Monday, November 29, 2010

Kolorete

ni Roselyn Ko

Nakita kita sa silid na iyon.
Nilalagyan ka nila ng kolorete sa mukha
at inaayusan pa ang buhok mong kulot
Dinadamitan ka nila ng kulay lila

Pinanood kita mula sa di kalayuan
Pinagmasdan nang maigi, pinag-isipan ko
kung tama ba itong nararamdaman ko para sa’yo
Tumayo ka na at lumabas ka ng kwarto.

Naalala ko pa noong una kitang makita
Ibang-iba ang iyong hitsura
Walang bahid ng kolorete sa mapungay mong mga mata
O di kaya’y wig na tumatakip sa iyong maigsing buhok

Oras mo na.
Umakyat ka sa entablado noong gabing iyon
Umasta ka na parang mayuming dalaga
Lahat ay nasiyahan sa iyong pagpapatawa

Natapos ang iyong pagtatanghal.
Bumaba ka mula sa iyong kinatatayuan
Nilapitan mo ako sabay hinagkan,
“Sister! Natapos rin ang palabas!”

Nabulabog ang aking natutulirong damdamin.
Huwag ka nang magkaila
Alam ko na ang tinatago mong lihim
Tuluyan na akong nawalan ng pag-asa.

Sana noon pa lang ay nalaman ko na
nang hindi sana kita natutunang mahalin
para hindi na umasang ako ang iyong hahanap-hanapin
at hindi ang lalaking katambal mo sa dula kanina.

3 comments:

Anonymous said...

wooo!

- monching

brandz said...

magandang simula ng rebisyon at re-vision, marahil, kung babalikan ang silbi ng pagkakaberso ng akda.

Monching said...

rose, bakit mo tinanggalan ng bantas ang lahat ng lines except yung mabibigat? bakit mo ako iniwan?