Friday, August 22, 2008

May Pagkakataong Ganito

ni Ej Bagacina

May pagkakataong ganito:
kung kailan galit ang kalangitan
at wala akong dalang payong
o kaya'y walang bubong na masisilungan.

At makikita kitang naglalakad
na kagaya ko. Binabalot ka ng takot
sa bawat kulog. Binabasa ka ng ulan
na naglalakbay sa bawat baybayin

ng iyong katawan. Patuloy kitang susundan
hanggang sa sumikat ang tila naduwag na araw
para malusaw ako at maging tubig
na unti-unting ililipad patungo sa mga ulap

upang sa muling pag-ulan,
ika'y aking mayakap.

2 comments:

Anonymous said...

Patindihin... patindihin... patindihin...

Wasak ang ending, galing.

Anonymous said...

:) cooolll :)) hahaha :))