ni EJ Bagacina
Lakarin mula Santolan hanggang Cubao? Tinawanan mo ako, sabay turo
sa itaas ng mga poste ng ilaw, sa sementado't bakal na daang humahati sa
mausok na kalangitan, kaya nga merong tren. Ngunit alam mo, gusto ko lang
patagalin ang oras, kasingtagal ng panahong hindi tayo nagkita, higit na mas
matagal sa katahimikang babalot sa ating dalawa sa loob ng tren bago ko pa
sabihin ang salitang kumusta. Sa totoo lang, hindi sapat ang sampung
minuto sa dami ng nais kong sabihin at itanong sa iyo, kung may nagpatibok
na ba ulit ng iyong puso, kung hindi ka pa ba nagsasawa sa paglalakbay sa
lungsod, o kung hindi ka pa ba iniligaw nito. Sa totoo lang, bago pa matapos
ang tulang iniisip ko ay magbubukas na ang pinto ng tren, magpapaalam ka ng
hanggang dito na lang ako, mabilis na makikisiksik sa mga nagmamadaling
tao. Maiiwan akong nakatingin sa bintana, darating ang kasalubong na tren
at unti-unti ka nitong buburahin.
Friday, February 13, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
balikan mo na lang uli mga imahen mo. :)
Post a Comment