Wednesday, December 1, 2010

Moriones

Nicko Caluya

Nabalot ng liwanag ang katawan
na balot sa kasuotang metal at tela.

Sa linggong iyon hinanap ang taksil
na saksi sa himalang pinaghihinalaang

ang dugo sa lansa ang mumulat sa bulag.
Napuno ang bawat lansangan ng mga tao,

sundalong balbas-sarado tungong kalbaryo,
sa penitensyang maglakad hanggang hapon.

Sa parehong talim nahulog ang anino
sa tapyas ng kanyang maskarang kahoy

patungo sa butas ng nasirang mata,
at sa leeg na ginuhitan ng dugo.

Sa huling sandali, tumapat
siya sa langit, naniwala.

1 comment:

Anonymous said...

nicko, sa tingin ko (at malabo ang mga mata ko) kailangan mong hatiin lalo ang hininga ng tulang ito.

Pero shet gustong gusto ko ang unang linya! Isa ring POV ko rito ay kung papansinin mo kung saan ka naghahati ng linya (sa prepositions lahat). Preferential lang to, pero baka may ibang principles of structure dapat itong akda?

- monching