“He..hello?” sabi niya.
Nakaupo ako sa upuan sa tapat
ng football field, nakaharap sa Katipunan Avenue. Alas-onse na ng gabi at
pinapanood ko ang mga sasakyan na dumaan. Ginagawa ko ito – tahimik na
nagmumuni-muni ukol sa buhay ko sa isang maingay na lugar - kapag namomroblema
ako. Ginagawa ko rin ito sa cafeteria at sa McDo. Ngayong gabi, naantala ang
aking proseso ng pag-bati ng isang babae.
“Umm. Hi?” sagot ko. Kayumanggi
ang kaniyang balat at mahaba ang buhok. Payat siya at tantiya kong
magkasing-tangkad kami. Nagsusuot siya ng salamin: Black and thick-rimmed, just how I like it.Naka-jeans at itim na
shirt lang siya. Tahimik lang siyang
nakatayo sa harap ko, tila naghihintay na magsalita ako.
“Kilala kita ah. Saan nga ba
kita naging kaklase?” tanong ko.
“Sa Philo 102.”
“Syet, oo nga pala. Ikaw ‘yung
nasa harap ko noon. Sorry ha, medyo mahina ang memory ko sa mga tao. Ano nga
ang pangalan mo ulit?”
“Leony.” Imik niya. Leony, Leony. Hindi ko maalala ang
kanyang pangalan. Maaring hindi ko kasi siya nakilala noong magkaklase kami.
Natatandaan ko lang ang mahaba niyang buhok sa upuan sa harap ko. O nililinlang
lang ba ako ng aking alaala?
“Hello. Ako si..”
“Obet. Oo, alam ko. Ikaw ‘yung
mahilig mag-recite sa klase eh.” pangiti niyang sinabi. Kilala niya ako!
“Ha? Sa philo lang ‘yun. Haha. Medyo interesado kasi ako. Sa totoo
lang, ‘di ako ganun.”
“Hindi ko nakikita ‘yun. Madami
kang kaibigan, nakikita kita sa foyer.”
“Well, sige. Hindi nga ako
anti-social.” Paano niya nalaman na pagiging isang mailap na tao ang sinasabi
ko? Pinalipas ko na lang ito. “Let’s just say minsan, I prefer being alone -
lalo na pag may problema ako.”
“So may problema ka?”
“Ummm.” Napaisip ako. Bakit ko
nga ba siya kinakausap ngayon? Bakit niya ba ako kinakausap? Saan nga ba siya
nanggaling? Parang kanina lang, mag-isa lang ako ditong nananahimik, at ngayon,
naoobliga akong makipagusap sa kaniya. Kung hindi lang siya cute, di ko na sana
siya pinansin. “Bakit mo ako kinakausap?”
“Sorry. Ginugulo ba kita?”
tanong niya.
“Hindi naman.”
“Ewan ko eh. Ikaw, bakit mo ako
kinakausap kahit halos di mo na ako makilala?”
“Ewan ko rin.”
Naupo siya sa tabi ko.
*
“Ano… Bagsak ako sa LT ko sa
Math kanina eh. Ang bobo ko talaga.” Ganito lagi ang tono ko pag dating sa
academics.
“Hindi naman siguro.
Nakapag-aral ka ba ng maayos?”
“Oo. Pero mahina talaga ako sa
math, dati pa.” Masokistang kasiyahan ko ang aminin na bobo ako sa ilang mga
bagay.”
“Ah, sige. Ganito na lang. Ayaw
kong makialam sa mga problema mo sa sarili mo. Wala ako sa posisyon na
manghusga sa kahit anong tungkol sa’yo kasi ‘di kita kilala. Ayaw kong magpayo
na mag-aral ka, na humingi ka ng tulong, blah blah blah. Gets mo ba?”
“Umm. Haha. Bakit ang dami mong
alam?” napapakunot ang noo ko, nakataas ang isang kilay. Buti na lang at hindi
niya napansin, medyo bastos pala ang reaksyon ko.
“Madalas, kahit harmless
friendly advice pa lang, nanghuhusga ka na ng tao. Halimbawa, sasabihin kong
galingan mo ang pag-aaral mo. Puwedeng ibig sabihin noon, na sa tingin ko,
hindi mo ginagalingan ang iyong pag-aaral. Sa lahat ng ayaw ko, ayaw kong
hinuhusgahan ako ng mga tao, lalo nan g mga taong hindi naman ako kilala ng
lubos.”
Madami talaga siyang sinasabi,
Nabibigla na lang ako sa mga sinasabi niya, Una sa lahat, halos hindi kami
magkakilala. Pangalawa, napaka-personal ng mga sinasabi niya. Napaisip tuloy
ako kung tama ba na binanggit ko na may problema ako. Medyo naiinis ako na
kinakailangan kong makitungo sa kanya, out
of courtesy. Magalang ako kaya titiisin ko na lang. After all, medyo
interesante ang mga ideya niya. Iba ang takbo ng utak niya.
“Puwede ko bang sabihin ulit na
ang dami mong alam? Pero gets ko. Reason ko rin ‘yan kung bakit ayoko ng
company ‘pag may problema ako. So ano na lang gagawin ko sa sarili ko nito?”
“Isipin mo na lang na walang
kuwenta ang problema mo.” sabi niya. Hindi niya napapansin ang pagpapaulit-ulit
ko na makulit siya. Hindi ko na pinagpilitan pang iparamdam kay Leony ang
nararamdaman kong invasion of private
space, lalo na’t abala ako sa aking drama ngayong gabi. Siguro ay
makakabuti sa akin na may kinakausap naman, para maiba. After all, talagang
nagiging interesado na ako sa mga sinasabi niya matapos niyang sabihin na
walang kuwenta ang problema ko. “Nakakalungkot naman yan!” pabiro kong sinabi.
“Medyo, pero totoo kasi eh.
Imagine, sa eksaktong oras na ito, may humigit kumulang na isang daang libo tao
sa mundo ang mas malala ang problema kaysa sa’yo.” Nakatitig siya diretso sa
aking mga mata. Sa tingin ko ay sinisiguro niya na seryosohin ko ang kanyang
ipinaparating.
“Like what?”
“Posibleng sa isang dako ng
mundo, may babaeng ginagahasa sa gitna ng gubat kung saan walang makaririnig,
may lalaking ibinubuhos ang lahat ng natititra niyang lakas upang sabihin ang
kanyhang huling habilin sa kaibigan niya, at may batang buto’t balat na
nakahiga sa lupang bitak-bitak dahil sa katuyuan, unti-unting naluluto ng araw
at hinihintay na mamatay ng mga buwitre. Lahat ng ito, nangyari na o nangyayari
habang naguusap tayo.” Malungkot ang pagkakabigkas niya. Kung hindi ko lang
siya kilala, paghihinalaan kong pinaghandaan na niyang sabihin ang kanyang naisip
para sa mga taong nakakausap niya.
Dito na ko nabighani sa mga
sinasabi niya. Aaminin ko, medyo mahilig ako sa mga malulungkot na imahe, pero
mas kapansin-pansin sa kanya ang imahinasyon niya para dito. “Wait lang, ano
ung buwitre? Vulture?”
“Oo.”
“Hmm. Sabagay. Nakakatulong
yang sinabi mo in the sense na wala akong karapatang malungkot ng ganito. Pero
ito ha.. Alam kong medyo insensitive ‘to, pero para sa diskusyon, ano namang
pakialam ko sa kanila?” Maisahan ko kaya siya? Unti-unti na akong napapangiti.
“Haha. Puwede namang wala.
Walang pumipigil sa’yo. Pero ako kasi, nararamdaman kong responsable ako para
sa lahat ng kapwa tao. Wala ka naman kasing pagtutuunan ng atensyon kundi tao,
kahit ang self-interest mo, nakadepende sa pakialam mo sa ibang tao. Tao ka rin
eh. Kahit wala pa akong magagawa para sa kanila ngayon, mas mabuti pa rin itong
pag-alala kaysa sa wala akong pakialam.”
Sandali kaming natahimik.
Pinagisipan kong mabuti ang sinasabi niya. Si Leony kaya? Ano kayang umiikot sa
isipan niya ngayon? Napatigil ako sa aking pagka-tulala nang matanto kong lumalalim
na ang gabi.
“Umm, Leony. Sorry pero
kailangan ko nang umuwi. Alas-onse na at nagsasara ang gate na inuuwian ko ng
alas-dose. I’ve had a great time talking…”
“Puwede bang samahan na lang
kita? Wala kasi akong ginagawa eh.” Sa pangalawang pagkakataon, pinutol na
naman niya ang sasabihin ko. Napakamot ako sa ulo ko. Gusto ko siyang kausap,
pero medyo nakukulitan na rin ako sa kanya.
“Ah eh, sige. Saan ka ba
nakatira? Dun ako sa Barangka, medyo malayo pang lakad tapos bababa pa sa
hagdanan. Okay lang…”
“Oo. Okay lang.” ‘Yun na naman!
Pinutol na naman niya ang sinasabi ko. Bakit ba parang alam na niya lahat ng
sasabihin ko? Tumayo na ako at nagpantay ang aming mga paningin. Sinabayan niya
akong maglakad.
“Sige. Hmm. About dun sa
sinasabi mo kanina, ang masasabi ko lang: problema yan. Hindi mo kayang
tulungan silang lahat. Laging mangyayare ang mga bagay na nakaka-depress.”
“Alam ko.” Sabi niya. Napatingin ako sa kanya. Nakatungo lang siya.
Nagkaroon kami muli ng sandali
ng katahimikan. Madalas, nagmamadali ako pauwi habang nakikinig ng music sa
cellphone ko. Pero ngayon, mabagal ang aking mga hakbang at imbes na indie
music ang lumulunod sa aking pandinig, ang huni ng mga kuliglig at ang bulong
ng hangin. Muntikan ko nang makalimutan ang tunog ng gabi. Pinutol niya ang
dyaheng katahimikan.
“By the way, ‘yung lalaking
kinukuwento ko kanina? Nabutas ng bala ang baga niya. Di na niya naihatid ang last words niya.”
“May nabasa ako sa internet eh.
‘Pag ang tao daw, nakakaramdam ng matinding takot, napapa-ihi daw sila o
napapa-tae. Pag na-expel mo na kasi lahat ng waste mo, mas mapapabilis mo daw
ang takbo mo. Sa tingin mo, napa-ihi kaya ‘yung lalake sa kuwento mo?”
Pinipilit kong makita ang hangganan ng imahinasyon niya – kung sasakay siya sa
mga trip ko o hindi.
“Most likely. Di na nga lang
siya nakinabang dito, di na siya makakatakbo eh.” Tumingin siya sa akin.
Madilim ang balintataw ng kanyang mga mata. Napangiti ako.
*
“Ok ok. Look at it this way.
Kahit walang kuwenta nga ang problema ko, sa konteksto ko, lalo na sa
kahihinatnan ng buhay ko pag binagsak ko ang buong klase kong ito, malaking
problema pa rin siya!” sabi ko. Pinaguusapan pa rin naming kung anong nararapat
na hakbang ang dapat gawin para sa mga problema. Pinipilit ko pa rin ang aking
posisyon, at obvious lang naman na ‘yun ang gawin ko.
“Paki-explain pa nga. Haha.”
Sabi niya. Napapalagay na kaagad ang loob ko sa kanya kahit na kanina lang kami
talaga nagkakilala. Hindi naman ito tagpuang romantiko, isa lamang nakakatuwang
engkwentro sa isang taong kapareho mong magisip.
“Kapag bumagsak ako sa math,
babagsak ako sa kolehiyo, hindi ako makaka-graduate, hindi ako makakakuha ng
magandang trabaho, maghihirap ako. Ganun lang naman.”
“Slippery slope na yan, pero considering the possibility. Ano naman
kung maghirap ka? Ano naman ngayon kung hindi ka makatapos ng pag-aaral?”
“Hmm. Anong ipinapahiwatig mo?”
“Ang sinasabi ko lang naman,
hindi lang sa pagiging matagumpay ang matatagpuan ang kasiyahan.”
“Eh saan?”
“Kahit saan. Mayroong mga taong
nagdrodroga, nagsesex, o nagnanakaw para maging masaya. Mayroon rin namang mga
nagpapari, nagvovolunteer sa peace corps, o nagbubuhay public service. Walang
hanggang ang posibilidad ng kasiyahan, kaya kung ako sayo, wag mo siyang
ikulong sa pagtatapos lang ng pag-aaral.” Bahagya akong napatawa sa pagsabi
niya ng salitang sex. Minsan lang
akong nakakapakinig ng babaeng magbigkas noon na walang arte. Straightforward at natural.
“You have a point. Pero
nag-aaral ka rin diba? Ano nga ulet ang course mo? I must say, nakakatuwa ang
konsepto mo ng kasiyahan. Hahaha.”
“Alam ko. Medyo kalian ko
lamang na-realize yan pero nakaka-liberate talaga siyang isipin. Kung lagi mong
aalahanin ‘yun, hindi ka na magtataka sa mga taong kakaiba ang kasiyahan.”
“Tulad ng?” Medyo na-excite ako
sa sasabihin niyang halimbawa.
“Pangongolekta.”
“Ng ano?”
“Hmm. Meron akong alam,
nangongolekta ng Ecstasy pills na iba’t iba ang disenyo. 2,400 pills ‘yun.
Meron ring koleksyon ng mga kuko sa paa, kahit dismembered heads. Pagkakaalam
ko nga, may mga museo para dyan. Meron ring nangongolekta ng mga vacuum
cleaners, KPop memorabilla…”
“Teka teka, ecstasy pills,
toenails at mga pugot na ulo… tapos isasama mo ang KPop? ‘Di ka rin biased no?
Hahahaha.”
“Sorry naman! Pero eto ang
pinakamalupit, kuwento lang sa akin. Hindi na nga ako halos naniniwala dito
pero nakakatuwa pa ring ikuwento. Mayroon daw empleyado ng isang sikat na motel
sa Cubao, janitor siya. Ang kinokolekta niya ay used condoms galing sa mga kuwartong nililinisan niya.”
“Ano?! Bakit?”
“Hindi ko alam. Sa totoo lang,
kailangan ba nating malaman?”
“Kung sabagay, mas maganda na
nga na naiwan dun ang istorya. Open
ending.”
Bumababa na kami ng hagdan nang
makasalubong ko ng tingin ang security guard na siya namang umaakyat. Maingay
kaming nagkuwekuwentuhan ni Leony noon at lubha akong nabagabag sa pagtigin ng
sekyu sa akin. Hindi maipinta ang kanyang mukha - tila may hindi siya naiintindihan sa akin. Sa
aming dalawa. Hindi kaya’t napakinggan niya ang pinaguusapan namin? Tumingin
ako kay Leony, na nasa likod ko noon, para humanap ng bakas ng reaksyon niya sa
dumaang sekyu. Hindi niya ‘ata napansin.
*
Nasa gate na ako ng boarding
house nang mahalata kong kasama ko pa rin si Leony hanggang doon. Napalayo na
ata siya sa uuwian niya, o hindi kaya malapit rin ang bahay niya? Kailangan na
niyang magpaalam. It’s been a long day,
gusto na niyang magpahinga. Malungkot nga lang na kailangan na niyang magpaalam
kay Leony gayong nawili siya sa pakikipagkwentuhan sa kanya.
“Umm. Una na ko Leony. Good
night. Thanks for the talk. I really appreciated it.”
Sa huling pagkakataon, ngumiti
siyang muli. Inasahan kong marami pa siyang sasabihin tulad kanina ngunit ang
sinagot na lang niya ay isang maigsing “Likewise”. Hindi ko pa siya iniwan
kaagad, hinintay ko munang baka may sabihin pa siya – na baka may
maikuwekuwento pa siya sa aking nakakatuwa. Nakakatuwa ngunit madilim ang tema.
Pero di na siya umimik muli,
kaya nagpasya na akong tumuloy sa bahay, lalo na’t nahihilo na rin ako sa
antok. Nagbitiw na ang aming titigan at naiwan sa aking isipan ang larawan ng
kanyang mga mata na tila tanong. Hindi ko rin maintindihang lubos ngunit kapag
naalala ko ang kanyang tingin, nalalagay ako sa kapalagayan kahit na nababalot
ito ng misteryo.
Nang papasok na ako sa pinto ng
boarding house ko, naalala ko: “Ay, nga pala Leony, saan ka nakatira? Anong
course mo tsaka ano na rin ‘yung number mo? Maybe we could get a cup of coffee
sometimes.” Lumingon ako upang ihabol ang mga tanong kong hindi niya nasagot,
ngunit wala na siya. Nawala na ang taong nakilala ko ngunit hindi ko rin talaga
nakilala. Siguro ay mabilis lang talaga siyang nakaalis.
Pumasok na ako sa bahay, sa
kuwarto, at natulog. Hindi ko na pinagisipan pa ang mga dahilan. Sapat na sa
akin ang engkwentro na ‘yun.
No comments:
Post a Comment