Friday, April 23, 2010

Mga Tula sa Tren

ni Nicko Caluya

1.

Sunud-sunod na sinuyod
ng bawat mata ang kalawakan

ng maliwanag na pailawan sa kahabaan
ng sinisilungang lulan. Sa ulan

nawala ang maaliwalas na lunan.
Tila tumila ito ngayong may liwanag

na hindi maipaliwanag sa pagtahak
ng bibig upang bigkasin ang mga

baybayin. Dumadaong sa pinakadulo
ng iba’t ibang dila.

2.

Ano bang mamumuni-muni
sa mga nagdaang guniguni? Wala
namang ibang mawawari kung hindi
mga mukhang walang maiharap
sa kanilang sarili o sa salamin.

Hindi na muling mamamalayan ang pagkawalay

3.

Sa sulok
tanging maririnig
ang tunog
ng pag-iisa.

Sa katahimikan
tuluyang naputol
ang linya
ng telepono.

4.

Mulat ang siyudad sa walang-hanggang pagmamasid sa mga lumilisa’t umuuwi sa pagbilis ng bawat sandali at sa walang hanggang pakikinig sa mga tinig na nanggagaling sa bawat kalye, kanto, o kahit anumang kongkretong konstruksyong hindi mawari kung kailan mapipigilang magwika ng hindi lubos na maintindihan.

4 comments:

Monching said...

sinusubok kong humanap ng isang konkretong imahen na maglilikom sa apat na bahagi. kung ginagamit kasi ang "tren" bumubulusok sa kamalayan ang napakaraming imahen sangkot sa modernismo. mainam kung may mapanghahawakan upang mabalikan at gamitin sa pagkilatis sa modernismo mismo.

gusto ko yung pangatlo't pangapat na bahagi.

Anonymous said...

ano naman ang hindi mo nagustuhan sa una't ikalawang bahagi? siguro doon ako magsisimulang mapaisip ng mas magandang pagpapalawig ng konsepto. :D

Anonymous said...

medyo hindi swak ang epekto ng tangkang maging personal ng first at second part. mas trip ko ang mga impersonal POV, tulad ng sa 3rd and 4th

- monch

brandz said...

hmm. ayoko muna magbigay ng masinsing komento kasi wala akong oras.

mabilis na napuna ko lang: lalo na sa unang stanza, parang nahihirapan akong pumasok sa mga bagay na sinasabi mo dahil sa ratatatatat ng mga tugma. pahingahin mo rin 'yung mga salita kaibig. hindi kailangang puno ng tugma para kumanta ang mga linya.

Salamat nicko.