Wednesday, January 26, 2011

Xerex

ni Nicko Caluya

Alam mo na marahil ang kuwento ng buhay ko habang ipinagyayabang ang aking katawan: ang matang nakatitig sa bawat titik kung gaano kalaki, katigas at kahaba. Marahil iyon lamang ang maiiwan sa iyong alaala kapag matutulog ka na. Sa iyong kinahihigaan, may hahablot na lamang ng iyong saplot. Wala ka nang ibang magawa kundi sumunod dahil sa pananabik. Hahawakan kita at bubulungan ng mga talinhaga tungkol sa pagmamay-ari ng isa’t isa. Uungol ka ngunit walang ibang makasasaksi sa nililikha mong panaginip. Sa bagay, aabangan mo lang naman ito: ang pagpasok-labas ko sa iyo, kung anu-anong posisyon at pahamak ang nangyayari, kung anu-anong posisyon at pahamak ang nangyayari, kung anu-anong posisyon at pahamak ang nangyayari, hanggang magsawa ka na. Mamumula sa pagkakabuka ang gilid ng bibig at pagitan ng mga hita, manginginig ang iyong mga daliri at tuhod sa mahigpit na pagkapit, at halos maiyak ka na sa hapding dulot ng pagdiin. At dahil babanggitin ko ang pawis, dugo at laway sa sinusulat ko, mandidiri ka. Hahanapin mo ang mga pangungusap, mga dayalogong punung-puno ng pagmamahal at pagmumura: "Walang hiya ka, binibitin mo ako, gustung-gusto kita, sige pa." Upang makasigurong ikaw lang ang kausap ko, idadagdag ko na rin kung gaano ako kainteresadong maari ka nang buong-buo: "Akin ka ngayon, wala nang ibang makagagawa nito sa iyo." Wala ka nang ibang iintindihin pa kundi ang sariling pagnanasang makarating sa langit kahit gaano kalaki, katigas, o kahaba ang pagdaraanan. Aabangan mo na lamang ang aking pagpapaulan. Sa ilang sandali, hindi mo na rin makakayanan. Pagbaba ng diyaryo, masisilaw ka sa matinding sikat ng araw.

Saturday, January 15, 2011

tahanan

ni Paolo Tiausas

labimpitong taong gulang na ako
at wala pa rin akong kuwarto.

sa minsang biniro ko ang nanay ko
na wala akong paglalagyan ng gamit,
may pag-uyam lang siyang tumawa:
aba, nangangarap pa ’to ng kuwarto!

sa gabi ring iyon, nag-ayos ako ng gamit.
nilipat-lipat ko ang mga kalat sa bahay
para magkaroon ako ng paglalagyan
ng mga nabasa’t binabasang aklat.

maalaga’t dahan-dahan kong hinanay
ang mga aklat na pambata, mga nobelang
inaral sa hayskul, at mga koleksyong buo
ng mga maikling-kuwento at tula.

wala pang isang metrong lapad
ang hanay na aking napuno
at wala namang napansin si nanay
na pagbabago sa aming tahanan.

labimpitong taong gulang na ako
at naghahanap pa rin ako ng kuwarto.

Monday, January 10, 2011

Malikhaing Gawain

Bibli(ograpi)ya
Enero 10, 2011 7:26-7:31 n.g.

Henesis | Monching Damasing
Ginunita sa salita ang liwanag

Exodus | Nicko Caluya
Sumambulat ang tagsalat, sanlaksa ang nagsilayas.

Job | Japhet Calupitan
Humithit ng kung ano si Job at tinamo niya ang kaliwanagan.

Pagkawala ni Jesus | Geneve Guyano
Kinailangan ni Jesus mapag-isa mula kina Maria at Jose.

Pagdami ng Tinapay | Paolo Tiausas
Anak, sa wakas, may almusal na -- magpakailanman!

Juan 3:16 | Lester Abuel
Yapak na naglakad ang Nazarenong balot ng putik na naghihintay mabuhay muli.

1 Corinto 13:4 | Roselyn Ko
Sa dinami-rami ng mukha ng pag-ibig, iilan lang din sa kanila ang maitatawag na tunay at walang ikinukubli.

Tuesday, December 28, 2010

Ilang Sandali Matapos ang Simula

ni Monching Damasing


Panandalian tayong magiging anino habang gumuguho

ang mga anghel. Katawan nati’y maglalaho

nang panandalian habang nagtatapat ang ating mata


sa kanilang sementong mata. Ngingnig tayo

sa bawat pagliwanag ng langit. Habang gumuguho ang mata

ng bagyo, paisa-isang nababasag sa sahig ang mga dalisay


na mukha’t pakpak. Walang maiwiwikang dasal ang mga labi

nating nangangatal, habang sinisimulang buksan ng lupa

ang mga nakatagong sepulkro’t altar. Iniluluwal ng lupa


ang nakaraan. Wari isang uri ng pagsilang

ang paglanghap ng singaw, mata nating pumipikit,

mga palad nating tinatapat sa isa’t-isa. Yumuyukod tayo


sa ating mga anino, sa hubog nating walang-muwang sa malaon

nang nagaganap na pagguho ng mga sagisag. Tinititigan natin

ang ating mga yapak na waring hindi sariling atin. Waring


hindi atin ang sarili nating mga luha. Nagsisimula tayong umutal.

Sa isang langhap, sa sandaling nagsisimulang maluoy,

binagtas natin ang mga kalye kung saan nakatitig ang mga mata


ng ilaw-poste sa atin. Dinig natin ang laksa-laksang talampakan.

Walang mga ibon ang mga dinaraanang puno natin. Sa isang kanto,

nakaambang ang mga uwak habang iniaawit ng isang baliw


ang kaniyang nakaambang paglutang sa alangaang.

Pilit niyang inaabot, iniaabot ang sariling langit sa atin nang

gumuho ang nilililimang gusali. Kay tayog ng aking katawan,


pahayag niya, bago naglaho ang kaniyang anino.


Thursday, December 16, 2010

profile pic

ni Paolo Tiausas

binago ko ang aking mukha
para sa kapakanan nila.

isinantabi muna: luha
mula sa magang mga mata

dulot ng pagmamakaawa
sa mga taong tulad nila.

silang mga nagtitiwala
sa mga taong humuhusga:

ayon sa kanilang bunganga,
may mga karapatan sila.


dahil wala silang kilala:


ngiti na para sa camera.

Monday, December 13, 2010

Malikhaing Gawain

Disyembre 13, 2010. 7:30 - 7:35 n.g.
Kahingian: tulang hindi hihigit sa anim na linya o isang kuwentong hindi hihigit sa tatlong pangungusap. Gumamit ng anumang linya mula sa mga palabas sa telebisyon o pelikula.

Ligaya ang Itawag Mo sa Akin
Nicko Caluya

Pero okay rin ang Tukso na tumutusok
Sa malikot mong puso. O Harot, Lukso,
Haliparot, Indayog, Alindog, sa tunog
ng kahit anong ngalang kailangan ko
para mapariwara sa paraisong
pinupuwersa kong mapasok.

I Never Said That I Love You
Japhet Calupitan

Kinuha niya ang sinturon at hinigpitan
ang pantalong pinaluwang kaunti upang makalangoy
sa papawirin at makalipad sa kapatagan
samantalang binabanggit sa kaparis
"Ibibigay ko sa'yo ang lahat."

Isusumbong Kita sa Tatay Ko
Geneva Guyano

Gaya ng dati, ikaw ang nagpapaligo sa akin. Walang mali, hanggang sa napuna mong puno ng libag ang aking titi kaya kinuskos mo ito nang paulit-ulit. Kailangang malaman ito ni tatay -- kagabi pa siya umaalingasaw.

Isang Bala Ka Lang
Monching Damasing

Umaalingawngaw ang kanilang mura habang umaalingawngaw sa kanilang mga puso ang pagkawala. Pula, pula ang kulay ng alingawngaw, tanda ng pagbabalik. Tanaw nila ang pula ng langit sa kanyang mga palad.

Mula sa Magic Temple
Lester Abuel

Jubal: Ano po bang kailangan naming gawin, Aling Telang?
Telang Bayawak: Ano pa, eh di ang maging ganap na tao.
Hindi tinatawid ang ilog -- nilulusong.

-
Jeroshelle Santos

Nakarating ako mag-isa rito; makakauwi rin ako mag-isa. Wala na akong pag-asa.

Walang Himala
John Solito

Nahulog siya sa bangin.
Ang sakit.

Wednesday, December 1, 2010

Moriones

Nicko Caluya

Nabalot ng liwanag ang katawan
na balot sa kasuotang metal at tela.

Sa linggong iyon hinanap ang taksil
na saksi sa himalang pinaghihinalaang

ang dugo sa lansa ang mumulat sa bulag.
Napuno ang bawat lansangan ng mga tao,

sundalong balbas-sarado tungong kalbaryo,
sa penitensyang maglakad hanggang hapon.

Sa parehong talim nahulog ang anino
sa tapyas ng kanyang maskarang kahoy

patungo sa butas ng nasirang mata,
at sa leeg na ginuhitan ng dugo.

Sa huling sandali, tumapat
siya sa langit, naniwala.