Sunday, August 29, 2010

Hamon

ni Monching Damasing

Hindi ako nagsusulat dahil sa pag-ibig. Walang pag-ibig sa pagsusulat. Hindi pag-ibig ang umuudyok sa pagsusulat kundi kamatayan. Habilin ang akda.

Hindi ako nagsusulat dahil sa pag-ibig. Nagsusulat ako dahil may salita, at mangingibig ako ng salita. Hindi pag-ibig ang pag-ibig ng salita. Hindi ito pagsinta. Nagsusulat ako dahil hindi kagandahan ang kagandahan, at ito'y maganda.

Lumalakbay ang kagandahan sa panahon, tangan ang mga pilat ng kasaysayan. (Nagkalat ang kagandahan sa bakas ng mga abuhing gusali't mga punongkahoy na naaambunan ng abo ng pabrika.) At salita'y pagbabalik-tanaw. Isang pagbabalik-tanaw ang kagandahan.

Isang pagninilay-nilay ang kagandahan. Walang katawan ang kagandahan. Hindi ako nagsusulat dahil sa isang katawan, kundi dahil may maganda ang hubog ng katawan. Hindi ako mangingibig ng katawan, kundi tagapagsalaysay ng kasaysayan ng hubog at ang kadiliman ng mata't buhok.

Nagsusulat ako dahil may hagod ang bawat salita sa aking isip. Nagsusulat ako dahil napakahiwaga ng salitang "bakas." Hindi pa ako handa. Hindi ako handa kaya ako tumutula. At hanggang pagbabalik-tanaw lamang ang aking mga tula. Dito ako naka-ugat.

Dito naka-ugat ang mundo, subalit, di gaya ng mundo, matagal ko nang naiwan ang pag-asa. Paglalahad ang tanda ng pagyabong, pagyabong mula sa nakaraan at hindi magaang paglalaro lamang.

Umaasa akong sa bawat tangka ko ng pagtula'y makababalik ako sa nakaraang umudyok sa aking sumambit. Makababalik sa sandaling winasak ko ang bingit at sumambit. Sumasambit ako ngayon.

Isang pagninilay-nilay at paglakbay ang pagtula. Paglakbay sa saysay ng nakaraan. Paglakbay sa pagyabong ng mundo. Pagbaybay sa karanasan ang tawag dito. Pagbaybay sa karanasan ng katawan ng mundo't lupa.

Ikaw, bakit ka ba nagsusulat?

5 comments:

rachel said...

Magandang hamon. :)

Anonymous said...

Gusto ko sana ang manifesto/ testamental feel sa piyesa. I think isa ito sa pinakamagandang gawa mo. Lubhang nanghinayang na ako sa last 3 paragraphs kasi humina na ang gawa. Matapos ang pagsisiwalat, wala nang nagawa.

JC

monching said...

JC, di mo ata sinagot ang tanong ng akda. :) napaka-slambook ng dating nito a, pero bakit ka ba nagsusulat?

Anonymous said...

masarap na hamon.

nagsusulat ako dahil.

Anonymous said...

nakakagutom.