ni EJ Bagacina
Lakarin mula Santolan hanggang Cubao?
Tinawanan mo ako, sabay turo sa itaas
ng mga poste't ilaw, sa semento't bakal
na daang humahati sa mausok na kalangitan,
kaya nga merong tren.
Hindi mo alam,
gusto ko lamang
patagalin ang oras,
kasingtagal ng panahong hindi tayo nagkita,
Mas matagal pa sa katahimikan
nating dalawa sa loob ng tren
bago pa man kumawala ang salitang kumusta.
Sa totoo lang, hindi sapat ang sampung minuto
sa dami ng nais sabihin o itanong sa'yo, kung
may nagpatibok na ba ulit ng iyong puso,
o kung hindi ka pa ba nagsasawa
sa pag-uwi sa lungsod, at kung
hindi ka pa ba iniligaw nito.
Sa totoo lang, bago pa man matapos ang tulang ito,
magbubukas na ang pinto ng tren,
magpapaalam ka ng hanggang dito na lang ako,
mabilis na mawawala sa nagsisiksikang mga tao.
Maiiwan akong nakadungaw
sa bintana, sa isip itong tula.
Darating ang kasalubong na tren
at unti-unti itong buburahin.
Tuesday, January 3, 2017
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Nung unang basa ko rito, mabigat sa loob haha. Honestly hindi ko masyadong napagtuunan 'yung craft noon. Nangibabaw 'yung lungkot ng persona/makata. Pero ngayong binalikan ko ito, lalong bumigat dahil sa huling saknong.
Tinanong ko sa sarili ko kung necessary iyong biglang tinukoy 'yung tula. Sa huling saknong naging malay 'yung tula sa pagiging tula nito, at ang persona bilang tagapaglikha. Na aminin natin, medyo common na sa mga nababasa at sinusulat natin. Pero nasagot (sinubok na sagutin?) ko ring kailangan talaga nitong maging meta. 2AM ngayong sinusulat ko ito kaya hindi ko matumbok ang paliwanag pero gusto ko iyong implication (?) sa dulong sa paghihiwalay nila (physically), ang movement ay puro blurred--isang pagbura. At sa pagtukoy na "unti-unti itong buburahin", binubura ng makata ang tulang kinakatha niya sa isipan (itong tula mismo? maaari)kasabay ng mga alaala o kung anumang natira sa pagtatagpong nangyari.
In-appreciate ko lang talaga 'yung tula. XD
Hoping to read more! :D
Post a Comment