Friday, March 26, 2010

Niloloob

ni Brandon Dollente

Sa silid ng iyong panalangin, nagtatago ka
ng mga lihim. Sinusubok mong magsalita

ngunit buntong-hininga lamang ang masasabi
mong nagsasabi ng katotohanan. Sa ngalan

ng Ama. Nagtatago ka sa likod ng mga talukap
ng iyong bintana. Isa kang lihim at katahimikan

ang sinasaklaw ng iyong katawan. Ikaw
at ang dilim ay iisa at kung aapuhap ka

ng papuri, malalamang ang lahat ay nagsisimula
sa sarili. Sa labas ng sarili. Sa lahat ng maaari

nitong panggalingan. Sa isang saglit.
Kaninong nakatuon? Sa ngalan ng Anak.

Sa silid ng iyong panalangin, sa pagitan
ng pananalig, ng pagtaya sa pananalig, sumisingit

ang mga alaala ng sakit. Kailan mo huling naalala
ang iyong puso? Naririnig mo ba ang pagtawag

ng iyong pangalan sa loob ng iyong isip?
Sa ngalan ng Espiritu. Malaya kang magsiwalat

sa sarili mong kumpesyunaryo. Hindi ka tatanungin
ng iyong pagtulog. Alam mong patatawarin

ka ng iyong mga panaginip. Sasalubungin.

Wednesday, March 24, 2010

Fibonacci

ni JK Galicia


Hinarap

ka

ng hinaharap

at lumingon ka

sa nakaraan at sa nakaraan

ng nakaraan pilit linilingon ngunit hindi man haharap

Sunday, March 21, 2010

Lunes

ni Eugene Soyosa

Ginising ako ng pagngawa ng bata sa katapat naming bahay. Tanaw mula sa aking bintana kung paano hinihila ng maliliit na kamay ng umiiyak na bata ang bisig ng kanina niya pang sinisigawan ng Mama, Mama,

mga salitang isinisigaw ko rin dati sa mukha ng aking nanay habang kalung-kalong niya ako at binibilang ko sa kanya isa-isa gamit ang maliliit kong daliri kung ilang araw siya mawawala sa buong linggo.

Bakit nito ipinaaalala sa akin ang isang bagay na akala ko'y nalimot ko na, noong hinugot ko mula sa album ang larawan ng isang bata at ibinaon ito sa bakuran katabi ng nakayukong puno ng santol? Anak,

tawag ng aking nanay mula sa kusina. Sa kauna-unahang pagkakataon, bago pa niya ako gisingin ay nauna akong bumangon.

Friday, March 19, 2010

Hayaan mo ang hangin

ni Monching Damasing

Likumin mo sa bugso

ang mga bulong ng lalang

ng isang kakahuyang nahahamugan
ng buwan. ’Wag ka raw tumingala.

Danasin ang lawak
ng mga parang
na tangay ng uli-uli:

Nagsasayawan ang mga dahong
tumutungo sa lilim ng isang narra
naglipana ang nanahanang ibon

Sa humihimig na kaluskos. Dumadaloy
sa kayabungan, at lumampas
sa tahanan—Yumuko,

Hayaan mong magbigkas ang lupang
tumitingala upang masalubong ka.
Pumikit daw. Magdasal.

Hayaan mong tumalon
ang liglig ng tipaklong
sa mga tarangkahan ng kabahayan

at makiramdam: humahaplos ang hangin
sa limang kapatid mong pawisan

dahil lumuwas pa sa nayon ang hininga.

Pag-uwi

ni Pepito Go-Oco

Maririnig ang alunignig ng sasakyan

Sa kaniyang pag-uwi

Sa may hapag

Ang mga basong walang laman

Yayanig

Sa ugong ng mga kuliglig