Friday, August 29, 2008

Kaibuturan

ni Kristian Mamforte

Alam ko ang lihim mo alam ko

Alam mong alam ko ito

Na lamang ang ating maililihim

Thursday, August 28, 2008

Kung Ganoon

ni Brandon Dollente


Alam kong nariyan ka. Nakasunod ka
sa akin ngunit wala kang alam.
Marahil ang mahal mo ay ang ulan.
Hindi ako. Hindi, dahil kung oo,

marahil napansin mo ang mga nadurog
na tuyong dahon na aking tinapakan.
Marahil tinapik mo ako at sinabing,
“sigurado akong may sugat ka

sa talampakan.” Ngunit alam kong hindi
mo iyon malalaman. Dahil hindi ako
ang mahal mo kundi ang ulan. At alam natin:
walang mahal ang ulan. Lahat-lahat dinadaplisan.

Kaya sapat na sa iyo ang sinumang makakapiling.
Alam mo, ang ayaw ko lang sa ulan,
hindi ito nagpapaangkin kaninoman.
Ni hindi ko maaaring tipunin sa palad

o isilid sa bulsa o saluhin gamit ang puso
dahil tinatakluban ito ng balat. Dumudulas
lang ito sa katawan. At walang iniiwan.
Kaya kung ako ang nais mo, manalangin ka

na sa susunod na mapuno ng kalungkutan
ang dambuhalang dibdib ng kalangitan,
magkabit ang Diyos ng laso sa ulan.
Nang matapos mahugasan ng lahat,

may madampot ako at maipantali
sa buhok. Nang may maiuwi.
Nang malaman kong may nananatili.
Dahil ngayon, malusaw ka man

at makipagsiksikan sa mga patak
sa ulap na naghahanap ng mahahaplos,
hindi kita sasalubungin. Iiwasan kita.
Ayoko. Sisilong ako. Aantayin ko ang pagtila.


(sunod sa May Pagkakataong Ganito ni Ej Bagacina)

Matapos ang lahat

ni Walther Hontiveros

Kalungkutan lamang ang tanging kasiguraduhan.

Ito ang hindi nagmamaliw na pulso
matapos bawian
ng pintig ang laman
at loob ng katawan.

Tanging ang bigat lamang
ng namumutlang bakas
ang mananatili sa kutson
ng lupa.

Ito ang tanging makatatawid
sa salaming sinisilid
ang nagluluksang katahimikan
ng mga mahal sa buhay,

labi
ng isang iniwanang buhay.

Monday, August 25, 2008

Ang Banidoso at Ang Imahen

ni Joseph Casimiro

Ikaw ang akong humaharap sa ako.
Ako ang ikaw na humahanap sa tayo.
Ako at ikaw, ang tayo.
Tayo ang naghahanap sa ako.

Saturday, August 23, 2008

Sentimental

ni Mike Orlino


Titig

Matalim na balaraw
ang iyong mga titig.
Iniiwang duguan
ang aking pananabik.


Hope

Hithitin ang sigarilyo't
sa namimigat na dibdib,
hugutin ang alipatong
magsusumamo sa langit.

Friday, August 22, 2008

Pagpapaliwanag

ni Angelique Detaunan


Kasi naiinis ako

na nakakausap mo pa rin
ako tungkol sa iba't ibang bagay
habang nakatingin sa akin, mata sa mata,
parang walang namagitang wala na ngayon.

na tinatanggap mo pa rin
lahat ng iniaalok ko sa iyo:
pagkain, panulak, payong, panyo,
parang hindi gumagana ang mga pakonswelo.

na nagagawa mo pa ring
manatili sa iisang lugar
kung nasaan ako,
parang hindi naiilang na may puwang na tayo.

na tinutukso pa rin
tayo ng barkada at mga kakilala
kapag nakikita tayong magkasama,
parang hindi nababahala sa sasabihin nila.

na nayayakag pa rin
kita na samahan ako sa kung saan
tuwing wala na kong pagpipilian kundi ikaw,
parang wala na ring makasama kundi ako.

Kasi naiinis ako

na nasasabi mo pa rin
kung gaano ako kaganda para sa'yo.

na napipisil mo pa rin
ng marahan ang kamay ko.

na natatapik mo pa rin
ang balikat ko.

na nayayakap mo pa rin
ako kahit sobrang sandali.

na nakakangiti ka pa rin
sa kabila ng lahat ng nangyari.

Kasi naiinis ako

na alam kong alam mo
na niloko lang kita:
pinaasa, ginamit, pinanakip-butas,
pero wala kang ginawa para gumanti.

na hindi ka man lang nagtanong
kung bakit biglang naputol
ang ating biglaang relasyon,
parang ayos lang na bigla tayong nagkalayo.

parang wala lang sa iyo ang lahat ng iyon.
parang hindi mo talaga ako sineryoso.
parang ginamit mo rin ako, pinampalipas-oras.
parang ako pa ang niloko mo.

Kasi naiinis ako sa'yo,
kaya hindi ako hihingi ng tawad.

Eskinita

ni Kristian Mamforte

Ginising siya ng ingay wari

Ang pagkalam ng sikmura

Ang iyak ng sanggol sa kaniyang tabi