Monday, June 15, 2009

Heto Ang Isang Tulang Nagwawakas sa Langit

ni Ej Bagacina


Gaano kalayo

Ang langit


Sa lupa? Naaalala

Mo ba? Noong mga bata tayo

Pilit kong tinanong sa iyo.

Ewan. Paliparin mo na lang

Itong saranggola
.
Alam mo,
Ginusto kong baybayin

Sa aking isip

Ang haba ng pisi

Na hawak ko ngunit napakalawak

Pala ng langit naisip ko:

Kapag namatay ako, doon
Ako pupunta.
Napatingala ka

At nakita mong nakasabit

Ang iyong saranggola

Doon sa kawad ng kuryente at ilaw

Poste. Binato mo ako noon

Ng sisi. Magmula noon

Ay hindi na tayo muling nag-usap

Tungkol sa langit, lupa, at mga ulap.


Huwag nating pag-usapan ang kamatayan.

Paborito kong linya ng isang tula.

Sabihin ko kaya ito sa 'yo mamaya?

Sanay na akong magsalita

Sa isip habang nakasakay

Sa bus. Patawad

Kung wala akong dalang bulaklak,

Wala naman talaga akong balak

Umuwi sa San Roque kung hindi ko pa

Nalaman ang balita.


Gaano kalayo

Ang langit


Sa lupa? Marahil tinatanong din

Ito ngayon ng iyong ina

Sa harap ng iyong labi.

Habang umiiyak siya

Ay may biglang dumapo sa aking labi

Na isang paruparo.

Mamaya, susundan ko ito.

Kahit na alam ko,

Hindi naman nito mararating

Ang langit.

Wednesday, June 10, 2009

Renga-Hunyo 7, 2009

nina JC Casimiro at Ali Sangalang

Pinapatid ng bulubundukin ang hangin
na bumabalong sa nakasabit na gulong--
ang araw.

Ano't makapal na makapal na pagkakatapal
ng mga dahon mula sa mga nabuwal
na puno ang pilit hinahagkan ang panipis
nang panipis na gulong-
gulo kong isip ...

May gulong din
ang palad: Sa panahon ng salanta, naaalala
ang mga pasikut-sikot na bulaos
ng paghahanap-
buhay habang patungo sa minahan.

Ngayon, nagugunitang tumingala at
magtanong
sa isang nagbibisikletang diyos.

Monday, June 8, 2009

oda sa mga hangganan

ni mike orlino

Linya lamang ang mamamagitan
sa atin. "Tingnan mo,hanggang

dito na lamang tayo." Linyang iginuhit
mo sa buhanginan. mga guhit

na nagtatakda sa ating
mga hangganan. Heto ang linya

ng aking mga tula. Tungkol
sa hangganan ng mga hangganan.

Wednesday, May 20, 2009

Hamog

ni Japhet


Kanina lamang nananalamin ang nanlalaking buwan,
lubog ang liwanag nito sa laway ng lawa.

Ngayon naman sa dalampasigan,
nagkakawayan ang mga kawayan sa kawayanan—
paroo’t-parito ang amihan.

Animo’y may bulung-bulungan.

Sa ilang sandali, sisikat ang araw.
Mahahamugan ang paligid.
Mababasa ang lahat.

Saturday, May 16, 2009

Renga - Mayo 15, 2009

nina JC Casimiro, Brandon Dollente, Japhet Calupitan, Rachel Marra at EJ bagacina

Habang tinitiklop ng kamatayan
ang isang dahon, umuungol ang
tangkay ng usal. Nagdarasal
sa saliw ng hangin. Buhay ang
agos ng tubig sa bukal. Nauuhaw
sa tenga ng dahon ang lupa.
Kung bakit tinatabunan
ng sanlaksang pagtiklop.
Walang nakaaalam
liban sa isang dahon
na tinangay ng hangin. Napadpad,
parang tinig ng huling awit,
pinag-iimbay ang tubig at hangin,
ang lupa at apoy
sa nanlalamig mong palad.

Thursday, May 14, 2009

Kung bakit ayaw nating pag-usapan ang pagkahulog

ni EJ Bagacina


Palalim nang palalim
ang walang hanggan

na dilim nang bigla kang magising
sa tunog ng nahulog

na porselana. Binabasag
ng iyong paghinga

ang katahimikan sa kalawakan.
Ang durog na buwan. Pinulot mo

ang nagsabog na bubog
sa iyong paanan. Dumaplis

sa iyong isipan: paano pa mabubuo
ang pira-pirasong puso?

Tuesday, May 12, 2009

Tang

ni Rachel Valencerina Marra

Isang puno ng mangga
ang aking palaruan
sa bakuran ni amang
sa Pangasinan.
Hinog na bunga
ang aking kabataan.
Minsan pumitas
ang hangin -
lumagapak.
Latak na kasama
sa huling patak
ng inuming handog
ng aking paslit na anak.