Sunday, October 24, 2010

Sa Mga Huling Araw

ni Monching Damasing

May pangamba sa ating pagtingala.

Pinipigil natin ang ating hininga
kapag sumasambulat sa langit ang
sanlaksang ibong tinatabunan

panandalian ang ating mga anino.
Tinatapat sa ating mga mata ang
maitim nilang hubog, ang marahan

nilang salimbay. Tanaw natin
ang kanilang paglaho sa malamang hita
ng ulap na unti-unting nababahiran

ng abo. At sa sandali ng pagyao nila
sa ating gunita, mararamdaman natin
ang bagal ng ating hininga’t pagkuyom

ng marurumi nating mga kamay.

3 comments:

Anonymous said...

Tatlong tula ang naaalala ko rito: Skylab ni Popa, yung unang tula ni Popa sa Maaari, at ang Laging Huli ang Tula ng Makata ni Sunico. Di naman masama na maaalala ang mga ito, sadyang litaw lang ang references (kung references man talaga) ang mga imahen, phrasing, at eksena sa tula.

-JC

Anonymous said...

ang ganda ng pagpasok ng linyang "panandalian ang ating mga anino" mula sa pagbibinbin ng espasyo sa pagitan ng dalawang saknong. chan

Monching said...

Jc, lahat naman nito'y gunita e. Hindi lamang isang backward movement ang paggunita though.

chan, maraming salamat.

anong binabasa ninyo ngayon? :)