Wednesday, July 7, 2010

Pagtanggap

ni Monching Damasing

Kuyom niya ang basang lupa.
Mata’y minamasdan ang sinasandalang
akasya, mga sangang umaahon, humihinga
sa ulang lumalakas. Marahan,

dumadaloy ang mga salita
sa pisngi, sa bába, pumapatak
sa lupa. Sinusubok niyang limutin
ang lahat, itakwil ang katawan.

Subalit walang alinlangang nagpapahampas
ang mga talbos. At patuloy sa pagparaya
sa mga ulap ang mga sangang yumuyukod.
Kahit mga kuliglig na sinusuklian ng kulog

ang pagbulong ng bugtong.
”Hanggang dito nalang,” palahaw ng isip.
Subalit mata’y kumakapit sa matayog
na katawan ng punong sinasalo ang ula’t

kinakanlong ang kalungkutan,
mga pisngi ng daho’y nalalahiran
ng mithi. Wala siyang ibang mailanghap
kundi alaala. Naalimpungatan

sa salita, pinalis niya ang lupa’t
iniangat ang mga kamay
sa langit, hinayaang likumin
ng mga gusgusing palad

ang mga luha ng nunong mundo.