Wednesday, May 20, 2009

Hamog

ni Japhet


Kanina lamang nananalamin ang nanlalaking buwan,
lubog ang liwanag nito sa laway ng lawa.

Ngayon naman sa dalampasigan,
nagkakawayan ang mga kawayan sa kawayanan—
paroo’t-parito ang amihan.

Animo’y may bulung-bulungan.

Sa ilang sandali, sisikat ang araw.
Mahahamugan ang paligid.
Mababasa ang lahat.

Saturday, May 16, 2009

Renga - Mayo 15, 2009

nina JC Casimiro, Brandon Dollente, Japhet Calupitan, Rachel Marra at EJ bagacina

Habang tinitiklop ng kamatayan
ang isang dahon, umuungol ang
tangkay ng usal. Nagdarasal
sa saliw ng hangin. Buhay ang
agos ng tubig sa bukal. Nauuhaw
sa tenga ng dahon ang lupa.
Kung bakit tinatabunan
ng sanlaksang pagtiklop.
Walang nakaaalam
liban sa isang dahon
na tinangay ng hangin. Napadpad,
parang tinig ng huling awit,
pinag-iimbay ang tubig at hangin,
ang lupa at apoy
sa nanlalamig mong palad.

Thursday, May 14, 2009

Kung bakit ayaw nating pag-usapan ang pagkahulog

ni EJ Bagacina


Palalim nang palalim
ang walang hanggan

na dilim nang bigla kang magising
sa tunog ng nahulog

na porselana. Binabasag
ng iyong paghinga

ang katahimikan sa kalawakan.
Ang durog na buwan. Pinulot mo

ang nagsabog na bubog
sa iyong paanan. Dumaplis

sa iyong isipan: paano pa mabubuo
ang pira-pirasong puso?

Tuesday, May 12, 2009

Tang

ni Rachel Valencerina Marra

Isang puno ng mangga
ang aking palaruan
sa bakuran ni amang
sa Pangasinan.
Hinog na bunga
ang aking kabataan.
Minsan pumitas
ang hangin -
lumagapak.
Latak na kasama
sa huling patak
ng inuming handog
ng aking paslit na anak.

Sunday, April 5, 2009

Detour

ni Ej Bagacina

Mahigit-kumulang dalawang oras na biyahe galing sa eskuwela, isang sakay ng tren, maghahanap ng kakilala o mananahimik sa isang sulok, mga libro ng tulang pampalipas oras, bababa sa Santolan station, fishball, kalamares, kikiam- sige kain lang habang nag-aabang ng dyip sa ilalim ng footbridge, isang sakay ng dyip na patok, 21 pesos na pamasahe, 18 pesos 'pag estudyante, bayad ho, Simbahan, estudyante lang, madalas nakatingin sa malayo, mga ilaw-posteng walang ilaw, pipiliting magmakata, hampas ng hangin sa mukha, pull the string to stop, isang mahaba-habang lakaran hanggang sa terminal ng tricycle, amoy ng french fries ng mcdo, saglit na maaawa sa taong grasa sa tabi, magkukrus pagdaan ng simbahan, sampaguita at iba pang bulaklak, gulay, karne at ang malansang amoy ng isda sa palengke, mahabang pila sa terminal, isang sakay na naka-backride sa tricycle, namamagang buwan at mga napupunding bituin sa kalangitan, titigil sa itim na gate, nananabik na kahol ni bantay, hahanapin sa bag ang susi ng bahay, didiretso sa kuwarto, sa lamesa, magkapatung-patong na libro, may nakaipit pang litrato sa isa, maghuhubad ng amoy-usok na damit, bubuksan ang bintana, hihiga sa kama, ipipikit ang mga...


...


...tatlong taon na rin akong naglalakbay
sa lungsod. tatlong taon ng pagsasanay
umuwi. ngunit, kung kailan alam na
alam ko na ang daan, mahal,
isang araw, bigla mo akong iniligaw.

Saturday, February 28, 2009

Ang Imahen at ang Banidoso

ni Joseph Immanuel Casimiro

Kung handa kang tumalikod sa mundo
Upang masarili ang sarili

Sa salamin tumalikod ka-
Hapon ang isang binata sa mundo

Dahil sa pag-ibig nagpatihulog siya
Mula sa tulay ang tulay

Ngayon sa pagitan ng iyong mga mata
At mga mata ng iyong sariling sa iyo nakamata:

Huwag ka sanang mahuhulog

Monday, February 16, 2009

Mga Hindi Nasabi Pagsapit ng Alas Sais

Kristian Mamforte


Mula sa labas ng iyong bintana, tinatanaw kitang tila pagtanghod sa likhang-sining na ikinahon ng iyong bintana. Ngunit napakurap ako sa bahagyang pagkislot ng iyong katawan bago ko pa man kamanghaan ang larawan ng babaeng pinaliliguan ng liwanag sa pagkakaupo. Marahang umiikot ngayon ang sedang pumipigil sa pagnanasang makita mo ang papawirin, ang makulay na saranggola ng anak mong si Raphael na umahon sa malalim na katahimikang nakapaligid sa iyo ngayon. Nararamdaman mo ba sila? Sila, na pigil-hiningang nakapaligid sa iyo habang dahan-dahang iniikot ngayon ang sedang nakapiring sa iyo, upang makita kang makakita sa unang pagkakataon. Marahil, naaral mo ang tunog ng mga pigil na hininga tulad ng payapang pagduyan ngayon ng napigtal na dahon ng matandang puno sa labas ng iyong bintana bago lumatag sa lupa. Dahilan upang mapakislot ka. Huwag kang malikot ang tugon ng doktor at waring tahak ng iyong tingin ang napugtong pisi ng saranggola. Habang patuloy ang marahang pag-ikot ng sedang numinipis na pagitan namin sa iyo, kumakaluskos ang liwanag sa kanina pa tinataluntong lagusan sa sulok ng haraya: maaari, anumang sandali dahan-dahan kang tatayo sa kinauupuan. Tulad ng sanggol, gagapang ka’t pilit na tatawirin ang mga pagitan sa lahat ng maaaring makita: tubig, bulaklak, salamin. Sa bawat hakbang, mawawari mong napakalayo mo sa mga bagay. Magkakagalos ang iyong mga tuhod sa pagbibigay-ngalan sa dati’y naririnig mo lamang. Pagtunog ng alas sais, pauuwiin ka ng iyong asawa. Tiyak na magmamatigas ka at magugulat sa matatagpuang saranggolang nakabitin sa tuktok ng punong mangga kung saan mo nasilayan, sa unang pagkakataon, ang paghimlay ng namamaalam na liwanag. Bumalong muli sa iyo ang takot: nagtakip ng unan si Raphael sa tainga sa malakas mong palahaw sa una mong gabi. Hindi mo makita ang mukha ng kuliglig: ngayon maiintindihan kung bakit sinanay na pauwiin ang mga bata ng mga magulang kahit nag-uumapaw ang pananabik na hanapin ang nawawalang asuldilawpulalilang saranggola pagsapit ng alas sais.