Tuesday, December 9, 2008

Pag-uwi

ni Ej Bagacina

Gusto kong sabihing nahihirapan akong pumikit.
Isang madaling araw, nagising ako sa pagkalunod
sa aking mga panaginip. Ilang gabi na rin akong binabagabag
ng mga salitang: pagitan, hangganan, at kamatayan.
Ilang gabi na rin kitang iniisip
habang umiihip ang hangin, ibinubulong nito sa akin
ang isang linya ng pangungulila.
Hindi ka sana mawala. Gaano katagal
na ba akong wala? Hindi pa rin ako mapalagay
sa tuwing naglalakbay sa lungsod
at nakakakita ng mga magkasintahang
magkayakap, magkawahak-kamay.
Ngayon, naiisip kita, kayakap
ang iba at wala akong magawa
kundi alalahanin ang dati nating pagsasama.
Patawad, sadyang hindi ko alam
ang salitang paalam
. At hindi ko rin alam
kung bakit mabigat sa dibdib
ang pagdilat, pati ang pagpikit.
Ngayon, naiisip kita, heto ako sa isang sulok ng bus,
kapiling ang mga taong hindi ko naman kakilala.
Hatinggabi na dito sa lungsod at kailangan ko nang umuwi.
Hinihintay ako ng kadiliman ng aking kwarto.
Mamaya, bubuksan ko ang bintana.
Hihiga. At ipipikit ko ang mga pagal na mata.

2 comments:

Anonymous said...

Kung nakikita mo na kung saan magsisimulang mag-revise, hindi ko na sasabihin sa 'yo. :)

Anonymous said...

oo nga, tamang-tama pagpost ko nito, nagworkshop tayo kinabukasan. wasak. haha :p