Thursday, December 17, 2009

Disyembre

ni Ej Bagacina


Minumulto ng hangin ang mga dahon at sanga
sa labas ng bahay at ako sa loob ng kwarto
habang nag-aaral. Kung bakit ako napatingin
sa kisame kung saan mo makikita ang mga bituin
na istiker na halos sampung taon nang nakadikit,
hindi ko alam. Marahil tinatawag mo ako, kung bakit
naisipan kong dumungaw sa bintana. Tumingala ka-
yo, sabi sa balita, ika-10:30 ng gabi, makakakita
ng mga bulalakaw. Pagkalipas ng isang oras, sa wakas
sumuko ako at kumuha ng isang basong tubig
para sa nanunuyong lalamunan at mga gumamela
sa plorera. Nakatingala ka rin ba kanina?
-ang mga salitang nasa isip ko habang naglalakad
pabalik sa kuwarto. Naririnig ko ang sariling
sinasabi ito, at sinasabi ng sarili kong naririnig ko
ito. Nang itanong ko ito sa aking ama, walang imik
lamang siyang nanonood ng balita -magiging maulap
at maulan bukas kaya magdala ng payong ang payo ng
PAG-ASA. Hindi na ako umaasang totoo palagi
ang mga sinasabi sa balita. Nang nilapitan ako
ng alaga kong aso, lumuhod ako at ibinulong
sa kanya: Nakatingala ka rin ba kanina? Iwinagwag
niya lamang ang kanyang maliit na buntot. Pinatay ko
na ang ilaw. Matutulog na siguro ako.
Ipipikit na ang mga mata. Ngunit muli akong
bumangon sa higaan. Itatanong ko muna ito
sa 'yong larawan bago ako matulog.


kay Abi

Saturday, December 5, 2009

PAGKATAPOS NG BAHA

ni Mike Orlino


Binabanlawan ng isang deboto
ang nasagip na santong rebulto.

Mula sa umaagos na tubig sa alulod,
tila hinuhugasan niya ang karumihan

nitong nagsaputik. Binihisan
ng mga naisalbang damit ng anak.

Tila kinakausap niya ito at tinatanong.
Ngunit estatwa lamang itong nakatitig

sa kawalan. Hindi marinig
ang boses ng nawalan.

Thursday, November 12, 2009

Suwail

ni Ej Bagacina


wala

kang loob utang

na


loob

Monday, November 9, 2009

Ascension

ni JC Casimiro

Matapos

Dumampot ng bato si Pedro

Inilahad sa mga kasama at nagwika

Ako ang haligi

Walang umimik

Sunday, August 23, 2009

Heto ang Isang Tula

ni Rachel Valencerina Marra


tanggapin mo
at pitasin

na tila mga talulot
ang bawat taludtod.

At iyong malalaman
na hindi mo mag-isang lilipunin

ang mga nagkalat na salita.


Monday, August 3, 2009

BIG TIME

ni Ali Sangalang

Nakatambay ako noon sa Starbucks Katipunan—-hindi para magkape, kundi para pasimpleng magpatuyo ng kili kili matapos kumain ng ilang tuhog ng maaanghang na squid ball at kikiam mula sa karitong de-tulak na nakatimbre sa harapan ng kapihan.

Sa loob ng selyadong kwarto, kunyaring nagbabasa ako ng magasin habang naka de-kwatro. Maya’t maya naman ang pagbuga ng aircon sa damit at balat ko, na pinanuotan na ng hininga ng pinaghalong usok mula sa gaas at kalsada.

Tanaw ko noon ang papaikli’t paghaba ng pila sa counter habang maya’t maya rin ang paggaralgal ng blender sa aking tainga nang maramdaman ko ang paglipat ng tunog na ito patungo sa aking tiyan.

Mukhang hindi nagkasundo ang pira-pirasong pagkain na aking nilantakan na isa-isang nang nangangalabog at nagpupumilit kumawala sa lugar na kanilang pinagsisiksikan.

Hindi ko na hinayaang abutin pa ako nang panghihinayang kung kaya’t taas-noo na akong tumayo at naglakad patungo sa Men's CR.

OCCUPIED,” ang sabi ng pinto kung kaya’t naghintay na muna ako at nag-ayos ng kuwelyo sa tapat ng salamin sa labas.

Hindi naman nagtagal ay muli itong nangusap at dahan-dahang ibinulong ang “VACANT.”

Kung ano'ng lumanay nang sandaling iyon, ay ganoon naman ang gulat ng mga mata ko sa lumabas sa pintuan. Lulang-lula ang mga ito sa sumambulat sa harapan.

Si Asi Taulava—Oo, si ASI TAULAVA— ang taong-grabang six-foot-nine, 245-pound PBA at National Team player na binansagang "The Rock" ng mga komentarista dahil sa grabeng tibay ng bumbunan sa pakikipagbanggaan sa hardcourt, pakikipagbunuang-braso sa iba pang naglalakihang basketbolero. Si PAULIASI TAULAVA—ang idolo o inidolo ng mga batang tulad ko at ng iba pang mga manlalaro't manononood ng isport na ito.

Kung malaki na siya sa TV—triplehin mo pa ang kanyang laki. Big time talaga, p're.

Hindi agad-agad nawala ang laki ng pagkagulat na’to hanggang sa slow-mong pagpihit ng doorknob, pagpasok sa loob, pagsara ng lock, pagsandal sa pinto, at pagbuntong-hininga.

Pagbuntong-hininga.



Pagbuntong-HININGA.

Ano't sa pangatlo kong paglanghap ng hangin ay may bumalot na kung anong amoy sa nangalaking mga butas ng aking ilong. Bigla-biglang tinunaw ng maalingasaw na singaw ang katawan kong nanigas ng ilang saglit.

Tumungo ako sa inidoro, binuksan ito, at sumilip.

Wala na akong iba pang naisambit

kundi isang napakalaking—“SHIT.

Saturday, August 1, 2009

UMALIS KAMI SA ALAPAAP

ni EJ Bagacina


kipkip ka sa alaala
umalis kami

sa alapaap kipkip ka sa alaala

umalis kami

sa alapaap kipkip ka
sa alaala umalis ka-
mi sa alapaap kipkip ka

(sa) alaala umalis ka-
mi sa alapaap

kipkip ka sa alaala