ni Brandon Dollente
Matagal na kitang gustong isulat sa tula, kaibigan.
Heto ako ngayon, sa harap ng humihikab na bintana,
ibinubulong itong mga salita sa natutulog na lungsod:
naririnig kita sa aking isipan. Paborito kong kulay
ang abo, sabi mo sa akin noong naupos ang mga ulap,
matapos magliyab ng takipsilim. Nanahimik ako noon
dahil wala akong ganoong lihim. Dahil nanahimik ka rin.
Naaalala mo pa ba iyon? Minsan sinabi mo, iba pa rin
talaga ang langit sa Las PiƱas. Malumanay ang usad.
Maaliwalas. Nasa tren tayo noon, nakatiklop ang mga kamay
sa natutuklap na hawakan, tila nagdarasal. Sinasagasaan
ng ating paningin ang kalansay ng mga inulilang gusali.
Nag-usap na rin tayo tungkol sa pananalig at mga kasalanan.
Tungkol sa pakikinig ng mga anghel sa ating usapan.
Tungkol sa Katubusan, at sa marami pang eskinitang ganoon
ang pangalan. Matagal na tayong di nagsasama, kaibigan,
at nakikipagbuno ako ngayon sa paglimot. May sinabi ka ba
tungkol doon? Dati, sigurado akong pinag-usapan na rin natin
ang gabi, tungkol sa mapang-usig na titig ng mga bituwin.
Di ko na ito maalala, kaibigan, ngunit nadarama ko pa rin.
kay Moreen
Friday, October 10, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
8 comments:
masalimuot, brandz. masalimuot.
salamat, rachel. nasasakal lang.
nanlalata ako sa ganda at layo ng tula. mula sa akin.
malayo ka kasi talaga, nandiyan ka e. hehe. mis ka na namin.
ang husay! - chan
"nag-usap na rin tayo tungkol sa pananalig at mga kasalanan.
Tungkol sa pakikinig ng mga anghel sa ating usapan.
Tungkol sa Katubusan, at sa marami pang eskinitang ganoon
ang pangalan."
- ang ganda nito. Nagustuhan ko yung paggamit ng pananalig, kasalanan, dasal, anghel at katubusan sa tula! Natuwa ako sa paggamit ng pangalan ng eskinita. :P
ang bigat ng tula at sana magkausap na kayo uli ni moreen. - walt
walt, may gano'n talagang eskinita. si moreen ang nagpakita sa'kin nu'n.
ang ganda talaga pag may pinaghuhugutan.
Post a Comment