ni Brandon Dollente
Sa silid ng iyong panalangin, nagtatago ka
ng mga lihim. Sinusubok mong magsalita
ngunit buntong-hininga lamang ang masasabi
mong nagsasabi ng katotohanan. Sa ngalan
ng Ama. Nagtatago ka sa likod ng mga talukap
ng iyong bintana. Isa kang lihim at katahimikan
ang sinasaklaw ng iyong katawan. Ikaw
at ang dilim ay iisa at kung aapuhap ka
ng papuri, malalamang ang lahat ay nagsisimula
sa sarili. Sa labas ng sarili. Sa lahat ng maaari
nitong panggalingan. Sa isang saglit.
Kaninong nakatuon? Sa ngalan ng Anak.
Sa silid ng iyong panalangin, sa pagitan
ng pananalig, ng pagtaya sa pananalig, sumisingit
ang mga alaala ng sakit. Kailan mo huling naalala
ang iyong puso? Naririnig mo ba ang pagtawag
ng iyong pangalan sa loob ng iyong isip?
Sa ngalan ng Espiritu. Malaya kang magsiwalat
sa sarili mong kumpesyunaryo. Hindi ka tatanungin
ng iyong pagtulog. Alam mong patatawarin
ka ng iyong mga panaginip. Sasalubungin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
Amen?
hindi, akin.
pangatlong balik ko na sa comments page na to. ngayon ko lang nadigs yung comment ni brandz.
Post a Comment