Tuesday, April 27, 2010

Umbra

ni Monching Damasing


Biglang dumilim ang siyudad. Sa isang iglap,
naglipana ang lalang mula sa silat ng mga gusali’t
umambon sa kabisera. Kumawala sa rilim

ang paningin. Umindak sa tanglaw ng kalawakan
ang mga daang umaalimuom. At wari bumalik
ang sangkatauhan sa sinapupunan

ng panahon. Walang magagawa ang manggagawa
ng mga ilaw poste, maliban sa tumingin
sa mga bituing bumubulong ng pag-uwi.

Subalit hindi lalagos sa alangaan ang kanilang
hininga. Dagling dumilim ang siyudad. Sa sandali,
bumalik ang paningin sa pananalig: sandaling dumaig

sa daigdig ang umuugong na kuliglig.

Saturday, April 24, 2010

Utopia

ni Rachel Valencerina Marra


BF Skinner, a known behavioralist, insisted that people are determined by the stimuli that they encounter everyday. Every encounter with a stimulus asks of a response from a person. For example, a child helps a woman cross the street and he is given a candy as a reward. Thus, the next time he sees someone who would need help crossing the street, he would help - as well as expect a reward afterward. If one lies and was punished severely for it, he or she would be hesitant to lie again for the fear of punishment.

If we are to manipulate the stimulus present in our society nowadays, every response that the people would give will be calculated. In that way, we will have at hand a systematized society, wherein there is much more importance in the stimulus rather than in the personal interests of an individual. We will have at hand a society geared only for the success of a peaceful and organized society.

A Utopia, according to Skinner. However

Hindi tapos ang tala. Gayunpaman, ito ng paboritong bahagi ng siyam na taong gulang na si Melvin sa kuwaderno ng kaniyang kuya. Isang linggo na ang nakararaan nang limasin ang mga gamit sa kuwarto ng kaniyang nakatatandang kapatid. Lahat ay inalis sa bahay: ang kama, ang mga damit, mga libro, mga tropeyo at medalyang napanalunan ng kaniyang kuya sa larangan ng Siyensa magmula pa ng siya'y nasa elementarya hanggang high school. Walang ititira, iyon ang utos ng kanilang mga magulang sa mga kinuha nilang trabahador. Subalit hindi nila napansin si Melvin nang pumasok ito sa kuwarto bago pa man magsimula ang mga trabahador sa pagbubuhat ng mga gamit papalabas ng bahay. Hinablot niya ang unang bagay na mahahablot niya, at ito ay ang kuwaderno ng kaniyang kuya sa Psychology.

Tuwing umaga, binabasa niya ang tala tungkol kay Skinner. Marami rin namang mga interesanteng bagay sa loob ng kuwaderno - halimbawa ay ang eksperimento ni Pavlov sa kaniyang mga naglalaway na aso, ang pagtatalakay tungkol sa Id, Ego, at Super Ego at Psychoanalysis ni Freud, at ang detalyadong mga paglalarawan sa mga sakit sa pag-iisip na depresyon. Ngunit para kay Melvin, wala nang hihigit pa sa ideya ng isang Utopia.

Habang binabasa uli ni Melvin ang mga talata tungkol sa teorya ni Skinner, kumatok sa pinto ang kaniyang ina.

"Melvin! Matagal ka pa ba? Baba na't kakain na, magsisimba pa tayo!"

"Opo!" Nagmadali si Melvin na tingnan ang sarili sa salamin. Masinop ang pagkakasuklay ng kaniyang buhok na lalo pang pinasinop ng gel. Inayos niya ang kuwelyo ng kaniyang polong suot. Sa unang pagkakataon, itim na sapatos ang kaniyang suot imbes sa nakasanayan niyang rubber shoes. Tumayo siya nang tuwid at natuwa sa kaniyang nakita sa salamin. Naalala niya ang litrato ng kaniyang kuya noong bata pa lamang ito kung saan nanalo siya sa isang Science Quiz Bee. Kinuha sa stage ang litratong iyon, habang inaabot ng isang matanda ang tropeyo sa kuya niya. Ang mga magulang naman nila ay nakatayo sa likod nito, parehong nakangiti at puno ng pagmamalaki ang kanilang mga mata. Aayusin na lang niya nang kaunti ang pagngiti at para na ring nabuhay ang bata sa litrato.

Pag-upo ni Melvin sa kaniyang upuan sa hapag-kainan, bumagsak sa mesa ang hawak na tinidor ng kaniyang ama, tiim ang bagang at nakatitig sa anak. Pagtingin ni Melvin sa kaniyang ina, nakatago ang mukha nito sa kaniyang mga kamay, nagpapakawala ng mga mahihinang hikbi.

Friday, April 23, 2010

Mga Tula sa Tren

ni Nicko Caluya

1.

Sunud-sunod na sinuyod
ng bawat mata ang kalawakan

ng maliwanag na pailawan sa kahabaan
ng sinisilungang lulan. Sa ulan

nawala ang maaliwalas na lunan.
Tila tumila ito ngayong may liwanag

na hindi maipaliwanag sa pagtahak
ng bibig upang bigkasin ang mga

baybayin. Dumadaong sa pinakadulo
ng iba’t ibang dila.

2.

Ano bang mamumuni-muni
sa mga nagdaang guniguni? Wala
namang ibang mawawari kung hindi
mga mukhang walang maiharap
sa kanilang sarili o sa salamin.

Hindi na muling mamamalayan ang pagkawalay

3.

Sa sulok
tanging maririnig
ang tunog
ng pag-iisa.

Sa katahimikan
tuluyang naputol
ang linya
ng telepono.

4.

Mulat ang siyudad sa walang-hanggang pagmamasid sa mga lumilisa’t umuuwi sa pagbilis ng bawat sandali at sa walang hanggang pakikinig sa mga tinig na nanggagaling sa bawat kalye, kanto, o kahit anumang kongkretong konstruksyong hindi mawari kung kailan mapipigilang magwika ng hindi lubos na maintindihan.

Sa bingit ng tula

ni Joseph Casimiro

Nang datnan ko siya, siya
Ay nakatuon sa panahon.
Hindi ko alam kung gaano
Katagal siyang nakaharap;
Naghihintay; nananahan
Sa sandaling iyon. Hindi
Ko alam kung gaano katagal
Siyang magtatagal. Kung siya ay
May nakaraan o hinaharap, hinaharap
Lang niya ang lubhang
Hindi ko pa mauunawaan
Sa bingit ng tula.

Saturday, April 10, 2010

Soneto ng mga Taga-Estero

ni Mike Orlino

Sa tuwing babayuin ng ulan ang butas na bubungan
Nagkakandahulog-hulog ang mga kinalawang
Na yero’t takot. Niliglig ng unos hindi lang ang dingding
Na tinagpian ng ilang pirasong lawanit at kawayan,
Kundi ang dibdib na pinakuan ng iilang pangako. Kikiling-
Kiling ang mga posteng inanay ng kahirapan. Singdilim
Ng gabi ang rumaragasang tubig ng estero. Kung mayroon
Lang makakapitan bukod sa tapang. Kung may darating
Mang tagapagligtas at maglalakad sa gitna ng baha, nilulon,
Na marahil siya kanina pa ng nagngangalit na alon.
Iempake ang gulanit na damit, isampa sa inaamag na tabla,
Gawing balsa habang nagpapatianod ang malay sa daluyong.
Bukas iiwang bangkay ang pira-pirasong bahay at basura.
Wala, walang naisalba kahit gusgusing pag-asa.

Saturday, April 3, 2010

Pressure

ni Jobo Flordelis


“At high altitude, pressure is lower than that at sea level,” iyan na siguro ang kaisa-isang scientific truth na sana naging totoo sa buhay ko. Sa mga kagaya kong laking-probinsiya, siguro nga nabubuhay kami para patunayan ang sarili, na para bang ga-iglap lang ang lifespan ng aming tagumpay. Ilang minuto lang ang itatagal nito’t kailangan na muling maghanap ng panibagong ikatataas ng noo.

Lumaki ako sa Batanes. Sabi ng Nanay ko, espesyal daw ako sa aming magkakapatid dahil ako lang ang ipinanganak nang walang bagyo. Ako lang daw ang ipinanganak nang may araw. Sila Ernie at Glydel kasi, parehong ipinanganak habang humahampas ang signal number 3 sa aming isla.

‘Yun din ang sabi ni Itay, ng kapatid ni Itay, ng mga kapitbahay, ng kapitan ng Barangay La Paz, ng Mayor namin, ng lahat—kahit ang mga bagong huling tilapia ni Itay, bago sila malagutan ng hininga’t tumigil sa kakakawag, tila nangungusap na ako’y espesyal.

Oo, siguro nga. Hindi ko naman ipagkakailang may angkin nga akong katalinuhan.

Siguro nga ito ang espesyal sa akin. At nagpapasalamat naman ako. Sa valedictory speech ko pa nga’y hindi ko kinalimutang bigyang-pugay sila Nanay, Itay, Ernie at Glydel. Sila nga naman ang pinagmulan ng lahat ng ito—ang aking pamilya.

Pinahagingan ko rin ng pasasalamat ang mga kapitbahay. Sayang naman kasi ang katsang pininturahan nila ng: “Congratulation Gina!” At kahit ba kulang ng ”s” ang pabati nila sa akin ay malugod ko pa ring tinanggap.

Hindi ko rin naman kinaligtaang tingnan sa mata si Mayor Dalangte habang binabasa ko ang pinaghandaan kong talumpati. Kung hindi kasi dahil sa kaniya at sa butihin niyang kabiyak, wala siguro ako ngayon sa kinatatayuan ko. Showbiz man, pero totoo. Sinalo kasi ng scholarship na ipinagkaloob ni Mayor ang ‘di napunan nila Itay sa pangingisda. Kaya higit sa akin, nagpapasalamat si Itay sa tulong ni Mayor. Kung hindi kasi dahil kay Mayor Dalangte, napagtsismisan siguro si Itay ng mga manang na nagbibilad ng tuyo. Napagbintangan siguro siyang iresponsable, tamad, o walang kwentang ama. Dahil kay Mayor, nanatiling haligi si Itay sa paningin ng buong isla.

Wala pa man ako sa dulo ng aking talumpati, tila hinihila na ako pababa ng entablado ng mga medalyang kumakalembang sa leeg ko. Nakatutulilig ang ingay nina: Department Award in Science, Department Award in Math, Leader of the Year Award, St. Agatha Award, at kung anu-ano pang parangal. Hindi ko namalayang pinaghahalikan na pala ako nina Itay at Nanay sa baba ng entablado. At ang mga kaklase ko, nagsisihiyawan na dahil tapos na ang aming pagtatapos.

...

Ilang taon na rin ang nakalipas mula noon. Siyam, sampu? Wala namang kaso. Tulad noon, mahirap pa rin ang buhay. Tulad ng mga alimangong gumapang dati sa aming pampang, ginagapang ko rin ang buhay. At tulad nila’y inanod ako ng kaplaran. Matalino ako kaya naging alagad ako ng Agham. Hindi mangingisda tulad ng karamihan sa aming isla. Hindi pintor ng mga obra. Hindi social worker. Siyentista ako.

Umalis ako sa Batanes. Hindi, pinaalis ako. Matapos nila akong paghahalkan sa baba ng entbalado, matapos ang lahat ng kamayan at kodakan, ‘yun ang huli. Naayos na pala ni Nanay ang mga papeles ko pati tiket paalis ng Batanes. Hindi raw bagay ang katulad ko sa alat ng dagat. Sa laboratoryo kung saan man, basta hindi sa isla, ako nararapat.

Kahit malayo na ako sa kanila, nariyan pa rin sina Nanay para ipagdikdikan sa’king iba ako sa lahat. Ngunit iba na ngayon, dagdag sa tuwina niyang mga linya, ako na lang daw ang natitirang pag-asa ng aming pamilya. Nag-asawa na kasi si Glydel, at si Ernie, binaldado ng mga dikya.

Madalas din, sa mga P.S. ni Nanay sa kaniyang mga liham, nagagawa pa niyang magsingit ng mga tanong kung bakit wala pa akong asawa. Nadudurog ang puso ko dahil wala akong maisagot.

Hindi ko maintindihan, pero kahit dito na ako sa Baguio nakatira, kung saan dapat malayo mula sa mga hampas ng bagyo ng Batanes, tila rinig ko pa rin ang pag-utal ng mga tilapia ni Itay. Nakababaliw.

“At high altitude, pressure is lower than that at sea level.”Oo, literal nga siguro ang pagbasa ko sa teoryang ito. Desperada lang talaga ako. Kaya siguro ninais ko ngang dito sa Baguio magtrabaho—dito mamuhay. Inakala ko kasing hindi aabutan ng daluyong ng Batanes ang talampas na ito. Pero may mga katotohanan nga sigurong nakakahon lang sa scientific world, na kailanma’y hindi mapatototohanan sa buhay ng tao.

Isa ako sa iilang siyentistang nanatili dito sa Baguio, na marahil, aalis na rin dahil wala namang suporta mula sa gobyerno. Naghahanap kami ng kung anu-anong lunas mula sa iba’t ibang halaman para sa kung anu-anong sakit. Sa paglipas ng mga taon, naging panata ko na ang makahanap ng mas epektibong lunas para kay Ernie. Na kahit ba minsan, kinaiinggitan ko.

Minsan, ninanais kong mabaldado na rin ako para walang inaasahan mula sa akin—at konting kibot lang ng hintuturo ko’y malaki nang tagumpay para kina Nanay. Pero ano pa nga bang magagawa ko. Baldado ako.

Sa isang liham ni Nanay sa akin, ikinuwento niya kung paano nang minsang dumalaw si Mayor Dalangte sa bahay namin, sinabi ng tumatandang lalaki kung paanong alalang-alala pa niya ang araw ng aking pagtatapos. Hindi man lamang daw siya nakapag-“walang anuman” sa akin sa kabila ng aking pagpapasalamat para sa scholarship na ipinagkaloob nilang mag-asawa. Patuloy raw siyang aasang babalik ako sa Batanes dala ang mga gamot na ako mismo ang dumiskubre. Marami-rami na rin daw kasi ang nabibiktima ng mga pesteng dikya. Naghihitay ang buong Batanes sa aking pagbabalik.

Minsan, tinanong ako ng matalik kong kaibigan kung masaya ba ako. Kinailangan kong pag-isipan ang isasagot kaya pinakitid ko sa kaniya ang kaniyang tanong.

“Masaya? Sa buhay? Sa pamilya? Sa trabaho?”

“Sa lahat,” aniya.

“Oo. Masaya naman.”

At kahit ba ito ang sagot ko, alam kong alam niyang hindi.

“Gina, ano ba’ng magpapasaya sa iyo?”

Magpapasaya? Hindi ko alam kung may oras pa. Sa totoo lang, hindi ko rin talaga alam kung ano’ng dapat nagpasaya sa akin. Dapat ba natagpuan ko iyon noong nasa Batanes pa ako? Baka naman habang nag-aaral ako noong kolehiyo? O dito sa Baguio?

Hindi ko na nagawang sagutin ang tanong niya. Tulad ng maraming bagay sa buhay ko, nawalan na ako ng gana.


Thursday, April 1, 2010

Biyernes Santo

ni Nicko Caluya

habang nilalanghap ang insenso

tumungo ako roon kahit pawisan

tinitigan ko ang inihaing pagkain

tahimik ang buong kapaligiran

nang matukso akong tikman

mula sa katabing ihawan sa kanto

sa init ng araw at panggatong

pinapahiran ng sarsa ang barbecue

nagbabaga sa maitim na uling

ang karneng nakatusok sa tingting