Saturday, October 8, 2011

Kulimlim

ni Robi Goco

Lumalangoy ang mga kulay-abong ulap
sa malamlam na puting langit,
tila kisame ng ospital.

Sa baba, mundong basa
ng mga luha ng mga ulap,
mga patak ng swero.

Hinawakan ko ang iyong kamay
tulad ng paghawak ko sa payong
kahit na hindi umuulan – takot
sa nakaambang pagbagsak.

Masdan mo: ang pagpikit,
tila pagdilim lamang ng himpapawid.
Hindi na liliwanag, sinta.
Ngunit ‘wag mag-alala.
Mapayapa ang kawalan.



Ang Hindi Kilala

ni Robi Goco

“He..hello?” sabi niya.
Nakaupo ako sa upuan sa tapat ng football field, nakaharap sa Katipunan Avenue. Alas-onse na ng gabi at pinapanood ko ang mga sasakyan na dumaan. Ginagawa ko ito – tahimik na nagmumuni-muni ukol sa buhay ko sa isang maingay na lugar - kapag namomroblema ako. Ginagawa ko rin ito sa cafeteria at sa McDo. Ngayong gabi, naantala ang aking proseso ng pag-bati ng isang babae.
“Umm. Hi?” sagot ko. Kayumanggi ang kaniyang balat at mahaba ang buhok. Payat siya at tantiya kong magkasing-tangkad kami. Nagsusuot siya ng salamin: Black and thick-rimmed, just how I like it.Naka-jeans at itim na shirt lang siya. Tahimik lang siyang nakatayo sa harap ko, tila naghihintay na magsalita ako.
“Kilala kita ah. Saan nga ba kita naging kaklase?” tanong ko.
“Sa Philo 102.”
“Syet, oo nga pala. Ikaw ‘yung nasa harap ko noon. Sorry ha, medyo mahina ang memory ko sa mga tao. Ano nga ang pangalan mo ulit?”
“Leony.” Imik niya. Leony, Leony. Hindi ko maalala ang kanyang pangalan. Maaring hindi ko kasi siya nakilala noong magkaklase kami. Natatandaan ko lang ang mahaba niyang buhok sa upuan sa harap ko. O nililinlang lang ba ako ng aking alaala?
“Hello. Ako si..”
“Obet. Oo, alam ko. Ikaw ‘yung mahilig mag-recite sa klase eh.” pangiti niyang sinabi. Kilala niya ako!
“Ha? Sa philo lang ‘yun.  Haha. Medyo interesado kasi ako. Sa totoo lang, ‘di ako ganun.”
“Hindi ko nakikita ‘yun. Madami kang kaibigan, nakikita kita sa foyer.”
“Well, sige. Hindi nga ako anti-social.” Paano niya nalaman na pagiging isang mailap na tao ang sinasabi ko? Pinalipas ko na lang ito. “Let’s just say minsan, I prefer being alone - lalo na pag may problema ako.”
“So may problema ka?”
“Ummm.” Napaisip ako. Bakit ko nga ba siya kinakausap ngayon? Bakit niya ba ako kinakausap? Saan nga ba siya nanggaling? Parang kanina lang, mag-isa lang ako ditong nananahimik, at ngayon, naoobliga akong makipagusap sa kaniya. Kung hindi lang siya cute, di ko na sana siya pinansin. “Bakit mo ako kinakausap?”
“Sorry. Ginugulo ba kita?” tanong niya.
“Hindi naman.”
“Ewan ko eh. Ikaw, bakit mo ako kinakausap kahit halos di mo na ako makilala?”
“Ewan ko rin.”
Naupo siya sa tabi ko.
*
“Ano… Bagsak ako sa LT ko sa Math kanina eh. Ang bobo ko talaga.” Ganito lagi ang tono ko pag dating sa academics.
“Hindi naman siguro. Nakapag-aral ka ba ng maayos?”
“Oo. Pero mahina talaga ako sa math, dati pa.” Masokistang kasiyahan ko ang aminin na bobo ako sa ilang mga bagay.”
“Ah, sige. Ganito na lang. Ayaw kong makialam sa mga problema mo sa sarili mo. Wala ako sa posisyon na manghusga sa kahit anong tungkol sa’yo kasi ‘di kita kilala. Ayaw kong magpayo na mag-aral ka, na humingi ka ng tulong, blah blah blah. Gets mo ba?”
“Umm. Haha. Bakit ang dami mong alam?” napapakunot ang noo ko, nakataas ang isang kilay. Buti na lang at hindi niya napansin, medyo bastos pala ang reaksyon ko.
“Madalas, kahit harmless friendly advice pa lang, nanghuhusga ka na ng tao. Halimbawa, sasabihin kong galingan mo ang pag-aaral mo. Puwedeng ibig sabihin noon, na sa tingin ko, hindi mo ginagalingan ang iyong pag-aaral. Sa lahat ng ayaw ko, ayaw kong hinuhusgahan ako ng mga tao, lalo nan g mga taong hindi naman ako kilala ng lubos.”
Madami talaga siyang sinasabi, Nabibigla na lang ako sa mga sinasabi niya, Una sa lahat, halos hindi kami magkakilala. Pangalawa, napaka-personal ng mga sinasabi niya. Napaisip tuloy ako kung tama ba na binanggit ko na may problema ako. Medyo naiinis ako na kinakailangan kong makitungo sa kanya, out of courtesy. Magalang ako kaya titiisin ko na lang. After all, medyo interesante ang mga ideya niya. Iba ang takbo ng utak niya.
“Puwede ko bang sabihin ulit na ang dami mong alam? Pero gets ko. Reason ko rin ‘yan kung bakit ayoko ng company ‘pag may problema ako. So ano na lang gagawin ko sa sarili ko nito?”
“Isipin mo na lang na walang kuwenta ang problema mo.” sabi niya. Hindi niya napapansin ang pagpapaulit-ulit ko na makulit siya. Hindi ko na pinagpilitan pang iparamdam kay Leony ang nararamdaman kong invasion of private space, lalo na’t abala ako sa aking drama ngayong gabi. Siguro ay makakabuti sa akin na may kinakausap naman, para maiba. After all, talagang nagiging interesado na ako sa mga sinasabi niya matapos niyang sabihin na walang kuwenta ang problema ko. “Nakakalungkot naman yan!” pabiro kong sinabi.
“Medyo, pero totoo kasi eh. Imagine, sa eksaktong oras na ito, may humigit kumulang na isang daang libo tao sa mundo ang mas malala ang problema kaysa sa’yo.” Nakatitig siya diretso sa aking mga mata. Sa tingin ko ay sinisiguro niya na seryosohin ko ang kanyang ipinaparating.
“Like what?”
“Posibleng sa isang dako ng mundo, may babaeng ginagahasa sa gitna ng gubat kung saan walang makaririnig, may lalaking ibinubuhos ang lahat ng natititra niyang lakas upang sabihin ang kanyhang huling habilin sa kaibigan niya, at may batang buto’t balat na nakahiga sa lupang bitak-bitak dahil sa katuyuan, unti-unting naluluto ng araw at hinihintay na mamatay ng mga buwitre. Lahat ng ito, nangyari na o nangyayari habang naguusap tayo.” Malungkot ang pagkakabigkas niya. Kung hindi ko lang siya kilala, paghihinalaan kong pinaghandaan na niyang sabihin ang kanyang naisip para sa mga taong nakakausap niya.
Dito na ko nabighani sa mga sinasabi niya. Aaminin ko, medyo mahilig ako sa mga malulungkot na imahe, pero mas kapansin-pansin sa kanya ang imahinasyon niya para dito. “Wait lang, ano ung buwitre? Vulture?”
“Oo.”
“Hmm. Sabagay. Nakakatulong yang sinabi mo in the sense na wala akong karapatang malungkot ng ganito. Pero ito ha.. Alam kong medyo insensitive ‘to, pero para sa diskusyon, ano namang pakialam ko sa kanila?” Maisahan ko kaya siya? Unti-unti na akong napapangiti.
“Haha. Puwede namang wala. Walang pumipigil sa’yo. Pero ako kasi, nararamdaman kong responsable ako para sa lahat ng kapwa tao. Wala ka naman kasing pagtutuunan ng atensyon kundi tao, kahit ang self-interest mo, nakadepende sa pakialam mo sa ibang tao. Tao ka rin eh. Kahit wala pa akong magagawa para sa kanila ngayon, mas mabuti pa rin itong pag-alala kaysa sa wala akong pakialam.”
Sandali kaming natahimik. Pinagisipan kong mabuti ang sinasabi niya. Si Leony kaya? Ano kayang umiikot sa isipan niya ngayon? Napatigil ako sa aking pagka-tulala nang matanto kong lumalalim na ang gabi.
“Umm, Leony. Sorry pero kailangan ko nang umuwi. Alas-onse na at nagsasara ang gate na inuuwian ko ng alas-dose. I’ve had a great time talking…”
“Puwede bang samahan na lang kita? Wala kasi akong ginagawa eh.” Sa pangalawang pagkakataon, pinutol na naman niya ang sasabihin ko. Napakamot ako sa ulo ko. Gusto ko siyang kausap, pero medyo nakukulitan na rin ako sa kanya.
“Ah eh, sige. Saan ka ba nakatira? Dun ako sa Barangka, medyo malayo pang lakad tapos bababa pa sa hagdanan. Okay lang…”
“Oo. Okay lang.” ‘Yun na naman! Pinutol na naman niya ang sinasabi ko. Bakit ba parang alam na niya lahat ng sasabihin ko? Tumayo na ako at nagpantay ang aming mga paningin. Sinabayan niya akong maglakad.
“Sige. Hmm. About dun sa sinasabi mo kanina, ang masasabi ko lang: problema yan. Hindi mo kayang tulungan silang lahat. Laging mangyayare ang mga bagay na nakaka-depress.”
“Alam ko.” Sabi niya.  Napatingin ako sa kanya. Nakatungo lang siya.
Nagkaroon kami muli ng sandali ng katahimikan. Madalas, nagmamadali ako pauwi habang nakikinig ng music sa cellphone ko. Pero ngayon, mabagal ang aking mga hakbang at imbes na indie music ang lumulunod sa aking pandinig, ang huni ng mga kuliglig at ang bulong ng hangin. Muntikan ko nang makalimutan ang tunog ng gabi. Pinutol niya ang dyaheng katahimikan.
“By the way, ‘yung lalaking kinukuwento ko kanina? Nabutas ng bala ang baga niya. Di na niya naihatid ang last words niya.”
“May nabasa ako sa internet eh. ‘Pag ang tao daw, nakakaramdam ng matinding takot, napapa-ihi daw sila o napapa-tae. Pag na-expel mo na kasi lahat ng waste mo, mas mapapabilis mo daw ang takbo mo. Sa tingin mo, napa-ihi kaya ‘yung lalake sa kuwento mo?” Pinipilit kong makita ang hangganan ng imahinasyon niya – kung sasakay siya sa mga trip ko o hindi.
“Most likely. Di na nga lang siya nakinabang dito, di na siya makakatakbo eh.” Tumingin siya sa akin. Madilim ang balintataw ng kanyang mga mata. Napangiti ako.
*
“Ok ok. Look at it this way. Kahit walang kuwenta nga ang problema ko, sa konteksto ko, lalo na sa kahihinatnan ng buhay ko pag binagsak ko ang buong klase kong ito, malaking problema pa rin siya!” sabi ko. Pinaguusapan pa rin naming kung anong nararapat na hakbang ang dapat gawin para sa mga problema. Pinipilit ko pa rin ang aking posisyon, at obvious lang naman na ‘yun ang gawin ko.
“Paki-explain pa nga. Haha.” Sabi niya. Napapalagay na kaagad ang loob ko sa kanya kahit na kanina lang kami talaga nagkakilala. Hindi naman ito tagpuang romantiko, isa lamang nakakatuwang engkwentro sa isang taong kapareho mong magisip.
“Kapag bumagsak ako sa math, babagsak ako sa kolehiyo, hindi ako makaka-graduate, hindi ako makakakuha ng magandang trabaho, maghihirap ako. Ganun lang naman.”
Slippery slope na yan, pero considering the possibility. Ano naman kung maghirap ka? Ano naman ngayon kung hindi ka makatapos ng pag-aaral?”
“Hmm. Anong ipinapahiwatig mo?”
“Ang sinasabi ko lang naman, hindi lang sa pagiging matagumpay ang matatagpuan ang kasiyahan.”
“Eh saan?”
“Kahit saan. Mayroong mga taong nagdrodroga, nagsesex, o nagnanakaw para maging masaya. Mayroon rin namang mga nagpapari, nagvovolunteer sa peace corps, o nagbubuhay public service. Walang hanggang ang posibilidad ng kasiyahan, kaya kung ako sayo, wag mo siyang ikulong sa pagtatapos lang ng pag-aaral.” Bahagya akong napatawa sa pagsabi niya ng salitang sex. Minsan lang akong nakakapakinig ng babaeng magbigkas noon na walang arte. Straightforward at natural.
“You have a point. Pero nag-aaral ka rin diba? Ano nga ulet ang course mo? I must say, nakakatuwa ang konsepto mo ng kasiyahan. Hahaha.”
“Alam ko. Medyo kalian ko lamang na-realize yan pero nakaka-liberate talaga siyang isipin. Kung lagi mong aalahanin ‘yun, hindi ka na magtataka sa mga taong kakaiba ang kasiyahan.”
“Tulad ng?” Medyo na-excite ako sa sasabihin niyang halimbawa.
“Pangongolekta.”
“Ng ano?”
“Hmm. Meron akong alam, nangongolekta ng Ecstasy pills na iba’t iba ang disenyo. 2,400 pills ‘yun. Meron ring koleksyon ng mga kuko sa paa, kahit dismembered heads. Pagkakaalam ko nga, may mga museo para dyan. Meron ring nangongolekta ng mga vacuum cleaners, KPop memorabilla…”
“Teka teka, ecstasy pills, toenails at mga pugot na ulo… tapos isasama mo ang KPop? ‘Di ka rin biased no? Hahahaha.”
“Sorry naman! Pero eto ang pinakamalupit, kuwento lang sa akin. Hindi na nga ako halos naniniwala dito pero nakakatuwa pa ring ikuwento. Mayroon daw empleyado ng isang sikat na motel sa Cubao, janitor siya. Ang kinokolekta niya ay used condoms galing sa mga kuwartong nililinisan niya.”
“Ano?! Bakit?”
“Hindi ko alam. Sa totoo lang, kailangan ba nating malaman?”
“Kung sabagay, mas maganda na nga na naiwan dun ang istorya. Open ending.”
Bumababa na kami ng hagdan nang makasalubong ko ng tingin ang security guard na siya namang umaakyat. Maingay kaming nagkuwekuwentuhan ni Leony noon at lubha akong nabagabag sa pagtigin ng sekyu sa akin. Hindi maipinta ang kanyang mukha -  tila may hindi siya naiintindihan sa akin. Sa aming dalawa. Hindi kaya’t napakinggan niya ang pinaguusapan namin? Tumingin ako kay Leony, na nasa likod ko noon, para humanap ng bakas ng reaksyon niya sa dumaang sekyu. Hindi niya ‘ata napansin.
*
Nasa gate na ako ng boarding house nang mahalata kong kasama ko pa rin si Leony hanggang doon. Napalayo na ata siya sa uuwian niya, o hindi kaya malapit rin ang bahay niya? Kailangan na niyang magpaalam. It’s been a long day, gusto na niyang magpahinga. Malungkot nga lang na kailangan na niyang magpaalam kay Leony gayong nawili siya sa pakikipagkwentuhan sa kanya.
“Umm. Una na ko Leony. Good night. Thanks for the talk. I really appreciated it.”
Sa huling pagkakataon, ngumiti siyang muli. Inasahan kong marami pa siyang sasabihin tulad kanina ngunit ang sinagot na lang niya ay isang maigsing “Likewise”. Hindi ko pa siya iniwan kaagad, hinintay ko munang baka may sabihin pa siya – na baka may maikuwekuwento pa siya sa aking nakakatuwa. Nakakatuwa ngunit madilim ang tema.
Pero di na siya umimik muli, kaya nagpasya na akong tumuloy sa bahay, lalo na’t nahihilo na rin ako sa antok. Nagbitiw na ang aming titigan at naiwan sa aking isipan ang larawan ng kanyang mga mata na tila tanong. Hindi ko rin maintindihang lubos ngunit kapag naalala ko ang kanyang tingin, nalalagay ako sa kapalagayan kahit na nababalot ito ng misteryo.
Nang papasok na ako sa pinto ng boarding house ko, naalala ko: “Ay, nga pala Leony, saan ka nakatira? Anong course mo tsaka ano na rin ‘yung number mo? Maybe we could get a cup of coffee sometimes.” Lumingon ako upang ihabol ang mga tanong kong hindi niya nasagot, ngunit wala na siya. Nawala na ang taong nakilala ko ngunit hindi ko rin talaga nakilala. Siguro ay mabilis lang talaga siyang nakaalis.
Pumasok na ako sa bahay, sa kuwarto, at natulog. Hindi ko na pinagisipan pa ang mga dahilan. Sapat na sa akin ang engkwentro na ‘yun.

Wednesday, October 5, 2011

Tinikling

ni Nicko Caluya

Mula sa kawayang hiniwa
lumayo ang isa sa isa pa
lamang walang muwang. Puwang

ang namuo sa pagitan
ng mga nahulog na sanga
na pinag-uumpog ng Amihan.

Binalot din sila ng kasuotan
mula balikat hanggang sakong
bago pa pagnasaan ang kahubdan.

Sa pagdama ng init mula
sa lupa, umangat ang mga paa
at gumalaw sa kabilang panig

ng gumagalaw ding kawayan.
Tumitig ang isa sa isa pa
nang hindi iniinda ang sakit

ng pagkaka(pili)pit. Pilit
isinisiksik ang sarili
sa sayaw na mapanganib.

Sunday, September 11, 2011

Marxismo

ni Lester Abuel


Binibigyang-halaga dapat
ang bawat paggawa.

Ngunit ang bawat paggawa,
binibigyang-halaga.

Binibigyang-halaga kasi
ang bawat paggawang binibigyan
ng halaga. Ngunit dapat, ang paggawang

binibigyang-halaga ang binibigyang-halaga
ng paggawa. Kasi, gawang binibigyang-halaga

ang paggawa.

                           Tao lamang ang makagagawa
ng paggawang nagbibigay-halaga. Sa tao lamang
mahahanap ang halaga ng paggawa. Sapagkat sa pagkatao lamang
nabibigyang-halaga ang paggawa. Kung gayon, tao

ang siyang nagbibigay-halaga sa dapat bigyang-halaga--
ang paggawa. Walang sahod na katumbas

dahil ang mismong paggawa ang nagbibigay-halaga sa tao.

Paggising mula sa Pagkaalipin ng Matrix[1]

ni Lester Abuel


Ginawa tayong baterya ng sistema
na nagpagagalaw sa atin. Katawan,

ang mismong puhunan sa paggawa,
ang ginagamit na lakas [2] ng mga Makina

sa pagkilos ng Kanilang lipunan.
Wala na kasing silbi ang paggawa ng tao

para sa Kanila. Sanhi na lamang tayo ng lakas
dahil wala nang nagbibigay-liwanag—

taklob na kasi ang araw ng alimuom
dahil abo na ang kabihasnan. Tanging

Makina na lamang natirang gumagana.
Wala kasi Silang ginagawa kundi sundin ang sistema.


--------

[1] Ang pelikulang “The Matrix” ang ispesipikong tinutukoy rito, ngunit maaari rin itong basahin bilang orihinal na kahulugan ng “matrix”
[2] Init ng araw ang pinanggagalingan ng lakas ng mga makina sa pelikulang “The Matrix.” Nang matakluban ang araw dahil sa digmaang Tao at Makina, ginamit ng mga Makina ang katawan ng tao bilang sanhi ng kanilang lakas.

Wednesday, April 27, 2011

Pagsara ng Bintana

ni Nicko Caluya

Humahalili ang bombilya
sa buwang nawawala.
Ang papel na lungsod,

ang panulat na mitsa
ng unti-unting pagliwanag
ng paligid. Sa gilid nito

ang mga palad bilang lilim
sa mga salita. Natatanaw
ang pagbuo ng mga ulap,

tumatakip sa mga tala,
bumibigat, bumibigat
hanggang magpakawala

ng matinding ulan.
Nalulusaw na ang lungsod,
unti-unting nabubura.

Wednesday, April 20, 2011

Isang Gabi

ni Monching Damasing

Namitas tayo ng mansanas isang gabi.
Inihabi ng buwan ang iyong katawan
Sa kadilimang pumapagitan sa mga sanga,
Ginagawa itong mabigat sa hubog kong

Kinakanlong ng anino mo. Sa itaas
Mabagal mong tinatanggal ang dyaryong balat
Ng mga bunga, hinila ang mga ito patungo
Sa lupa, sa aking nakatitig sa mga talang

Palamuti ng iyong buhok.
Bumalikwas ang mga sanga pabalik
Sa kinaroroonan nito, pero kung saan dati
Ang bunga, ngayo’y bughaw na liwanag

Na nilalamanan ang naiwang espasyo—
Kailan kaya siya muling magbubunga,
Tanong mo sa akin, bago kagatin
Ang aking labi, at tanging buwan

Ang bumabalot sa ating mga katawan.
Naisip ko ring itanong iyon, ibulong
Habang nasa bisig ng anino mo, nang biglang
Iniugoy ng hangin ang lahat, upang maghimig,

Upang ihimig ang nagaganap
Na kalawakan sa ating mga balat.

Tuesday, March 29, 2011

Pagkawala

ni Paolo Tiausas

Walang kawala sa gubat na nagnanakaw ng paningin. Ang tanging nakikita: ang mga hiblang nakalugay sa mga dambuhalang punong tinakpan at sinakop ang langit. Wala na ang langit. Walang mga tala kundi ang lihim ng mga dahon at sanga: mga matang nagbabanta mula sa lahat ng punong iniwan at nababalikan nang nababalikan nang nababalikan. Wala na pala sa katahimikan kahit ang tunog ng aking hingal. Mag-isa lang ako at ang gubat na naghahabol ng hininga.

Wednesday, March 2, 2011

Sa Wakas

ni Lester Abuel

Alam mo bang kanina pa
akong magdamag nang nakatingin
sa ('yo) litrato mo. Ang puso ko'y hindi mapalagay
dahil atin ang nagdaang gabi. Ngayon,
ito ang unang araw na wala ka na

sinta, dahil katulad mo
ako rin ay nagbago. -- alam naman nating
noon pa man, meron nang taning -- hindi na tayo
tulad ng dati, kay bilis ng sandali.
Datapwa, inaasam ko

ang panahong makapiling at makita kang muli
kahit sa una't huling pagkakataon. Ngunit sa ngayon,
maglilinis ako ng aking kwarto:
punong-puno ng galit at damit,
mga liham ng nilihim kong pag-ibig
At litrato ng kahapong maligalig,
mga nakaraang hindi na pwedeng pagpaliban.

Hindi ko na kakayaning mabuhay sa kahapon
kaya mula ngayon, mula ngayon
dahan-dahan ko nang ikinakahon
ang mga ala-ala ng lumuluhang kahapon
ang mga dahan-dahan kong inipon
ay kailangan nang itapon. Kailangan kong gumising,
gumising sa katotohanang

hindi ka naman talaga akin.

Kung makatulog man ako
matapos ng insomnia na 'to,
sa panaginip:

tinatawag kita,
sinusuyo kita,
'di mo man marinig,
'di mo man madama.

Kay tagal kitang minahal.
Kay tagal kitang mamahalin.

Friday, February 25, 2011

Saudade

ni Nicko Caluya

Sinisisi ng maruming hintuturo
ang bawat sinasagasaang salita.

Sinasagwan ang karagatang espasyo:
ikaw at ang kahulugang nawawala.

Wednesday, January 26, 2011

Xerex

ni Nicko Caluya

Alam mo na marahil ang kuwento ng buhay ko habang ipinagyayabang ang aking katawan: ang matang nakatitig sa bawat titik kung gaano kalaki, katigas at kahaba. Marahil iyon lamang ang maiiwan sa iyong alaala kapag matutulog ka na. Sa iyong kinahihigaan, may hahablot na lamang ng iyong saplot. Wala ka nang ibang magawa kundi sumunod dahil sa pananabik. Hahawakan kita at bubulungan ng mga talinhaga tungkol sa pagmamay-ari ng isa’t isa. Uungol ka ngunit walang ibang makasasaksi sa nililikha mong panaginip. Sa bagay, aabangan mo lang naman ito: ang pagpasok-labas ko sa iyo, kung anu-anong posisyon at pahamak ang nangyayari, kung anu-anong posisyon at pahamak ang nangyayari, kung anu-anong posisyon at pahamak ang nangyayari, hanggang magsawa ka na. Mamumula sa pagkakabuka ang gilid ng bibig at pagitan ng mga hita, manginginig ang iyong mga daliri at tuhod sa mahigpit na pagkapit, at halos maiyak ka na sa hapding dulot ng pagdiin. At dahil babanggitin ko ang pawis, dugo at laway sa sinusulat ko, mandidiri ka. Hahanapin mo ang mga pangungusap, mga dayalogong punung-puno ng pagmamahal at pagmumura: "Walang hiya ka, binibitin mo ako, gustung-gusto kita, sige pa." Upang makasigurong ikaw lang ang kausap ko, idadagdag ko na rin kung gaano ako kainteresadong maari ka nang buong-buo: "Akin ka ngayon, wala nang ibang makagagawa nito sa iyo." Wala ka nang ibang iintindihin pa kundi ang sariling pagnanasang makarating sa langit kahit gaano kalaki, katigas, o kahaba ang pagdaraanan. Aabangan mo na lamang ang aking pagpapaulan. Sa ilang sandali, hindi mo na rin makakayanan. Pagbaba ng diyaryo, masisilaw ka sa matinding sikat ng araw.

Saturday, January 15, 2011

tahanan

ni Paolo Tiausas

labimpitong taong gulang na ako
at wala pa rin akong kuwarto.

sa minsang biniro ko ang nanay ko
na wala akong paglalagyan ng gamit,
may pag-uyam lang siyang tumawa:
aba, nangangarap pa ’to ng kuwarto!

sa gabi ring iyon, nag-ayos ako ng gamit.
nilipat-lipat ko ang mga kalat sa bahay
para magkaroon ako ng paglalagyan
ng mga nabasa’t binabasang aklat.

maalaga’t dahan-dahan kong hinanay
ang mga aklat na pambata, mga nobelang
inaral sa hayskul, at mga koleksyong buo
ng mga maikling-kuwento at tula.

wala pang isang metrong lapad
ang hanay na aking napuno
at wala namang napansin si nanay
na pagbabago sa aming tahanan.

labimpitong taong gulang na ako
at naghahanap pa rin ako ng kuwarto.

Monday, January 10, 2011

Malikhaing Gawain

Bibli(ograpi)ya
Enero 10, 2011 7:26-7:31 n.g.

Henesis | Monching Damasing
Ginunita sa salita ang liwanag

Exodus | Nicko Caluya
Sumambulat ang tagsalat, sanlaksa ang nagsilayas.

Job | Japhet Calupitan
Humithit ng kung ano si Job at tinamo niya ang kaliwanagan.

Pagkawala ni Jesus | Geneve Guyano
Kinailangan ni Jesus mapag-isa mula kina Maria at Jose.

Pagdami ng Tinapay | Paolo Tiausas
Anak, sa wakas, may almusal na -- magpakailanman!

Juan 3:16 | Lester Abuel
Yapak na naglakad ang Nazarenong balot ng putik na naghihintay mabuhay muli.

1 Corinto 13:4 | Roselyn Ko
Sa dinami-rami ng mukha ng pag-ibig, iilan lang din sa kanila ang maitatawag na tunay at walang ikinukubli.