ni Monching Damasing
Panandalian tayong magiging anino habang gumuguho
ang mga anghel. Katawan nati’y maglalaho
nang panandalian habang nagtatapat ang ating mata
sa kanilang sementong mata. Ngingnig tayo
sa bawat pagliwanag ng langit. Habang gumuguho ang mata
ng bagyo, paisa-isang nababasag sa sahig ang mga dalisay
na mukha’t pakpak. Walang maiwiwikang dasal ang mga labi
nating nangangatal, habang sinisimulang buksan ng lupa
ang mga nakatagong sepulkro’t altar. Iniluluwal ng lupa
ang nakaraan. Wari isang uri ng pagsilang
ang paglanghap ng singaw, mata nating pumipikit,
mga palad nating tinatapat sa isa’t-isa. Yumuyukod tayo
sa ating mga anino, sa hubog nating walang-muwang sa malaon
nang nagaganap na pagguho ng mga sagisag. Tinititigan natin
ang ating mga yapak na waring hindi sariling atin. Waring
hindi atin ang sarili nating mga luha. Nagsisimula tayong umutal.
Sa isang langhap, sa sandaling nagsisimulang maluoy,
binagtas natin ang mga kalye kung saan nakatitig ang mga mata
ng ilaw-poste sa atin. Dinig natin ang laksa-laksang talampakan.
Walang mga ibon ang mga dinaraanang puno natin. Sa isang kanto,
nakaambang ang mga uwak habang iniaawit ng isang baliw
ang kaniyang nakaambang paglutang sa alangaang.
Pilit niyang inaabot, iniaabot ang sariling langit sa atin nang
gumuho ang nilililimang gusali. Kay tayog ng aking katawan,
pahayag niya, bago naglaho ang kaniyang anino.
No comments:
Post a Comment