Tuesday, October 14, 2008

Kay Estela

ni Ej Bagacina
"UMAANDAP-ANDAP NA ILAW-POSTE:
Huwag nating pag-usapan ang kamatayan."
Mikael Co, Liham


Nandito ka sana ngayon sa aking kwarto.
Bahagyang naiilawan ng ilaw-poste ang kamay ko
habang aking ginugunita ang iyong alaala.
Tangan ko ang isang lanseta.
Regalo mo. Nakaukit pa nga rito:
Estela, Boboy, Puso. Hindi ba, tayo'y nangako?
Magkahawak-kamay nating haharapin ang bukas.
Hindi ko inaasahan na bibitiw ka.
Ngayon, napakahirap ang magluksa.

Kanina, bago lumubog ang araw,
narinig ko sa radyo: Binata, tumalon sa gusali.
Nabuntis na dalaga, nagbigti;
gaya mo.
Matatapos din ang lahat. Sinasabi ko
sa bawat problema. Siguro nga,
nakatakdang magtapos ang lahat ngayong gabi.
Kailangan ko nang magmadali.
Malapit nang mapundi ang ilaw-poste.

Tangan ko ang isang lanseta.
Magbabakasakali ako ngayon, sinta.
Sana sa pagdilat ko, sa kabilang buhay,
muli tayong magkahawak-kamay.

1 comment:

Anonymous said...

paano dadalhin ang puso.