ni Brandon Dollente
Alam kong nariyan ka. Nakasunod ka
sa akin ngunit wala kang alam.
Marahil ang mahal mo ay ang ulan.
Hindi ako. Hindi, dahil kung oo,
marahil napansin mo ang mga nadurog
na tuyong dahon na aking tinapakan.
Marahil tinapik mo ako at sinabing,
“sigurado akong may sugat ka
sa talampakan.” Ngunit alam kong hindi
mo iyon malalaman. Dahil hindi ako
ang mahal mo kundi ang ulan. At alam natin:
walang mahal ang ulan. Lahat-lahat dinadaplisan.
Kaya sapat na sa iyo ang sinumang makakapiling.
Alam mo, ang ayaw ko lang sa ulan,
hindi ito nagpapaangkin kaninoman.
Ni hindi ko maaaring tipunin sa palad
o isilid sa bulsa o saluhin gamit ang puso
dahil tinatakluban ito ng balat. Dumudulas
lang ito sa katawan. At walang iniiwan.
Kaya kung ako ang nais mo, manalangin ka
na sa susunod na mapuno ng kalungkutan
ang dambuhalang dibdib ng kalangitan,
magkabit ang Diyos ng laso sa ulan.
Nang matapos mahugasan ng lahat,
may madampot ako at maipantali
sa buhok. Nang may maiuwi.
Nang malaman kong may nananatili.
Dahil ngayon, malusaw ka man
at makipagsiksikan sa mga patak
sa ulap na naghahanap ng mahahaplos,
hindi kita sasalubungin. Iiwasan kita.
Ayoko. Sisilong ako. Aantayin ko ang pagtila.
(sunod sa May Pagkakataong Ganito ni Ej Bagacina)
Thursday, August 28, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
ang ganda! - chan
salamat. pero kulang pa. alam naman nating laging may kulang. namimiss ko si moreen, chan.
kaya pala may tama sakin nung tumula ka sa ka. >_<
naks, oo nga no brandz. galing! -ej
Post a Comment