Friday, August 22, 2008

Pagpapaliwanag

ni Angelique Detaunan


Kasi naiinis ako

na nakakausap mo pa rin
ako tungkol sa iba't ibang bagay
habang nakatingin sa akin, mata sa mata,
parang walang namagitang wala na ngayon.

na tinatanggap mo pa rin
lahat ng iniaalok ko sa iyo:
pagkain, panulak, payong, panyo,
parang hindi gumagana ang mga pakonswelo.

na nagagawa mo pa ring
manatili sa iisang lugar
kung nasaan ako,
parang hindi naiilang na may puwang na tayo.

na tinutukso pa rin
tayo ng barkada at mga kakilala
kapag nakikita tayong magkasama,
parang hindi nababahala sa sasabihin nila.

na nayayakag pa rin
kita na samahan ako sa kung saan
tuwing wala na kong pagpipilian kundi ikaw,
parang wala na ring makasama kundi ako.

Kasi naiinis ako

na nasasabi mo pa rin
kung gaano ako kaganda para sa'yo.

na napipisil mo pa rin
ng marahan ang kamay ko.

na natatapik mo pa rin
ang balikat ko.

na nayayakap mo pa rin
ako kahit sobrang sandali.

na nakakangiti ka pa rin
sa kabila ng lahat ng nangyari.

Kasi naiinis ako

na alam kong alam mo
na niloko lang kita:
pinaasa, ginamit, pinanakip-butas,
pero wala kang ginawa para gumanti.

na hindi ka man lang nagtanong
kung bakit biglang naputol
ang ating biglaang relasyon,
parang ayos lang na bigla tayong nagkalayo.

parang wala lang sa iyo ang lahat ng iyon.
parang hindi mo talaga ako sineryoso.
parang ginamit mo rin ako, pinampalipas-oras.
parang ako pa ang niloko mo.

Kasi naiinis ako sa'yo,
kaya hindi ako hihingi ng tawad.

5 comments:

Marahil said...

nasapul ako dito

Anonymous said...

tandaan: mas mabigat ang imahen sa pahayag. kung gagamit ng maraming pahayag, siguraduhing mabibigat ang mga ito.

angeLique said...

waah brandz, mababaw ba masyado?
sige na, kelangan ko ng magsasabi sakin. :)

Anonymous said...

ang sentimiyento, hindi mababaw: iyong nanloko ka pero dahil mabait siya parang ikaw ang niloloko. Okey yun. Pero (pakiramdam ko) masyado pang maraming linyang nagamit para marating ang punto. Mas matindi pag condensed di ba? Pero kung ano yung kumukuyom, yun ang sundin mo. Basahin mo ang bawat linya, dapat dinadala ka.

angeLique said...

aah.. ganun pala yun. sige, pag-iigihan ko pa. maraming salamat bossing! :)