ni Monching Damasing
Namitas tayo ng mansanas isang gabi.
Inihabi ng buwan ang iyong katawan
Sa kadilimang pumapagitan sa mga sanga,
Ginagawa itong mabigat sa hubog kong
Kinakanlong ng anino mo. Sa itaas
Mabagal mong tinatanggal ang dyaryong balat
Ng mga bunga, hinila ang mga ito patungo
Sa lupa, sa aking nakatitig sa mga talang
Palamuti ng iyong buhok.
Bumalikwas ang mga sanga pabalik
Sa kinaroroonan nito, pero kung saan dati
Ang bunga, ngayo’y bughaw na liwanag
Na nilalamanan ang naiwang espasyo—
Kailan kaya siya muling magbubunga,
Tanong mo sa akin, bago kagatin
Ang aking labi, at tanging buwan
Ang bumabalot sa ating mga katawan.
Naisip ko ring itanong iyon, ibulong
Habang nasa bisig ng anino mo, nang biglang
Iniugoy ng hangin ang lahat, upang maghimig,
Upang ihimig ang nagaganap
Na kalawakan sa ating mga balat.
5 comments:
I don't understaind ur blog...coz there's no English..
Sayang hindi niya naintindihan. Haha.
Para sa akin, medyo nahihirapan akong iproseso ang daloy ng mga naiisip kong imahen, may focus sa isang bahagi, tapos mapuputol [dahil siguro sa pagkakasunud-sunod ng bagay-bagay].
Sa akin naman, parang baligtad kami ni Nicko. Tama lang yung pagkakasunud-sunod ng mga imahe at galaw.
Tanong lang: may puno na ba ng mansanas dito sa Pinas?
Ok lang maski wala, mabigat din kasing imahe at simbolo at mansanas (lalo na sa konteksto ng babae-lalake, sensualidad, at kasalanan).
Swak ang paggamit mo sa mga napaka-subtle na imahe tulad ng
"Bumalikwas ang sanga pabalik
Sa kinaroroonan nito, pero kung saan dati
Ang bunga, ngayo'y bughaw ng liwanag"
Pero pinaka-swak sa akin ang daloy (bagal/bilis) ng piyesa.
Mga punto lang:
1. Nilalamanan ba o nilalamnan? Pero minor lang kasi mas bagay ang tunog ng una.
2. Ako lang siguro 'to, pero nadidistract ako sa last stanza kasi couplet siya. May lakas kasi kapag dalawang linya lang ang isang stanza (let alone, last pa siya) tapos buong unit pa siya. Baka hindi ko lang gaano nakita yung pagka"unit" nung last stanza.
AT the same time, tamang-tama rin naman sa akin 'yung mga salita na ginamit. Huh paolo.
3. Mahilig ka ata sa mga ganitong eksena sa mga puno-puno. HEHE
-Pao
nagiging paksa ng pagmumuni ko ngayon yung sinabi ni Ezra Pound sa "The Retrospect":
3.As regarding rhythm: to compose in the sequence of the musical phrase, not in sequence of a metronome.
Baka rito ko rin sasagutin ang 2nd point ni Pao (kumusta pala ang Bagwisan?) although hindi ko rin alam kung tama bang gawing sagot sa puna mo ang sinabi ni Pound (kasi magkaiba naman).
Nicko, sa Ingles ang perspective ang nagiging focus ng mga tula ko ngayon (tanginang Jorie Graham kasi).
Rachel, meron puno ng mansanas sa Pinas, at maraming nagagawa sa lilim. ;)
Pao, oo nga e. puro sex and nature. sunod naman sex and the city!
Post a Comment