Saturday, August 1, 2009

UMALIS KAMI SA ALAPAAP

ni EJ Bagacina


kipkip ka sa alaala
umalis kami

sa alapaap kipkip ka sa alaala

umalis kami

sa alapaap kipkip ka
sa alaala umalis ka-
mi sa alapaap kipkip ka

(sa) alaala umalis ka-
mi sa alapaap

kipkip ka sa alaala

Tuesday, July 28, 2009

Rengga

nina Miles Domingo at JC Casimiro

Habang binubuhol ko ang hangin,iniisip
ko kung nahihila ko ang mga bituin
papalapit sa akin. Sapagkat hindi

maaari, ang sabi ng pantas, mahiwaga
ang grabedad, mali ang paniniwalang
magtiwala sa mga pagbulusok at pagdating
ng mga kometa, isang trahedya.
Huwag mangangarap sa mga nalalagas: luha
ng kandila, natuklap na mukha
ng bulaklak, kalansay ng buhangin, abuhing
mga tala ... sa kanilang pagbagsak, huwag
sasama. Matapos ang atas ng pantas,

magpapalipad ako ng guryon.

Monday, July 20, 2009

Tulang Nagwawakas Sa Hindi Natapos Dahil Ginabi Na Naman Ako

ni EJ Bagacina

Noong minsang gabihin ako
at iyong masumbatan sa kuwarto
ako nagkulong
at pilit na tumula
tungkol sa patay-
sinding ilaw-
poste sa tapat ng bintana

ngunit aking napag-isip-
isip hindi pala ako makatula

maliban kung sakay ng jeep
sa gabi
palagi akong binabagabag
ng bilis
ng mga pangyayari

ang mga alaala nag-uunahan
naggigitgitan sa aking gunita
nagsasalpukan
ang mga ilaw
ng sasakyan
ang bituin at buwan
sa kalawakan
ng mga salita
sa tulang aking kinakatha
habang nakaupo sa isang sulok
nagmamasid sa paligid
nagtataka
kung meron ding nagmamakata
na katabi

ngunit gaya ng ilang sasakyang nasiraan
sa daan laging maiiwan
na nakatirik
ang mga linya
sa aking isip tila naghihintay
na maisapapel
pagdating sa bahay ito

ang pasalubong ko sa iyo
isang tula
hindi natapos
dahil ginabi na naman ako.

Monday, July 6, 2009

Rengga

nina Brandz Dollente at JC Casimiro

Tanging mga lihim ang nananaig sa sigwa,
na muli't muli kong isinisigaw pabalik ang ngalan
ng di-pinapangalanan sa dagat. Hinahabol ako
ng mga alon. O dapat ko bang sabihing, hanggang
ngayon
, hinihigop pa rin ng alon ang aking paningin.
Sabi ng pantas, may darating
na maaliwalas na langit sa bingit ng dilim: mata-
tawid ng tuwid ang tingin ang gabing puno ng galit
ng diyos. Susubukin ko ang sungit ng sugbu
kung sa isang buntong-hininga, kung sino
ang unang papayapa. Kung bakit itinatapon
ko ang sarili sa kalikasan. Kung bakit narito
ako ngayon sa bingit ng bagyo, kumakapit
sa matatag na turo: Hindi naliligaw
ang naligaw na.
Kung bakit ko naisip
ang pantas. Pinanghahawakan ko pa rin
ang mga di ko nais malaman. Pananalig
na nakabaon sa buhangin, aahon sa anyo
ng isang alimango. At hahango
tangan ang nagniningning na hiwaga
ng bukas-liwayway. Walang mamamatay.

Monday, June 15, 2009

Heto Ang Isang Tulang Nagwawakas sa Langit

ni Ej Bagacina


Gaano kalayo

Ang langit


Sa lupa? Naaalala

Mo ba? Noong mga bata tayo

Pilit kong tinanong sa iyo.

Ewan. Paliparin mo na lang

Itong saranggola
.
Alam mo,
Ginusto kong baybayin

Sa aking isip

Ang haba ng pisi

Na hawak ko ngunit napakalawak

Pala ng langit naisip ko:

Kapag namatay ako, doon
Ako pupunta.
Napatingala ka

At nakita mong nakasabit

Ang iyong saranggola

Doon sa kawad ng kuryente at ilaw

Poste. Binato mo ako noon

Ng sisi. Magmula noon

Ay hindi na tayo muling nag-usap

Tungkol sa langit, lupa, at mga ulap.


Huwag nating pag-usapan ang kamatayan.

Paborito kong linya ng isang tula.

Sabihin ko kaya ito sa 'yo mamaya?

Sanay na akong magsalita

Sa isip habang nakasakay

Sa bus. Patawad

Kung wala akong dalang bulaklak,

Wala naman talaga akong balak

Umuwi sa San Roque kung hindi ko pa

Nalaman ang balita.


Gaano kalayo

Ang langit


Sa lupa? Marahil tinatanong din

Ito ngayon ng iyong ina

Sa harap ng iyong labi.

Habang umiiyak siya

Ay may biglang dumapo sa aking labi

Na isang paruparo.

Mamaya, susundan ko ito.

Kahit na alam ko,

Hindi naman nito mararating

Ang langit.

Wednesday, June 10, 2009

Renga-Hunyo 7, 2009

nina JC Casimiro at Ali Sangalang

Pinapatid ng bulubundukin ang hangin
na bumabalong sa nakasabit na gulong--
ang araw.

Ano't makapal na makapal na pagkakatapal
ng mga dahon mula sa mga nabuwal
na puno ang pilit hinahagkan ang panipis
nang panipis na gulong-
gulo kong isip ...

May gulong din
ang palad: Sa panahon ng salanta, naaalala
ang mga pasikut-sikot na bulaos
ng paghahanap-
buhay habang patungo sa minahan.

Ngayon, nagugunitang tumingala at
magtanong
sa isang nagbibisikletang diyos.

Monday, June 8, 2009

oda sa mga hangganan

ni mike orlino

Linya lamang ang mamamagitan
sa atin. "Tingnan mo,hanggang

dito na lamang tayo." Linyang iginuhit
mo sa buhanginan. mga guhit

na nagtatakda sa ating
mga hangganan. Heto ang linya

ng aking mga tula. Tungkol
sa hangganan ng mga hangganan.