Saturday, September 27, 2008

Haiku at Tanaga

Ni Angelique Detaunan

On a foreign seat,
I curl up in a corner;
unable to smile.

Sa banyagang upuan,
umuupo ako na
kayakap ang sarili
at walang buong ngiti.

Thursday, September 25, 2008

Recess

ni Rachel Valencerina Marra


KRIIING!!!

Nagmadaling pumunta si Joshua sa kantina para bumili ng makakain: dalawang Lemon Square cheesecake, dalawang Funchum na apple flavor, at dalawang Mentos. Kipkip ang mga ito sa dibdib - di bale na'ng mabasa ang uniporme dahil sa mga nagpapawis na tetra foil pack - ay umakyat siya sa roofdeck ng kanilang eskuwelahan kung saan naghihintay sa kaniya si April.

Si April na mahilig sa keso, sa pulang mansanas, at sa kendi na malamig sa bibig.

Matapos ang ilang linggo ng pakikipagsalo kay April kapiling ng mga ulap at ibon ay napagtanto ni Joshua na ang lasa ng Funchum apple ay artipisyal at sumisiksik sa bawat sulok at gilid ng mga ngipin niya. Walang nagagawa ang Mentos sa paghugas ng lasang ito sapagkat lamig lang ang kaya nitong ibigay sa bunganga. Higit sa lahat, dumidikit sa ngala-ngala ang nginuyang Lemon Square cheesecake.

Ngayon, tuwing tutunog ang bell sa kalagitnaan ng hapon ay nagmamadaling pupunta si Joshua sa kantina upang bumili ng dalawang chocolate-flavored Stuffins, dalawang Zesto na orange flavor, at dalawang Klorets. Kipkip ang mga ito sa dibdib - di bale na'ng mabasa ang uniporme dahil sa mga nagpapawis na tetra foil pack - ay bababa siya sa basement ng eskuwelahan kung saan naghihintay sa kaniya si Celine.

Si Celine na hindi pinapatawad ang alinmang pagkain basta tsokolate, na mahilig sa matamis na maasim na lasa ng orange at sa kendi na nagpapapresko sa hininga.

Saturday, September 20, 2008

Sa laya

ni Kristian Mamforte

Sa bungad nangilag siya sa liwanag

Ng tinig ng tumawag sa kaniya

Pangalang nakatatak sa kaniyang balat na hindi mabubura

Friday, September 19, 2008

Dahilan

ni Brandon Dollente

Nagsasalita lang ako
dahil nananahimik ka
at naghahanap ako ng tinig
na tutugunan mo.
Kausapin mo naman ako
tungkol sa pangungulila.
Binabagabag ka rin ba
ng mga espasyo?
Kinukuyom ba ang iyong puso?
Inuubos ka ba ng mga buntong-
hininga tuwing walang ilaw
na sumasalubong sa iyong pagtingala?
Pumikit ka: nariyan ako.
Hawak ko ang mga bubog
ng nabasag na buwan.
Pitak ng nauupos na mga bituwin.
Narito ako, totoo, sabi mo
sa akin sa isang panaginip.
Nais kitang paniwalaan.
Narito ako, nagsasalita
dahil ayaw akong patahimikin
ng mga sulok nitong silid.
May pag-iisang nakamamatay,
sabi ng isang makata, at di ko mapigilan
ang pangangailangang kumapit.
Ngunit saan? Sa nabibiyak na dingding?
Sa madulas na pasemano? Sa espasyo
na naririto dahil wala ka?
Gusto kitang makausap.
Gusto kong lumabas
ng bahay at makita ka,
sa kanto, naghahanap ng tala.
Hayaan mong tulungan kita.
Gusto kitang makilala.

Wednesday, September 17, 2008

Dama de Noche

ni Victor Anastacio

Kitang-kita ka ng lahat buong araw,
puti't payak na bulaklak na nakatanim sa hardin,
walang samyo ang mga mahinhing talulot.

Subalit pagdating ng gabi,
nagpapapitas ka mula sa lupa,
at ibinubuka ang iyong halimuyak sa dilim.

Friday, September 12, 2008

Noong Kasama Kita Habang Lumilindol

ni Kevin Marin

Hindi ko narinig
ang pangangatal ng mga baso't pinggan
sa gitna ng pagyanig.
Hindi nilingon
ang langitngit ng dingding
at walang nadamang ligalig
sa pagbagsak ng mga salamin.
Habang ika'y nakakapit sa akin,
pinakinggan ko
ang pagsasapintig sa iyong pulsuhan
ng bawat pantig ng aking pangalan.
Marahan at panatag na uyayi
sa sandali ng pagkagunaw.
Napawi ang pangamba
sa mga bagay na gumuguho't nababasag.
Sinta, sa yakap mo,
hindi ako kailan man matitinag.

Saturday, September 6, 2008

Pasya sa sangang-daan

ni Angelique Detaunan

Pumili ka ng isa,
bitawan mo ang iba.
At kung 'di liligaya,
gumawa ng kalsada.

Tatlong Bakit (Tatlong Yugto ng Pagkabigo)

ni Joseph Casimiro

I. Pagtatapat

Bakit

(noong hinawakan
ko ang kamay mo
at nagtapat sa iyo)

hindi

(mo tinaggap
ang puso ko)
?

II. Pagsisisi

Bakit

(sa dinami-rami
ng mga babaeng
maaalayan
ng pagtingin)

ikaw

(pa ang napili
ng pusong
sambahin)

?

III. Pagsuko

Bakit

(ako muling aasa
na maayos ang ating pagkakaibigan
kung ako ay nasaktan na
at iniiwasan mo)

pa

?

Thursday, September 4, 2008

Mula Guadalupe Hanggang Buendia

ni Brandon Dollente


Sa bilis tila tinangay na ang mga mukha ng mga nag-aabang
sa kalsada ang tanging madilim ay ang bahaging tinatakluban

ng mga sasakyan at ilaw-poste ang may kasalanan ng pananahan
sa mga kanto may naghihintay na magkamaling tumingin sa oras

ng pagmamadali nagkakamata ang bunton ng basura
parang may nakatitig na bata sa isang iglap nakaparada

ang isang bus na may sakay na gutom na apoy na walang makain
kundi bakal at abo at hangin at walang piraso ninuman

ang naging alipato kaya walang kailangang bilangin ang mga tao
biglang natagpuan ang sarili nang pumailanlang ang dingding

at dumilim at naglipana ang matatalim na ilaw na tumatagos
sa mga imaheng nasa bintanang naging salamin

saka dahan-dahang huminto ang tren at sa kabilang riles
may isa pang tren na di makaalis dahil di matibag ng pinto

ang kumpol ng mga taong halos matupi sa pakikipagsiksikan
natututunan ng lahat na walang madali sa pag-uwi.

Wednesday, September 3, 2008

Kasaysayan

ni Ali Sangalang

BA____ _ KAS
_ _ LANG