Wednesday, October 5, 2011

Tinikling

ni Nicko Caluya

Mula sa kawayang hiniwa
lumayo ang isa sa isa pa
lamang walang muwang. Puwang

ang namuo sa pagitan
ng mga nahulog na sanga
na pinag-uumpog ng Amihan.

Binalot din sila ng kasuotan
mula balikat hanggang sakong
bago pa pagnasaan ang kahubdan.

Sa pagdama ng init mula
sa lupa, umangat ang mga paa
at gumalaw sa kabilang panig

ng gumagalaw ding kawayan.
Tumitig ang isa sa isa pa
nang hindi iniinda ang sakit

ng pagkaka(pili)pit. Pilit
isinisiksik ang sarili
sa sayaw na mapanganib.

Sunday, September 11, 2011

Marxismo

ni Lester Abuel


Binibigyang-halaga dapat
ang bawat paggawa.

Ngunit ang bawat paggawa,
binibigyang-halaga.

Binibigyang-halaga kasi
ang bawat paggawang binibigyan
ng halaga. Ngunit dapat, ang paggawang

binibigyang-halaga ang binibigyang-halaga
ng paggawa. Kasi, gawang binibigyang-halaga

ang paggawa.

                           Tao lamang ang makagagawa
ng paggawang nagbibigay-halaga. Sa tao lamang
mahahanap ang halaga ng paggawa. Sapagkat sa pagkatao lamang
nabibigyang-halaga ang paggawa. Kung gayon, tao

ang siyang nagbibigay-halaga sa dapat bigyang-halaga--
ang paggawa. Walang sahod na katumbas

dahil ang mismong paggawa ang nagbibigay-halaga sa tao.

Paggising mula sa Pagkaalipin ng Matrix[1]

ni Lester Abuel


Ginawa tayong baterya ng sistema
na nagpagagalaw sa atin. Katawan,

ang mismong puhunan sa paggawa,
ang ginagamit na lakas [2] ng mga Makina

sa pagkilos ng Kanilang lipunan.
Wala na kasing silbi ang paggawa ng tao

para sa Kanila. Sanhi na lamang tayo ng lakas
dahil wala nang nagbibigay-liwanag—

taklob na kasi ang araw ng alimuom
dahil abo na ang kabihasnan. Tanging

Makina na lamang natirang gumagana.
Wala kasi Silang ginagawa kundi sundin ang sistema.


--------

[1] Ang pelikulang “The Matrix” ang ispesipikong tinutukoy rito, ngunit maaari rin itong basahin bilang orihinal na kahulugan ng “matrix”
[2] Init ng araw ang pinanggagalingan ng lakas ng mga makina sa pelikulang “The Matrix.” Nang matakluban ang araw dahil sa digmaang Tao at Makina, ginamit ng mga Makina ang katawan ng tao bilang sanhi ng kanilang lakas.

Wednesday, April 27, 2011

Pagsara ng Bintana

ni Nicko Caluya

Humahalili ang bombilya
sa buwang nawawala.
Ang papel na lungsod,

ang panulat na mitsa
ng unti-unting pagliwanag
ng paligid. Sa gilid nito

ang mga palad bilang lilim
sa mga salita. Natatanaw
ang pagbuo ng mga ulap,

tumatakip sa mga tala,
bumibigat, bumibigat
hanggang magpakawala

ng matinding ulan.
Nalulusaw na ang lungsod,
unti-unting nabubura.

Wednesday, April 20, 2011

Isang Gabi

ni Monching Damasing

Namitas tayo ng mansanas isang gabi.
Inihabi ng buwan ang iyong katawan
Sa kadilimang pumapagitan sa mga sanga,
Ginagawa itong mabigat sa hubog kong

Kinakanlong ng anino mo. Sa itaas
Mabagal mong tinatanggal ang dyaryong balat
Ng mga bunga, hinila ang mga ito patungo
Sa lupa, sa aking nakatitig sa mga talang

Palamuti ng iyong buhok.
Bumalikwas ang mga sanga pabalik
Sa kinaroroonan nito, pero kung saan dati
Ang bunga, ngayo’y bughaw na liwanag

Na nilalamanan ang naiwang espasyo—
Kailan kaya siya muling magbubunga,
Tanong mo sa akin, bago kagatin
Ang aking labi, at tanging buwan

Ang bumabalot sa ating mga katawan.
Naisip ko ring itanong iyon, ibulong
Habang nasa bisig ng anino mo, nang biglang
Iniugoy ng hangin ang lahat, upang maghimig,

Upang ihimig ang nagaganap
Na kalawakan sa ating mga balat.

Tuesday, March 29, 2011

Pagkawala

ni Paolo Tiausas

Walang kawala sa gubat na nagnanakaw ng paningin. Ang tanging nakikita: ang mga hiblang nakalugay sa mga dambuhalang punong tinakpan at sinakop ang langit. Wala na ang langit. Walang mga tala kundi ang lihim ng mga dahon at sanga: mga matang nagbabanta mula sa lahat ng punong iniwan at nababalikan nang nababalikan nang nababalikan. Wala na pala sa katahimikan kahit ang tunog ng aking hingal. Mag-isa lang ako at ang gubat na naghahabol ng hininga.

Wednesday, March 2, 2011

Sa Wakas

ni Lester Abuel

Alam mo bang kanina pa
akong magdamag nang nakatingin
sa ('yo) litrato mo. Ang puso ko'y hindi mapalagay
dahil atin ang nagdaang gabi. Ngayon,
ito ang unang araw na wala ka na

sinta, dahil katulad mo
ako rin ay nagbago. -- alam naman nating
noon pa man, meron nang taning -- hindi na tayo
tulad ng dati, kay bilis ng sandali.
Datapwa, inaasam ko

ang panahong makapiling at makita kang muli
kahit sa una't huling pagkakataon. Ngunit sa ngayon,
maglilinis ako ng aking kwarto:
punong-puno ng galit at damit,
mga liham ng nilihim kong pag-ibig
At litrato ng kahapong maligalig,
mga nakaraang hindi na pwedeng pagpaliban.

Hindi ko na kakayaning mabuhay sa kahapon
kaya mula ngayon, mula ngayon
dahan-dahan ko nang ikinakahon
ang mga ala-ala ng lumuluhang kahapon
ang mga dahan-dahan kong inipon
ay kailangan nang itapon. Kailangan kong gumising,
gumising sa katotohanang

hindi ka naman talaga akin.

Kung makatulog man ako
matapos ng insomnia na 'to,
sa panaginip:

tinatawag kita,
sinusuyo kita,
'di mo man marinig,
'di mo man madama.

Kay tagal kitang minahal.
Kay tagal kitang mamahalin.