Wednesday, February 4, 2009

sa kaibigang matagal ko nang hindi nakikita

ni EJ Bagacina

Kung sawa ka nang maligaw sa lungsod, tumingala ka. Nangangalahating buwan,
patay-sinding ilaw-poste, umaandap-andap na neon, bituing bumubutas sa madilim

na kalangitan. Baka ituro ka nila doon,


papunta sa silid ng binata, na sa pangambang malimutan ang panaginip,
isinulat sa isang kuwaderno ang lahat ng maalala. Isang kuwento ang kanyang
binubuo,
tungkol sa isang tinig na naglalaho. Ngunit hindi niya ito matapos-tapos.

Tumingala ka, ang sabi sa isang billboard ng pananampalataya. Sa bituin nakaukit
ang
mga naglalahong panaginip. Pagmasdan mo kung paano ito lumilipad patungo
sa kalawakan. Hindi ka ba nagtataka kung bakit madalas tingalain ng mga
sawimpalad
ang mga tala? Ang lahat ay nawawala sa lungsod. Wala kang dapat sisihin

kundi ang bituin. Alam mo, hindi na matatapos ang kuwento ng binata.
Kung sawa ka nang maligaw sa lungsod, tumingala ka. Dahan-
dahang ipikit ang mga mata at iyong makikita.

2 comments:

Anonymous said...

ayos yung format nito nung makita ko sa blogs mo pero medyo sabog dito. o sa kompyuter ko lang ba 'yun?

Anonymous said...

d2 sa bahay, ok naman pero nung nakita ko sa rsf sabog nga. pag tambay ko ulit sa rsf aayusin ko, liliitan ko na lang siguro 'yong font size..