Thursday, September 4, 2008

Mula Guadalupe Hanggang Buendia

ni Brandon Dollente


Sa bilis tila tinangay na ang mga mukha ng mga nag-aabang
sa kalsada ang tanging madilim ay ang bahaging tinatakluban

ng mga sasakyan at ilaw-poste ang may kasalanan ng pananahan
sa mga kanto may naghihintay na magkamaling tumingin sa oras

ng pagmamadali nagkakamata ang bunton ng basura
parang may nakatitig na bata sa isang iglap nakaparada

ang isang bus na may sakay na gutom na apoy na walang makain
kundi bakal at abo at hangin at walang piraso ninuman

ang naging alipato kaya walang kailangang bilangin ang mga tao
biglang natagpuan ang sarili nang pumailanlang ang dingding

at dumilim at naglipana ang matatalim na ilaw na tumatagos
sa mga imaheng nasa bintanang naging salamin

saka dahan-dahang huminto ang tren at sa kabilang riles
may isa pang tren na di makaalis dahil di matibag ng pinto

ang kumpol ng mga taong halos matupi sa pakikipagsiksikan
natututunan ng lahat na walang madali sa pag-uwi.

4 comments:

Anonymous said...

gusto ko ang rhythym at line cuts ng tula mong ito brandz. -chan

Anonymous said...

bilis nun a. galing!

Marahil said...

"ang kumpol ng mga taong halos matupi sa pakikipagsiksikan
natututunan ng lahat na walang madali sa pag-uwi."

- ang ganda nito. Na-appreciate ko haha (WALTHER)

Anonymous said...

ganitong kabilis: hayun nakaraan na.