Friday, September 19, 2008

Dahilan

ni Brandon Dollente

Nagsasalita lang ako
dahil nananahimik ka
at naghahanap ako ng tinig
na tutugunan mo.
Kausapin mo naman ako
tungkol sa pangungulila.
Binabagabag ka rin ba
ng mga espasyo?
Kinukuyom ba ang iyong puso?
Inuubos ka ba ng mga buntong-
hininga tuwing walang ilaw
na sumasalubong sa iyong pagtingala?
Pumikit ka: nariyan ako.
Hawak ko ang mga bubog
ng nabasag na buwan.
Pitak ng nauupos na mga bituwin.
Narito ako, totoo, sabi mo
sa akin sa isang panaginip.
Nais kitang paniwalaan.
Narito ako, nagsasalita
dahil ayaw akong patahimikin
ng mga sulok nitong silid.
May pag-iisang nakamamatay,
sabi ng isang makata, at di ko mapigilan
ang pangangailangang kumapit.
Ngunit saan? Sa nabibiyak na dingding?
Sa madulas na pasemano? Sa espasyo
na naririto dahil wala ka?
Gusto kitang makausap.
Gusto kong lumabas
ng bahay at makita ka,
sa kanto, naghahanap ng tala.
Hayaan mong tulungan kita.
Gusto kitang makilala.

2 comments:

Anonymous said...

maganda. malungkot.

Anonymous said...

para nga palang pamilyar.