Monday, December 15, 2008

Consummatum Est

ni Kristian Mamforte

Nang maitayo sa wakas
ang krus, nangamoy sugat
ang simoy ng hangin.

Marahan ang dampi sa ating pisngi
ng hangin nagmumula
sa nalalabi niyang buntong-

hininga. Narito tayo ngayon—
sa lilim na nilikha ng krus. Dito tayo
nakasilong na waring may hinihintay.

Habang tayo’y nakatingala
na tila pagharap sa nawawalang bahagi
ng sarili ang pagharap sa mga sugat.

Siya na ipinako sa katawan ang pagdurusa
upang patunayang siya ay may katawan.
Siya na nasa pagitan ng pagpikit at pagdilat.

Siya na bubuhat sa mabigat na tingin
upang tumingala at banggitin sa sarili—
Consummatum Est bago ipinid ang mga mata.

Tuesday, December 9, 2008

Pag-uwi

ni Ej Bagacina

Gusto kong sabihing nahihirapan akong pumikit.
Isang madaling araw, nagising ako sa pagkalunod
sa aking mga panaginip. Ilang gabi na rin akong binabagabag
ng mga salitang: pagitan, hangganan, at kamatayan.
Ilang gabi na rin kitang iniisip
habang umiihip ang hangin, ibinubulong nito sa akin
ang isang linya ng pangungulila.
Hindi ka sana mawala. Gaano katagal
na ba akong wala? Hindi pa rin ako mapalagay
sa tuwing naglalakbay sa lungsod
at nakakakita ng mga magkasintahang
magkayakap, magkawahak-kamay.
Ngayon, naiisip kita, kayakap
ang iba at wala akong magawa
kundi alalahanin ang dati nating pagsasama.
Patawad, sadyang hindi ko alam
ang salitang paalam
. At hindi ko rin alam
kung bakit mabigat sa dibdib
ang pagdilat, pati ang pagpikit.
Ngayon, naiisip kita, heto ako sa isang sulok ng bus,
kapiling ang mga taong hindi ko naman kakilala.
Hatinggabi na dito sa lungsod at kailangan ko nang umuwi.
Hinihintay ako ng kadiliman ng aking kwarto.
Mamaya, bubuksan ko ang bintana.
Hihiga. At ipipikit ko ang mga pagal na mata.

Tulang Isinulat/Iniukit Sa Likod Ng Mga Talukap

ni Rachel Valencerina Marra


pikit man o dilat
ako'y di mo makikita

madilim na't lahat
kinukulang pa sa espa