Sunday, October 24, 2010

Sa Mga Huling Araw

ni Monching Damasing

May pangamba sa ating pagtingala.

Pinipigil natin ang ating hininga
kapag sumasambulat sa langit ang
sanlaksang ibong tinatabunan

panandalian ang ating mga anino.
Tinatapat sa ating mga mata ang
maitim nilang hubog, ang marahan

nilang salimbay. Tanaw natin
ang kanilang paglaho sa malamang hita
ng ulap na unti-unting nababahiran

ng abo. At sa sandali ng pagyao nila
sa ating gunita, mararamdaman natin
ang bagal ng ating hininga’t pagkuyom

ng marurumi nating mga kamay.

Thursday, October 21, 2010

Paghihiganti

ni Nicko Caluya


Umahon ang inialay

kasama ang mga alon.

Hindi na mabaybay

ang muling pagdaong

ng bawat salita.

Saksi ang buwang

hindi na nagbanta.

Wednesday, October 20, 2010

Rush Hour

ni Rachel Valencerina Marra

Nagpapahinga ang dalawang bata sa istasyon ng LRT sa Santolan. Isang maghapon uli silang nagpunas ng mga pares ng sapatos, sandalyas, at paa sa mga dyip na nag-aabang ng mga pasahero. Kakaunting barya pa lamang ang naiipon nila sa kanilang mga bulsa.

Tumingala sila sa langit, pinagmamasdan ang mga nagsasapawang sinag ng matitingkad na kahel, pula at dilaw sa mga siwang ng mga ulap na may bahid na ng lila. Halo-halo, sa isip ng isa. Sa loob-loob ng kasama niya, dugo.

Bumuhos sa bangketa ang mga tao mula sa istasyon.

Tuesday, October 5, 2010

Mata ng piniling mawala

ni Joseph Casimiro

Sandali lamang natunghayan
Ang mga mata, mga mata

Ng piniling
Mawala

Sandali!

Maingat ang mga mata

Ang mga mata
Maingat

Maingat na tinutunghayan ka.

Sunday, August 29, 2010

Hamon

ni Monching Damasing

Hindi ako nagsusulat dahil sa pag-ibig. Walang pag-ibig sa pagsusulat. Hindi pag-ibig ang umuudyok sa pagsusulat kundi kamatayan. Habilin ang akda.

Hindi ako nagsusulat dahil sa pag-ibig. Nagsusulat ako dahil may salita, at mangingibig ako ng salita. Hindi pag-ibig ang pag-ibig ng salita. Hindi ito pagsinta. Nagsusulat ako dahil hindi kagandahan ang kagandahan, at ito'y maganda.

Lumalakbay ang kagandahan sa panahon, tangan ang mga pilat ng kasaysayan. (Nagkalat ang kagandahan sa bakas ng mga abuhing gusali't mga punongkahoy na naaambunan ng abo ng pabrika.) At salita'y pagbabalik-tanaw. Isang pagbabalik-tanaw ang kagandahan.

Isang pagninilay-nilay ang kagandahan. Walang katawan ang kagandahan. Hindi ako nagsusulat dahil sa isang katawan, kundi dahil may maganda ang hubog ng katawan. Hindi ako mangingibig ng katawan, kundi tagapagsalaysay ng kasaysayan ng hubog at ang kadiliman ng mata't buhok.

Nagsusulat ako dahil may hagod ang bawat salita sa aking isip. Nagsusulat ako dahil napakahiwaga ng salitang "bakas." Hindi pa ako handa. Hindi ako handa kaya ako tumutula. At hanggang pagbabalik-tanaw lamang ang aking mga tula. Dito ako naka-ugat.

Dito naka-ugat ang mundo, subalit, di gaya ng mundo, matagal ko nang naiwan ang pag-asa. Paglalahad ang tanda ng pagyabong, pagyabong mula sa nakaraan at hindi magaang paglalaro lamang.

Umaasa akong sa bawat tangka ko ng pagtula'y makababalik ako sa nakaraang umudyok sa aking sumambit. Makababalik sa sandaling winasak ko ang bingit at sumambit. Sumasambit ako ngayon.

Isang pagninilay-nilay at paglakbay ang pagtula. Paglakbay sa saysay ng nakaraan. Paglakbay sa pagyabong ng mundo. Pagbaybay sa karanasan ang tawag dito. Pagbaybay sa karanasan ng katawan ng mundo't lupa.

Ikaw, bakit ka ba nagsusulat?

Friday, August 13, 2010

Kabanata Dos

ni Nicko Caluya

Wansapanataym, sa tabing ilog
Basta’t kasama kita hanggang sa dulo
ng walang hanggan, habang may buhay
pangako sa’yo may bukas pa
tayong dalawa! Sana’y wala nang wakas!
Abangan ang susunod na kabanata!
Iisa pa lamang, bituing walang ningning
(Hiram kahit isang saglit,
mga anghel na walang langit!
Natutulog ba ang Diyos?)
Sana maulit muli, pangarap na bituin,
ikaw ang lahat sa akin!
Eto na ang susunod na kabanata!
Dahil may isang ikaw, tanging yaman
darating ang umaga
sa sandaling kailangan mo ako.
Magandang tanghali!
Kay tagal kang hinintay!
Maging sino ka man:
Mara Clara, Esperanza, Eva Fonda,
Dyosa, Marina, Rubi, I love Betty La Fea!
Mula sa puso, walang kapalit
Home Along Da Riles, Alas Singko y Medya
Magkano ang iyong dangal?
Palimos ng pag-ibig!

Mangarap ka!
Lumang piso para sa puso.

Thursday, August 12, 2010

overpass

ni Paolo Tiausas

malayo ang pagitan
ng dalawang babaan
sa isang overpass.

kanina lamang, pilit kitang hinahanap
sa puwang ng mga hakbang
ng inaakyat kong hagdan.

nakatawid at nakababa na ako
bago ka matagpuan
sa dakong pinanggalingan.

nagtaka pa ako kung bakit
walang tawiran.

habang buháy ang kalyeng namamagitan
sa ating dalawa, laging may maiiwang
ako sa kabila.