Wednesday, August 20, 2008

Diwata

ni Brandon Dollente

Tuwing gabi, nananalinhaga ang lahat.
Tuwing gabi, ang tanging suot niya
ay ang kaniyang paghaharaya –

Sa akin nakatingin ang mga tala.
Tuwing gabi, kabisado niya
ang mga daan patungo sa dagat

ng mga punda at kumot. Malalaking buwan
ang mga mata ng kaniyang mahal
at umaalon kahit ang tahimik na ilog

ng kaniyang dugo. Tuwing gabi,
saulado ng kaniyang mga labi
ang katigasan ng pagtitiwala’t pananalig

at ang iba’t ibang anyo ng pag-ibig.
Sa manipis na silahis ng liwanag
mula sa bintanang nakabukas,

nagsasapilak ang kaniyang pawis
at nagsasarosas ang kaniyang mga pisngi.
Pati ang mga hiyaw ng pagtatalik

ay nagiging mahiwaga, nangingiliti
sa mga taingang nananalinhaga rin –
mga pakpak. Aliw ang salarin.

No comments: