Thursday, December 17, 2009

Disyembre

ni Ej Bagacina


Minumulto ng hangin ang mga dahon at sanga
sa labas ng bahay at ako sa loob ng kwarto
habang nag-aaral. Kung bakit ako napatingin
sa kisame kung saan mo makikita ang mga bituin
na istiker na halos sampung taon nang nakadikit,
hindi ko alam. Marahil tinatawag mo ako, kung bakit
naisipan kong dumungaw sa bintana. Tumingala ka-
yo, sabi sa balita, ika-10:30 ng gabi, makakakita
ng mga bulalakaw. Pagkalipas ng isang oras, sa wakas
sumuko ako at kumuha ng isang basong tubig
para sa nanunuyong lalamunan at mga gumamela
sa plorera. Nakatingala ka rin ba kanina?
-ang mga salitang nasa isip ko habang naglalakad
pabalik sa kuwarto. Naririnig ko ang sariling
sinasabi ito, at sinasabi ng sarili kong naririnig ko
ito. Nang itanong ko ito sa aking ama, walang imik
lamang siyang nanonood ng balita -magiging maulap
at maulan bukas kaya magdala ng payong ang payo ng
PAG-ASA. Hindi na ako umaasang totoo palagi
ang mga sinasabi sa balita. Nang nilapitan ako
ng alaga kong aso, lumuhod ako at ibinulong
sa kanya: Nakatingala ka rin ba kanina? Iwinagwag
niya lamang ang kanyang maliit na buntot. Pinatay ko
na ang ilaw. Matutulog na siguro ako.
Ipipikit na ang mga mata. Ngunit muli akong
bumangon sa higaan. Itatanong ko muna ito
sa 'yong larawan bago ako matulog.


kay Abi

Saturday, December 5, 2009

PAGKATAPOS NG BAHA

ni Mike Orlino


Binabanlawan ng isang deboto
ang nasagip na santong rebulto.

Mula sa umaagos na tubig sa alulod,
tila hinuhugasan niya ang karumihan

nitong nagsaputik. Binihisan
ng mga naisalbang damit ng anak.

Tila kinakausap niya ito at tinatanong.
Ngunit estatwa lamang itong nakatitig

sa kawalan. Hindi marinig
ang boses ng nawalan.