Tuesday, November 30, 2010

Malikhaing Panayam

ni Brandon Dollente


Inanyayahan akong magsalita
tungkol sa lugar ng sarili sa tula.
Ipakita kung saan matatagpuan ang ako,
na para bang nagtatago ito,
nakakubli sa sanga ng mga letra,
nakalublob sa malapot na dagat
ng parikala, o nakabaon sa ilalim
ng kabilang pahina, sa susunod
na tula. Hindi ko alam kung saan
sisimulang hanapin ang sarili.
Kaya naisip kong lumikha ng sarili
kong tula at doon maghagilap.
Ngunit masyadong masalimuot
ang mundo ng liriko at palipat-lipat
ng lokasyon ang persona. Narito ako,
sabi sa akin ng sarili, bago bumaba
ng gusgusing bus, habang ginagasgas
pa nito ang tanawin sa labas.
Narito ako, sabi ng taong-grasa,
itinuturo ang pinakabago niyang pilat.
Nagpatuloy ako sa paghahanap
at nadatnan ko ang kabilang berso
kung saan isang dambuhalang salamin
ang tumambad sa akin. Narito ako,
sabi ko sa sarili. Dali-daling nabasag
ang aking tinig at nabiyak ang mundo
ng tula. Lumabas ako at ikaw
ang unang nakita, nakaupo sa gilid
ng kalsada, nagtataka kung paano,
kung saan, kung kailan.
Tinabihan kita at tiningnan
ang papel na nais kumawala
mula sa iyong mga kamay. Wala.
Wala ako riyan.

para kay Geneve

Monday, November 29, 2010

Kolorete

ni Roselyn Ko

Nakita kita sa silid na iyon.
Nilalagyan ka nila ng kolorete sa mukha
at inaayusan pa ang buhok mong kulot
Dinadamitan ka nila ng kulay lila

Pinanood kita mula sa di kalayuan
Pinagmasdan nang maigi, pinag-isipan ko
kung tama ba itong nararamdaman ko para sa’yo
Tumayo ka na at lumabas ka ng kwarto.

Naalala ko pa noong una kitang makita
Ibang-iba ang iyong hitsura
Walang bahid ng kolorete sa mapungay mong mga mata
O di kaya’y wig na tumatakip sa iyong maigsing buhok

Oras mo na.
Umakyat ka sa entablado noong gabing iyon
Umasta ka na parang mayuming dalaga
Lahat ay nasiyahan sa iyong pagpapatawa

Natapos ang iyong pagtatanghal.
Bumaba ka mula sa iyong kinatatayuan
Nilapitan mo ako sabay hinagkan,
“Sister! Natapos rin ang palabas!”

Nabulabog ang aking natutulirong damdamin.
Huwag ka nang magkaila
Alam ko na ang tinatago mong lihim
Tuluyan na akong nawalan ng pag-asa.

Sana noon pa lang ay nalaman ko na
nang hindi sana kita natutunang mahalin
para hindi na umasang ako ang iyong hahanap-hanapin
at hindi ang lalaking katambal mo sa dula kanina.

Sunday, October 24, 2010

Sa Mga Huling Araw

ni Monching Damasing

May pangamba sa ating pagtingala.

Pinipigil natin ang ating hininga
kapag sumasambulat sa langit ang
sanlaksang ibong tinatabunan

panandalian ang ating mga anino.
Tinatapat sa ating mga mata ang
maitim nilang hubog, ang marahan

nilang salimbay. Tanaw natin
ang kanilang paglaho sa malamang hita
ng ulap na unti-unting nababahiran

ng abo. At sa sandali ng pagyao nila
sa ating gunita, mararamdaman natin
ang bagal ng ating hininga’t pagkuyom

ng marurumi nating mga kamay.

Thursday, October 21, 2010

Paghihiganti

ni Nicko Caluya


Umahon ang inialay

kasama ang mga alon.

Hindi na mabaybay

ang muling pagdaong

ng bawat salita.

Saksi ang buwang

hindi na nagbanta.

Wednesday, October 20, 2010

Rush Hour

ni Rachel Valencerina Marra

Nagpapahinga ang dalawang bata sa istasyon ng LRT sa Santolan. Isang maghapon uli silang nagpunas ng mga pares ng sapatos, sandalyas, at paa sa mga dyip na nag-aabang ng mga pasahero. Kakaunting barya pa lamang ang naiipon nila sa kanilang mga bulsa.

Tumingala sila sa langit, pinagmamasdan ang mga nagsasapawang sinag ng matitingkad na kahel, pula at dilaw sa mga siwang ng mga ulap na may bahid na ng lila. Halo-halo, sa isip ng isa. Sa loob-loob ng kasama niya, dugo.

Bumuhos sa bangketa ang mga tao mula sa istasyon.

Tuesday, October 5, 2010

Mata ng piniling mawala

ni Joseph Casimiro

Sandali lamang natunghayan
Ang mga mata, mga mata

Ng piniling
Mawala

Sandali!

Maingat ang mga mata

Ang mga mata
Maingat

Maingat na tinutunghayan ka.

Sunday, August 29, 2010

Hamon

ni Monching Damasing

Hindi ako nagsusulat dahil sa pag-ibig. Walang pag-ibig sa pagsusulat. Hindi pag-ibig ang umuudyok sa pagsusulat kundi kamatayan. Habilin ang akda.

Hindi ako nagsusulat dahil sa pag-ibig. Nagsusulat ako dahil may salita, at mangingibig ako ng salita. Hindi pag-ibig ang pag-ibig ng salita. Hindi ito pagsinta. Nagsusulat ako dahil hindi kagandahan ang kagandahan, at ito'y maganda.

Lumalakbay ang kagandahan sa panahon, tangan ang mga pilat ng kasaysayan. (Nagkalat ang kagandahan sa bakas ng mga abuhing gusali't mga punongkahoy na naaambunan ng abo ng pabrika.) At salita'y pagbabalik-tanaw. Isang pagbabalik-tanaw ang kagandahan.

Isang pagninilay-nilay ang kagandahan. Walang katawan ang kagandahan. Hindi ako nagsusulat dahil sa isang katawan, kundi dahil may maganda ang hubog ng katawan. Hindi ako mangingibig ng katawan, kundi tagapagsalaysay ng kasaysayan ng hubog at ang kadiliman ng mata't buhok.

Nagsusulat ako dahil may hagod ang bawat salita sa aking isip. Nagsusulat ako dahil napakahiwaga ng salitang "bakas." Hindi pa ako handa. Hindi ako handa kaya ako tumutula. At hanggang pagbabalik-tanaw lamang ang aking mga tula. Dito ako naka-ugat.

Dito naka-ugat ang mundo, subalit, di gaya ng mundo, matagal ko nang naiwan ang pag-asa. Paglalahad ang tanda ng pagyabong, pagyabong mula sa nakaraan at hindi magaang paglalaro lamang.

Umaasa akong sa bawat tangka ko ng pagtula'y makababalik ako sa nakaraang umudyok sa aking sumambit. Makababalik sa sandaling winasak ko ang bingit at sumambit. Sumasambit ako ngayon.

Isang pagninilay-nilay at paglakbay ang pagtula. Paglakbay sa saysay ng nakaraan. Paglakbay sa pagyabong ng mundo. Pagbaybay sa karanasan ang tawag dito. Pagbaybay sa karanasan ng katawan ng mundo't lupa.

Ikaw, bakit ka ba nagsusulat?