ni Brandon Dollente
Inanyayahan akong magsalita
tungkol sa lugar ng sarili sa tula.
Ipakita kung saan matatagpuan ang ako,
na para bang nagtatago ito,
nakakubli sa sanga ng mga letra,
nakalublob sa malapot na dagat
ng parikala, o nakabaon sa ilalim
ng kabilang pahina, sa susunod
na tula. Hindi ko alam kung saan
sisimulang hanapin ang sarili.
Kaya naisip kong lumikha ng sarili
kong tula at doon maghagilap.
Ngunit masyadong masalimuot
ang mundo ng liriko at palipat-lipat
ng lokasyon ang persona. Narito ako,
sabi sa akin ng sarili, bago bumaba
ng gusgusing bus, habang ginagasgas
pa nito ang tanawin sa labas.
Narito ako, sabi ng taong-grasa,
itinuturo ang pinakabago niyang pilat.
Nagpatuloy ako sa paghahanap
at nadatnan ko ang kabilang berso
kung saan isang dambuhalang salamin
ang tumambad sa akin. Narito ako,
sabi ko sa sarili. Dali-daling nabasag
ang aking tinig at nabiyak ang mundo
ng tula. Lumabas ako at ikaw
ang unang nakita, nakaupo sa gilid
ng kalsada, nagtataka kung paano,
kung saan, kung kailan.
Tinabihan kita at tiningnan
ang papel na nais kumawala
mula sa iyong mga kamay. Wala.
Wala ako riyan.
para kay Geneve
Tuesday, November 30, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
9 comments:
mahusay!
- monching
bwahaha, geneve, ayan, tinulaan ka rin. saka pa muna ako magkokomento sa tula, uulitin ko munang basahin.
awww.. tagos sa puso. natouch ako. -geneve este ej pala to
monch: teyngs
nicko: ikaw din dapat yan
ej: gags. haha.
hi
ganoon ba? sa bagay, ako ang unang nangulit. binabasa ko pa rin.
monch: hi ulit?
nicko: ikaw naman kasi ang leader ng lahat ng projects diba (well, supposedly)
ayan. okay na.
natuwa ako dahil (marahil) puwedeng everywhere at nowhere ang persona, at the same time.
parang si Dr. Manhattan!
Post a Comment