Saturday, May 5, 2012

Pangitain

ni Paolo Tiausas

Nagningas ang isang patlang sa ere
at natikom ang kanilang mga labi—

Tingin lamang ang dumarating at umaabot
sa isang apoy, dahan-dahang dinuduyan

ng hubog ng dilim. Nananahimik
ang buong kagubatan. Nagpapahintulot

sa mga nauumid na buntong-hininga.
Nawalan ng tunog ang bawat pagtapak

samantalang kasabay ng kanilang paglapit
ang paglayo ng nagkakailang pirasong liwanag.

Nakakatakot. Boses sa pagitan ng mga ngipin.
At sa kanyang pagbasag naudlot ang lahat ng kilos:

namulat na lamang silang nagmaliw na ang apoy.
Magtitinginan sila, mga matang naghahanap

ng sagot, kanlungan, pagtitiwala, kapayapaan.
Magiging tawanan ang kaninang katahimikan.

Bagaman mananatili ang dalanging apoy
sa kanilang nagsasalaming mata

saanman sila luminga.

1 comment:

The Filipino Migrants said...

'napadpad nga ako ...
pero bakit parang naglaho na?