina!” At kahit ba kulang ng ”s” ang pabati nila sa akin ay malugod ko pa ring tinanggap.
Hindi ko rin naman kinaligtaang tingnan sa mata si Mayor Dalangte habang binabasa ko ang pinaghandaan kong talumpati. Kung hindi kasi dahil sa kaniya at sa butihin niyang kabiyak, wala siguro ako ngayon sa kinatatayuan ko. Showbiz man, pero totoo. Sinalo kasi ng scholarship na ipinagkaloob ni Mayor ang ‘di napunan nila Itay sa pangingisda. Kaya higit sa akin, nagpapasalamat si Itay sa tulong ni Mayor. Kung hindi kasi dahil kay Mayor Dalangte, napagtsismisan siguro si Itay ng mga manang na nagbibilad ng tuyo. Napagbintangan siguro siyang iresponsable, tamad, o walang kwentang ama. Dahil kay Mayor, nanatiling haligi si Itay sa paningin ng buong isla.
Wala pa man ako sa dulo ng aking talumpati, tila hinihila na ako pababa ng entablado ng mga medalyang kumakalembang sa leeg ko. Nakatutulilig ang ingay nina: Department Award in Science, Department Award in Math, Leader of the Year Award, St. Agatha Award, at kung anu-ano pang parangal. Hindi ko namalayang pinaghahalikan na pala ako nina Itay at Nanay sa baba ng entablado. At ang mga kaklase ko, nagsisihiyawan na dahil tapos na ang aming pagtatapos.
...
Ilang taon na rin ang nakalipas mula noon. Siyam, sampu? Wala namang kaso. Tulad noon, mahirap pa rin ang buhay. Tulad ng mga alimangong gumapang dati sa aming pampang, ginagapang ko rin ang buhay. At tulad nila’y inanod ako ng kaplaran. Matalino ako kaya naging alagad ako ng Agham. Hindi mangingisda tulad ng karamihan sa aming isla. Hindi pintor ng mga obra. Hindi social worker. Siyentista ako.
Umalis ako sa Batanes. Hindi, pinaalis ako. Matapos nila akong paghahalkan sa baba ng entbalado, matapos ang lahat ng kamayan at kodakan, ‘yun ang huli. Naayos na pala ni Nanay ang mga papeles ko pati tiket paalis ng Batanes. Hindi raw bagay ang katulad ko sa alat ng dagat. Sa laboratoryo kung saan man, basta hindi sa isla, ako nararapat.
Kahit malayo na ako sa kanila, nariyan pa rin sina Nanay para ipagdikdikan sa’king iba ako sa lahat. Ngunit iba na ngayon, dagdag sa tuwina niyang mga linya, ako na lang daw ang natitirang pag-asa ng aming pamilya. Nag-asawa na kasi si Glydel, at si Ernie, binaldado ng mga dikya.
Madalas din, sa mga P.S. ni Nanay sa kaniyang mga liham, nagagawa pa niyang magsingit ng mga tanong kung bakit wala pa akong asawa. Nadudurog ang puso ko dahil wala akong maisagot.
Hindi ko maintindihan, pero kahit dito na ako sa Baguio nakatira, kung saan dapat malayo mula sa mga hampas ng bagyo ng Batanes, tila rinig ko pa rin ang pag-utal ng mga tilapia ni Itay. Nakababaliw.
“At high altitude, pressure is lower than that at sea level.”Oo, literal nga siguro ang pagbasa ko sa teoryang ito. Desperada lang talaga ako. Kaya siguro ninais ko ngang dito sa Baguio magtrabaho—dito mamuhay. Inakala ko kasing hindi aabutan ng daluyong ng Batanes ang talampas na ito. Pero may mga katotohanan nga sigurong nakakahon lang sa scientific world, na kailanma’y hindi mapatototohanan sa buhay ng tao.
Isa ako sa iilang siyentistang nanatili dito sa Baguio, na marahil, aalis na rin dahil wala namang suporta mula sa gobyerno. Naghahanap kami ng kung anu-anong lunas mula sa iba’t ibang halaman para sa kung anu-anong sakit. Sa paglipas ng mga taon, naging panata ko na ang makahanap ng mas epektibong lunas para kay Ernie. Na kahit ba minsan, kinaiinggitan ko.
Minsan, ninanais kong mabaldado na rin ako para walang inaasahan mula sa akin—at konting kibot lang ng hintuturo ko’y malaki nang tagumpay para kina Nanay. Pero ano pa nga bang magagawa ko. Baldado ako.
Sa isang liham ni Nanay sa akin, ikinuwento niya kung paano nang minsang dumalaw si Mayor Dalangte sa bahay namin, sinabi ng tumatandang lalaki kung paanong alalang-alala pa niya ang araw ng aking pagtatapos. Hindi man lamang daw siya nakapag-“walang anuman” sa akin sa kabila ng aking pagpapasalamat para sa scholarship na ipinagkaloob nilang mag-asawa. Patuloy raw siyang aasang babalik ako sa Batanes dala ang mga gamot na ako mismo ang dumiskubre. Marami-rami na rin daw kasi ang nabibiktima ng mga pesteng dikya. Naghihitay ang buong Batanes sa aking pagbabalik.
Minsan, tinanong ako ng matalik kong kaibigan kung masaya ba ako. Kinailangan kong pag-isipan ang isasagot kaya pinakitid ko sa kaniya ang kaniyang tanong.
“Masaya? Sa buhay? Sa pamilya? Sa trabaho?”
“Sa lahat,” aniya.
“Oo. Masaya naman.”
At kahit ba ito ang sagot ko, alam kong alam niyang hindi.
“Gina, ano ba’ng magpapasaya sa iyo?”
Magpapasaya? Hindi ko alam kung may oras pa. Sa totoo lang, hindi ko rin talaga alam kung ano’ng dapat nagpasaya sa akin. Dapat ba natagpuan ko iyon noong nasa Batanes pa ako? Baka naman habang nag-aaral ako noong kolehiyo? O dito sa Baguio?
Hindi ko na nagawang sagutin ang tanong niya. Tulad ng maraming bagay sa buhay ko, nawalan na ako ng gana.